Inday TrendingInday Trending
Ako Ang Iyong Magiging Mga Mata

Ako Ang Iyong Magiging Mga Mata

Siyam na taong gulang lamang si Randy ng iwanan sila ng kanyang ina nang mabulag ang kanyang amang si Mang Raul. Mula noon ay magkatuwang na nilang hinarap ang hirap ng buhay. Dating isang driver si Mang Raul. Malaki ang kanyang kita kaya maayus niyang naitaguyod ang kanyang pamilya. Ngunit sa hindi inaasahang pagkakataon ay naaksidente ito.

Nakatulog habang nagmamaneho ang karelyebo nitong driver at sila ay bumanga sa isang poste. Isang himala na lamang nabuhay pa siya sapagkat talagang malaking pinasala ang tinamo ng sasakyan. Hindi naman na nabuhay ang kanyang kasamahan.

Ngunit nang dahil sa aksidenteng ito ay napuruhan ang kanyang mga mata. Hindi na siya muling nakakita pa. Nawalan siya ng trabaho at naging alagain. Nagsawa ang kanyang asawa sa pagsisilbi sa kanya at sa kanilang pagkakagipit at isang araw ay umalis na lamang ito. Iniwan niya si Randy sa pangangalaga ni Raul kahit na alam niyang maging ang sarili ay hindi maasikaso ni asawa.

“Letseng buhay ito! Wala ngang malamon, puro pasakit pa ang dala ninyo! Hindi ako karapat-dapat sa ganitong buhay!” sambit ng asawa ni Mang Raul habang nagbabalot ng kanyang mga damit.

Sa kabila ng pang-iiwan ng asawa ay pinilit bumangon si Mang Raul. Naghanap siya ng pagkakakitaan. Ngunit para sa isang bulag na tulad niya, mahirap na makuha siya ng permanenteng trabaho. Kaya napili na lamang niya na kumanta sa tapat ng simabahan.

Doon sa ilalim ng init ng araw ay kasama niya ang kanyang anak habang siya ay kumakanta. Ang mga nagdadaanang mga tao ay nagbibigay ng kanilang limos sa mag-ama. Maliit lamang nag nalilikom ng mag-ama sa buong maghapon.

Minsan ay isang beses isang araw na lamang silang kumain. May mga pagkakataon nga na hindi na lamang kumakain si Mang Raul at ibinibigay na lamang sa kumakalam na sikmura ng anak.

Dahil sa kanilang kahirapan, hindi na nagawa pa ni Mang Raul na ipasok sa eskwela ang bata. Isang araw, sa tapat ng simabahan kung saan sila madalas matagpuan ay napansin sila ng isang miyembro ng Rotary Club. Doon ay inalok si Mang Raul na paaaralin nila si Randy. Ikinalugod naman ng ama ang balitang ito.

Sa umaga ay inihahatid muna ni Randy ang kanyang ama sa pwesto nito sa harap ng simbahan saka siya papasok sa eskwela. Pagtakapos niya sa paaralan ay agad siyang tumutuloy sa ama upang sabay silang umuwi.

Nang makauwi sa kanilang barung-barong ay masayang pinagsaluhan ng mag-ama ang ulam na monggo at kanin na kanilang nabili sa karinderya.

“Kuhain mo na ang sahog riyan na hipon o kaya naman chicharon, anak. Sa iyo na iyon. Kain ka nang maigi ng makatulog ka na nang maaga at bukas ay may pasok ka pa.” wika ng ama.

“Matagal na rin akong bulag anak. At unti-unti ko nang nakakalimutan ang iyong mukha. Maaari ko bang mahawakan ang mukha mo upang muli kong maalala?” sambit pa niya sa anak. Hindi man pinapahalata ni Randy ngunit lubusan ang kanyang nararamdaman na kalungkutan sa sinapit ng kanyang ama. At kahit na kasi ganito ang kalagayan nito ay pilit pa rin niyang kinakaya upang mabuhay ang kanyang anak.

Unti-unting pinahiran ni Randy ang kanyang mga luha at saka ngumiti. Pagkatapos ay inilapit ang mukha sa ama. Ayaw niya kasing maramdaman ng ama na siya ay umiiyak.

“Parang lumalaki na ang iyong mukha anak. Ano na kaya ang itsura mo? Siguro ay mana ka sa akin parehas tayong guwapo!” natatawang sambit ng ama. “Salamat anak ha, matiyaga ka sa iyong tatay. Wala man akong paningin ay gagawin ko ang lahat para sa iyo. Tandaan mo iyan,” wika ni Mang Raul.

“Alam ko po, itay. Maraming salamat rin po,” tugon naman ng anak.

Ang hindi alam ni Randy ay alam ng kanyang ama ang kanyang pagluha. Hindi man nito pinapahalata sa anak, lubusang nadudurog ang kanyang puso. Kung nakakakita lamang siya ay hindi na ito sasapitin ng anak.

Maging sa paaralan kasi ay tampulan ng tukso ang bata ngunit walang pakielam rito si Randy. Para sa kanya ay hindi naging kabawasan sa paggiging ama ni Mang Raul ang kalagayan nito o ang pagkanta-kanta nito sa labas ng simbahan. Lalo siyang nagsumikap.

Isang araw ay nakakita si Randy ng isang pitaka. Makapal ito at mukhang pang mayaman. Nang buksan niya ito ay tumambad sa kanya ang maraming pera. Naisip niya na kung may ganito silang karaming salapi ay maari na niyang patignan muli ang ama. Ngunit hindi siya nagdalawang isip na hanapin ang may-ari nito.

Ilang minutong naghanap-hanap sa labas at loob ng simabahan si Raul hangang isang lalaking mapustura ang natanaw niya na tila may hinanap.

“Ginoo, may hinahanap ho ba kayo?” tanong niya.

“Oo, boy! Kasi nawawala ang aking pitaka,” sagot naman nito.

“Maaari ko ho bang malaman kung ano ang itsura nito? Kung maaari rin po ay malaman ko na rin kung ano ang natatandaan ninyong laman nito,” sambit ni Randy.

Akmang-akma sa inilarawan ng lalaki ang pitaka na napulot ni Randy. “Ginoo, ito ho ba ang inyong sinasabi? Napulot ko ho ito at nais ko lamang po makasiguro na maisasauli ito sa tunay na may-ari.” wika pa niya.

Tuwang tuwa ang lalaki at nais niyang gantimpalaan si Randy sa kanyang kabutihang nagawa. Ngunit tumanggi ang bata.

“Nasaan ang iyong mga magulang, boy? Nais ko rin silang pasalamatan sa pagpapalaki sa iyo ng tama,” sambit ng lalaki.

“Sige ho, maaari ko ho kayong ipakilala sa aking ama. Kumakanta po siya sa labas ng simbahan. Halina po at sasamahan ko po kayo.”

Dali-daling dinala ni Randy ang lalaki sa kanyang ama. Nang magpakilala ito ay nagulat si Mang Raul sapagkat ang lalaki pala na may ari ng pitaka ay isang dating tanyag na artista. Humanga ang lalaki sa katapatan ng anak ni Mang Raul sapagkat sa kanilang kalagayan ay hindi ito nagdalawang isip na isauli ang pitaka. Upang makapagbayad ng utang na loob ay minabuti ng lalaki na bigyan ng permanenteng trabaho si Mang Raul. Iminungkahi ng lalaki si Mang Raul bilang isang event singer. Kumakanta siya sa mga pagtitipon tulad ng kasal at kaarawan.

Patuloy parin sa pag-aaral si Randy. Paminsan-minsan ay sumasama ito sa kanyang ama sapagkatapos ng kanyang klase. Nakapagpatayo na rin ng isang maliit na tindahan ang mag-ama at umupa na sila nang mas maayos na tahanan.

“Maraming salamat, anak. Sa mga panahon na nais ko nang sumuko ay ikaw ang baston ko. Sa kadiliman ikaw ang naging mga mata ko. Salamat sa hindi mo pag-iwan sa akin. Ikaw ang aking kayamanan dito sa mundo,” masayang sambit ni Mang Raul.

Advertisement