Galing si Andoy sa isang mahirap na pamilya at walang pinag-aralan. Ang kanyang ama ay dating mangingisda at ang kanyang ina naman ay isang labandera. Panganay si Andoy sa labing isang magkakapatid. Bata pa lamang ay namulat na siya sa hirap ng buhay. Sa kanyang murang edad ay nabigyan agad siya ng responsibilidad na tumingin sa kanyang mga nakababatang kapatid.
Walang ibang pinangarap si Andoy kundi ang makatuntong sa eskwelahan at makapag-aral. Habang ang kanyang mga kasing-edad ay naglalaro sa lansangan, siya naman ay nag-aalaga ng mga kapatid. Tuwing tulog na ang mga ito ay ang ilaw sa lampara ang nagsisilbi niyang liwanag upang pag-aralan ang Abakada.
Tuwang-tuwa si Andoy sa tuwing siya ay uutusan upang mag-igib ng tubig. Malapit kasi ang ang igiban sa isang silid-aralan ng eskwelahan. Dito ay naririnig niya ang boses ng gurong si Ginoong Cipriano. Madalas ay nagtatagal siya rito upang makinig ng mga aralin.
Lingid sa kanyang kaalaman ay batid ng guro na naroroon siya at pasikretong nakikinig kaya sinasadya niyang lakasan ang kanyang boses upang sa ganon ay marinig ito ni Andoy sa kabilang dingding. Dahan-dahang idinikit ni Andoy ang kanyang tenga rito. At narinig niya ang malakas na tinig ng guro. “Class, ulitin ninyo pagkatapos ko,” pasigaw na tinig ni Ginong Cipriano. “Ba, Be, Bi, Bo Bu,” turo niya sa kanyang klase.
Isang araw, kagaya ng nakagawian ay nagtungo muli sa likod ng silid-aralan si Andoy upang makinig ng aralin ngunit laking pagtataka niya na walang nagtuturo. Nang lumingon siya ay laking gulat niya nang makita ang guro na nasa likuran na niya.
Sa takot na baka pagalitan siya o isumbong sa pamunuan ng paaralan ay akmang tatakbo na si Andoy, ngunit nahawakan siya ng guro sa kanyang balikat. “Wala po akong ginagawang masama, patawad po. Pakalawan ninyo n apo ako. Hindi na po mauulit na makikinig ako sa inyong aralin,” takot na wika ni Andoy.
“Huminahon ka, hijo. Wala akong gagawing masama sa iyo,” mahinahong sambit ni Ginong Cipriano. “Narito ako upang tulungan ka, matagal na kitang nakikita. At batid ko ang iyong hangarin na matuto. Kaya narito ang ilang mga libro na maaari mong basahin. Marunong ka na ba magbasa? Sa iyong edad ay dapat marunong ka na,” tanong ng guro. Ikinagulat ito ni Andoy.
“Opo. Natuto po ako sa tagal ng pakikinig ko sa inyo.”
Napangiti naman ang guro sapagkat hindi siya nagkamali na tulungan ito. Kinausap ni Ginong Cipriano ang mga magulang ni Andoy na tutulungan niya ang bata na makapasok sa paaralan.
“Sasagutin ko na ang pag-aaral mo sa buong baitang ng iyong elementarya. Ang ipangako mo lamang sa akin ay lubusan mong gagalingan ang iyong pag-aaral.” hiling ni Ginoong Cipriano.
Bilang kapalit ay tumutulong si Andoy sa paglilinis-linis ng paaralan.
“Hindi mo na kailangan iyan gawin, Andoy. Umuwi ka na lamang at mag-aral,” sambit ng guro sa nagbubunot ng damo na si Andoy. Dahil sa kanyang dedikasyon ay nakatapos ng elementarya na may karangalan si Andoy. Nakita ni Ginong Cipriano ang kanyang dedikasyon kaya pinaaral muli niya ito sa hayskul. Muli ay hindi nabigo si Andoy at nakatapos na naman siyang muli ng may karangalan.
Naisin man ni Andoy na mag-aral pa ng kolehiyo ay hindi na nito magawa. Bukod kasi sa pagpanaw ng butihing guro na si Ginoong Cipriano ay kailangan na rin niyang tumulong sa mga magulang upang suportahan naman ang kanyang mga kapatid. Noong mga panahon na iyon ay mahal ang pagpapaaral sa kolehiyo at dahil na rin sa laki ng kanilang pangangailangan ay hindi na ito matutustusan pa.
Ngunit hindi bumitaw sa kanyang pangarap si Andoy. Upang matustusan ang kanilang pangangailangan, sa umaga ay namasukan siya bilang isang janitor sa isang aaralan at sa gabi naman ay nag-aaral siya bilang isang guro.
Hindi naging madali na pinagsasabay ni Andoy ang pagiging janitor niya at kaniyang pag-aaral. Naging tampulan siya ng tukso ng mga kamag-aral dahil sa kanyang trabaho. Minamaliit siya at ginagawang katatawanan sa klase.
Madalas siyang panghinaan ng loob dahil bukod sa bugbog nag kanyang emosyon sa mga pangungutya at patang pata din ang kanyang katawan sa hirap ng trabaho.
Ngunit sa tuwing naaalala niya ang pangaral at pagtitiwala sa kanya ni Ginong Cipriano ay hindi niya magawang sumuko. Kaya nahihirapan man ay patuloy siyang lumalaban.
Isang araw naiyak na lamang siya sapagkat ang kanyang minimithi ay hawak kamay na niya. Bitbit ang kanyang diploma ay patuloy ang pag-agos ng luha ni Andoy. Naalala niya ang batang noon ay nangangarap lamang na matutong magbasa at lihim na nakikinig sa likod ng isang silid-aralan. Sa loob ng apat na taon na pagsusunog ng kilay at pagbabanat ng buto ay masasabi niyang nakamit na niya ang matamis na tagumpay.
Sa kauna-unahang pagkakataon kasi ay mayroong nakatungtong sa paaralan at nakapagtapos ng kolehiyo sa buong angkan ni Andoy. Mahirap man ang kanyang pinagdaanan ay nakamit niya ito sa tulong ng isang gurong naniwala sa kanya at sa kanyang hangarin na hindi kailanman bitawan ang kanyang mga pangarap.
Ngayon ay isa na ring guro si Ginoong Andoy. Unti-unti na rin niyang napamulat sa kaniyang pamilya ang kahalagahan ng edukasyon. Bilang isang guro ay ipinagpatuloy rin niya ang adhikain ni Ginoong Cipriano na makatulong sa mga kabataang kapos ngunit may dedikasyon sa pag-aaral.