Inday TrendingInday Trending
Ukay Lang Ang Damit Ko

Ukay Lang Ang Damit Ko

Tuwing lalabas ng bahay si Angeline ay nagsisitaasan ang mga leeg nang kaniyang mga inggiterang kapitbahay, habang ang mga nguso nito’y parang p*wet ng manok kung makakibot at ang mga mata naman ng mga ito ay animo’y jolen kung makaikot.

“Ang gaganda talaga ng mga damit niya samantalang isa lang naman siyang saleslady sa isang mall at alam ko na maliit lamang ang sahod sa mga iyon,” wika nang unang tsismosa.

“Naku! Alam mo na iyon, imposible naman na ma-afford niya ang mga ganiyang mamahalin na klase ng damit! Malamang may sugar daddy iyang si Angeline,” husga naman ng pangalawang tsismosa.

“Malamang! Ano pa ba ang kataka-taka doon? Alam mo naman na may pagka-keringking din iyang si Angeline,” sambit ng pangatlong tsismosa.

Uso na iyon sa lugar nila, kahit sino ang dumadaan lalo na’t kinakainggitan ng mga ito ay ginagawan nila ng kwento. Katulad na lang sa kaniya, may matandang mayaman daw siyang nobyo na nagbibigay sa kaniya ng pera. Lalo na kapag naka-kotse siyang uuwi sa squater nilang lugar, sinasabi ng mga itong iba-iba ang lalaki niya, dahil iba-iba din ang kotseng naghahatid sa kaniya. Kahit ang totoo ay grab lang naman iyon.

“Hirap maging t*nga besh,” bulong niya sa sarili.

Ayaw niyang patulan ang mga ito, masisira lang ang araw niya at papangit lang siya. Stress lang ang hatid ng mga tsismosa niyang kapitbahay. Sa araw-araw na ginawa ng Diyos ay wala nang ginawa ang mga tsismosa sa kanilang baryo kundi ang magbantay ng mga taong dumadaan. Ayos lang sana kung nagbubulungan ang mga ito, ang masama ay nakasigaw pa ang mga ito kung mag-usap. Talagang maririnig ito hanggang kabilang kanto!

“Naku! Nandito na naman si Angeline, ang babaeng may sugar daddy kaya mukhang mayaman kung pumorma,” wika nang mukhang pinuno ng tsismisan.

“Korak!” segunda naman ng mga mukhang alagad nito. Sa inis ay binalikan ni Angeline ang mga ito at hinarap.

“May mga trabaho ba kayo o wala?” tanong niya.

“Wala, bakit?” sabay na wika ng tatlo.

“Kaya pala wala na kayong pinagkakaabalahan, kung ‘di ang pag-tsismisan ang mga dumadaan sa eskinitang ito. Makinig kayong maigi dahil ngayon lang ako magpapaliwanag sa inyo ah, punong-puno na kasi ako sa maling tsismis na naririnig ko araw-araw mula sa inyo.

Hindi branded ang mga damit ko, kasi sabi niyo nga saleslady lang ako at maliit lang ang sinasahod ko, mukha lang mamahalin ang damit ko pero galing lang talaga ang mga ito sa ukay-ukay. Try niyo din kasing lumabas sa lungga niyo at mag-ukay para makahanap kayo ng magagandang damit, hindi iyong panay tsismisan na lang kayo rito at mukhang basahan ang mga damit niyo.

Tsaka siguro ang sasakyang alam niyo lang ay jeep at tricycle o ‘di kaya high class na ang taxi, kasi hindi niyo alam ang grab. Diyos ko naman mga teh, grab ang naghahatid sa’kin dito tuwing umuuwi ako at hindi ang walang mukhang sugar daddy na sinasabi niyo.

Huwag niyong husgahan ang isang tao base sa pananamit niya at kung anuman, masyadong halata na naiingit lang kayo. At tsaka isa pa, huwag niyong pag fiestahan ang buhay ng ibang tao. Bakit hindi niyo muna asikasuhin ang sarili niyong buhay, para naman hindi kayo nakakahanap ng away,” mahabang paliwanag niya.

Naputol na yata ang mga dila ng mga chismosa, dahil hindi na nagawang magsalita pa. “Iyon lang ah, aalis na ako. Salamat sa inyo, daig ko pa ang artista kung pag-tsismisan niyo,” wika ni Angeline at tinalikuran na ang mga ito.

Nakakapuno na din ang mga tsismosa niyang kapitbahay, kaya mas maganda na rin na patikimin ng matalas na dila ang mga ito, para malaman nilang hindi lahat mananahimik na lang at hahayaan ang mga ito.

Makalipas ang isang linggo ay dumaan ulit siya sa eskinitang laging dinadaanan. Namangha siya dahil tahimik na iyon at wala nang nag-uumpukang tsismosa sa gilid.

Dinibdib yata ng mga ito ang sinabi niya kaya tahimik na ang daan ngayon. Napangiti siya sa naisip, may naidulot din naman pa lang maganda ang ginawa niya. Kailangan mo lang din pala silang patikimin ng salita para matigil na.

Huwag husgahan ang isang tao base sa nakikita natin. Hindi magandang mangialam ng ibang buhay, mas maiging asikasuhin ang sariling buhay kaysa bantayan ang iba. Makakahanap ka na ng kaaway, makakapanakit ka pa ng ibang tao, kaya iwas-iwasan ang pakikipag-tsismisan. Tama si Angeline, kaysa makipag-tsismisan sa kanto mag-ukay-ukay na lang, makakahanap ka na ng magandang maisusuot wala ka pang atraso.

Advertisement