Lumaki si Lucas sa mga gawain ng kanilang simbahan. Deboto kasi ang kaniyang nanay na si Aling Helen at wala na ngang iba pinangarap ang ale kundi ang maging sakristan ang anak.
“Alam mo, anak, lahat ng mga anghel ngayon sa langit ay nadiriwang dahil sa wakas, magsisilbi ka na sa gawain ng Diyos!” saad ni Aling Helen habang kausap ang kaniyang anak.
“Pagkatapos ko bang maging sakristan ay maari na akong maging marino?” tanong naman ni Lucas sa kaniyang nanay.
“Pag nakapasok ka na at nakapagsimula ka na sa pagiging sakristan ay mag-iiba na magiging pananaw mo sa buhay. Maging ang pangarap mo, anak, ay mababago rin,” sagot naman sa kaniya ng ina.
“Bakit ko ba kailangang maging sakristan? Hindi pa ba sapat ang pagdarasal ninyo sa Diyos? Bakit kailangan ko pang gawin ito?” tanong muli ni Lucas na noon ay 13 anyos lamang.
“Anak, ang lahat ng mga nagsisilbi sa Diyos ay mas malapit sa kaniya. Kapag nanalangin ka ay mas uunahin niyang tuparin ito kaysa sa panalangin ng mga normal na tao,” paliwanag muli ng ale.
“Wala namang ganyang itinuro sa amin sa eskwelahan, mama. May GMRC subject naman kami at may religion subject pa. Hindi naman nila binanggit ang mga sinabi mo,” baling ng bata sa kaniya.
“Anak, susubukan mo lang naman kapag talagang hindi mo gusto ay ititigil na natin,” saad naman muli ng kaniyang ina.
“Ano pa nga bang magagawa ko,” sagot ni Lucas saka siya huminga ng malalim at pumasok sa simbahan.
Naiinis man siya sa kaniyang ina dahil bakasyon ngayon at nakikipaglaro sana siya sa mga kaibigan at naliligo sa batis na malapit sa kanilang lugar ay hindi na niya magagawa pa.
Gusto na lang niyang pagbigyan ito dahil sa nakikita niya ang hirap at sakripisyo na ginagawa ng kaniyang ina, palibhasa’y iniwan daw kasi sila ng kaniyang ama, kaya naman wala itong makatuwang ngayon sa pagpapalaki sa kaniya.
May mga gabi na nakikita niyang umiiyak ang kaniyang mama at alam niyang nahihirapan na ito kaya kung ang pagiging sakristan niya ay makakatulong sa pagpapagaan ng loob ng kanyang ina ay handa siyang ibigay ito.
“Lucas, ang tagal kitang inantay! salamat naman at napagbigyan mo ang nanay mo,” saad sa kaniya ni Father Ben.
“Gagawin ko po ang makakaya ko na hindi maging sakit sa ulo niyo, father,” sagot naman ni Lucas sa lalaki.
“Ang makita lang kita na nagsisilbi sa gawain ng ama ay siyang labis ko nang ikinasasaya. Kaawaan ka nawa ng Diyos, ito ang regalo ko sa’yo” pahayag muli ng pari sabay kabit ng isang porselas na pula sa kaniyang kamay.
Bukod sa hiling ng kaniyang ina ay naging madali na lang din kay Lucas ang pagpasok sa simbahan dahil sa napakabait na si Father Ben. Bata pa lamang siya ay napakalapit na ng lalaki sa kaniya, palagi nga niyang pinagdarasal noon na sana maging tatay na lang niya ang lalaki. Ngunit alam niyang napakalabo ng kaniyang kahilingan dahil sa mga sinumpaan nilang pangako na i-aalay lamang ang kanilang buhay sa gawain ng ama.
Lumipas pa ang isang buwan at marami nang natutunan si Lucas, aminado rin siyang masaya pala ang magsilbi sa Diyos.
Isang araw, tapos na ang mga leksyon ni Lucas at maari na siyang umuwi ng maaga. Napagdesisyunan niyang akyatin ang kampana para doon magpahangin.
“Napakaganda talaga ng tanawin kapag galing dito, salamat, Diyos ko!” wika ni Lucas sa kaniyang sarili habang nakapikit pa ito at sinasamsam ang sariwang simoy ng hangin.
Nang may biglang pumasok sa gusali ng kampana at kinabahan siya kaya agad siyang nagtago, mahigpit kasing ipinagbabawal ang pag-akyat doon.
“Ano pa bang gusto mo? Naibigay ko na ‘yung gusto mo sa bata. Bakit ba hindi pwedeng ibigay ko rin kung ano yung mas makakabuti sa kaniya?” saad ng isang babae.
“Sa tingin mo ba ay mas makakabuti sa kaniya ang mag-aral pa ng kolehiyo? Mas mabuti sa kaniya ang manatili rito sa atin, ang maging katulad ko,” wika naman ng lalaki.
“Parang pamilyar ‘yung boses, sino kaya ‘yung mga nag-aaway na ‘yun at dito pa talaga nila napiling mag-usap,” isip-isip ni Lucas.
“Maging kagaya mo? Sa tingin mo ba ay napakabuti mong tao? Wala kang pagmamahal, wala kang puso at mas lalong hindi ka kaluluguran ng Diyos sa mga ginagawa mo!” sigaw ng babae.
Mabilis na narinig ni Lucas na sampal ang naging sagot sa sigaw ng babae kanina kaya naman napasilip siya sa mga ito.
Nakayuko na ang babae at umiiyak, samantalang nakikilala naman niya ang mga braso ng lalaki.
“Father Ben?” tanong niya at hindi namalayan ni Lucas na napalakas pala ang kaniyang boses kaya agad na napatingin ang dalawang taong nagtatalo sa kaniya.
“Kanina ka pa riyan, Lucas?” tanong ng lalaki.
“Mama?” nanginginig na wika ng bata nang maaninag niya na si Aling Helen ang babaeng umiiyak at nakayuko. Mabilis siyang bumaba galing sa itaas at niyakap ang kaniyang nanay.
“Ano ang pinag-uusapan niyo ni Father Ben? Father, bakit mo sinaktan ang mama ko?” baling ni Lucas sa lalaki.
“Humingi lamang ng tulong ang nanay mo sa akin patungkol sa pag-aaral mo ng kolehiyo, naging mainit lamang ang aming diskusyon kaya naman napagbuhatan ko siya ng kamay,” paliwanag ni Father Ben sa kaniya.
“Hindi, Lucas, kailangan mo nang malaman ang totoo. Si Father Ben ang tatay mo!” pahayag ni Aling Helen sa bata. Labis na naguguluhan si Lucas sa kaniyang mga naririnig.
“Nagkaroon kami ng relasyon noon at nabuo ka pero dahil ganyan ang katayuan niya sa simbahan ay itinago kita sa lahat ng tao, itinago ko ang totoong pagkatao mo para lang protektahan siya, patawarin mo ako, anak,” dagdag pa nito.
Mabilis na uminit ang mga pisnge ni Lucas at naramdaman niyang napupuno ng luha ang kanyang mga mata.
“Totoo ba ‘yung mga sinasabi ni mama?” tanong niya sa lalaki.
“Oo, Lucas, totoo iyon. Pero kailangan mong maintindihan na kailangan kitang kalimutan o itago dahil kahihiyan ito sa gawain ng simbahan, kahihiyan ito sa gawain ng Diyos. Kaya sana ngayong alam mo na ang tunay mong pagkatao ay manatili itong sikreto, ayaw kong masira ang koneksyon ko sa Panginoon,” sabi ni Father Ben sa kaniya.
Saglit na natawa si Lucas sa sinabi sa kaniya ng lalaki at mabilis niyang piniga ang mga mata upang hindi tuluyang umagos ang mga luha niya. “Sa tingin mo tatangapin ka ng Diyos sa ginawa mo sa nanay ko? Nagpapakamalinis ka sa mata ng marami pero ang totoo naman ay madumi ka talaga! Ang laki ng pagsisisi kong hiniling kong maging tatay ka, dahil wala ka palang kwenta!” galit na sagot ni Lucas sa kaniya.
“Kaunti pa lang ang nalalaman ko tungkol sa gawain ng Diyos pero sigurado ako na kasalanan ang nagawa mo sa nanay ko at imbes na panagutan mo siya ay mas pinili mong itago ang katotohan para proteksyon ang imahe mo. Wala kang kwenta, Father Ben!” baling muli ng bata saka siya tumakbo.
Hindi nagtagal ay lumabas ang tunay na katauhan ni Lucas at ang mas malalala pa nga nito ay hindi lamang pala siya nag-iisa. Napakaraming babae ang lumutang upang umamin na ginagalaw sila ng lalaki kapalit ng pangakong maliligtas sila sa mata ng Diyos dahil siya raw ang pinakamalapit dito. Kalauna’y nahuli si Father Ben at napagalaman pang hindi pala ito legal na pari at nagpanggap lamang upang makapanloko ng tao.
“Anak, patawarin mo ako kung ipinilit ko ang simbahan sa’yo rati,” pahayag ni Aling Helen.
“Wala iyon, ma. Kalimutan na natin ang mga nakaraan at mas maging totoo tayo sa pagharap ng bukas. Alam kong hindi sa simbahan ang daan patungo sa Diyos kung ‘di sa puso natin,” sagot ni Lucas at saka niyang niyakap ang ale.
Natanggal sa pagka-pari si Father Ben at nasampahan pa ng kaso ng mga babaeng kanyang mga naabuso. Si Lucas naman ay nag-aaral na ng kolehiyo at pilit na inaabot ang pangarap na maging isang marino. Kaunting panahon na lang naman at makakapagtapos na rin si Lucas.