Inday TrendingInday Trending
Sinong Nagnakaw ng Alaga Kong Manok

Sinong Nagnakaw ng Alaga Kong Manok

Umagang-umaga pa lang ay umaalingawngaw na ang bunganga ni Tatay Pedio, may nawawala na naman siguro itong alagang manok kaya gigil na gigil na naman itong nagsisigaw sa labas ng bakuran nila.

“Ang hirap talagang magkaroon ng magnanakaw na kapitbahay! Nahiya pa kayong isa-isahin ang mga manok ko! Sana ninakaw niyo na lahat!” galit na sigaw ng lalaki.

Wala naman itong kausap pero may pinaparinggan ito at alam na nilang buong pamilya kung sino iyon. Noon pa man ay pinagdududahan na nila ang kapitbahay nilang may maraming anak.

“Tay, tama na po iyan. Ang aga-aga e, nai-istres na naman kayo,” napapakamot sa ulong wika na anak ni Pedio.

“Kasi naman Zenny, nawala na naman ang isang inahing manok ko! Naku, sana mabusog silang buong pamilya! Ako ang naghihirap tapos sila ang nabusog! Mga k*pal,” gigil na gigil pa ring wika ng lalaki.

“Malay mo naman tay hindi sila ang kumuha,” tugon naman ng babae.

“Walang ibang salarin sa pagkuha ng manok dito, Zenny kundi sila lang. Mahirap lang kasi sila at walang makain mga p*tay gutom, kaya nagnanakaw na lang! Bakit kasi nag-anak ng marami kung hindi naman pala kayang buhayin lahat. Mga purwisyo!” muling sigaw ni Pedio.

“Hoy! Pedio, magdahan-dahan ka sa pagbibintang d’yan. Masyado mo naman yatang hinahamak ang pamliya ko! Hindi kami ang kumuha sa manok mo, kaya wala kang karapatan na pagsalitaan kamo ng ganiyan!” galit na rin na sambit ni Manong Isko ang padre de pamilya ng pinagbibitangang nagnanakaw ng manok.

“May magnanakaw bang aamin?” sagot naman ni Mang Pedio.

“Wala! Pero ano naman ang aaminin ko kung talagang hindi nga ako ang nagnakaw sa mahal mong manok!” tugon naman ni Isko.

“Tama na po iyan. Pasensya na po kayo Manong Isko,” paghingi ng paumanhin ni Zenny. Tatlong beses na kasing nawalan ang kaniyang tatay ng manok at wala itong ibang pinagbibintangan kundi ang pamilya lang ni Manong Isko, laging nagsasagutan ang dalawa dahil mainit ang ulo ng kaniyang tatay sa lalaki.

Isang madaling araw ay hindi makatulog si Pedio kaya nagpasya siyang magkape na lang muna nang biglang kumakapalampog ang manok na para bang nais nitong makatakas dahil sa mga ingay nito at panay ang likot.

Ngali-ngali siyang lumabas upang tignan kung anong nangyayari sa kaniyang mga alagang manok. Kung sino man ang magnanakaw ay mahuhuli na rin niya sa wakas!

Agad niyang inilawan ang kulungan ng mga manok ng sa pagkabigla ay may nakita siyang isang malaking sawa, kasing laki ng hita niya ang ahas na nakita. Kagat-kagat nito ang isang inahin na panay ang galaw, nagbabakasaling makakaligtas pa mula sa sawa.

Sa pagkabigla ay dali-dali siyang umakyat sa bahay nila upang kunin ang kaniyang matalim na sundang at ginising ang kaniyang dalawang anak na lalaki upang may katulong sa pagtugis sa malaking sawa na magnanakaw ng mga manok.

Matagumpay naman nilang nap*tay ang malaking sawa, kahit medyo nahirapan dahil sa laki nito. Mabuti na lang at magaling ang kaniyang dalawang anak, at nahihirapan ng gumalaw ang ahas dahil sa kabusugan nito.

“Tay, mag-sorry po kayo kay Mang Isko. Lagi niyo na lang siyang pinagbibintangan, totoo naman pa lang hindi siya ang nagnanakaw sa mga manok niyo,” wika ni Zenny.

“Oo nga tay, kung gusto niyo bigyan niyo siya ng adobong manok at makipagbati na sa kaniya,” segunda naman ng kaniyang panganay na anak.

“Kahit humingi ka lang ng tawad tay, hindi din madali iyong napagbibintangan ka kahit wala kang kasalanan,” muling mungkahi ni Zenny.

Nang maluto ang adobong manok ay agad siyang kumuha nun upang bigyan ang pamilya ni Isko.

“Isko, ito adobong manok para sa inyo. Marami iyan para magkasya sa inyo,” wika ni Pedio. Tinignan lang nito ang inaabot niyang pagkain na para bang nagdududang baka may lason iyon. “Walang lason ito, Isko, gusto ko lang talagang ibigay ito sa inyo. Paraan na rin ng paghingi ko nang patawad sa’yo at sa pamilya mo. Napagbintangan ko kayo, pero ang totoo pa lang salarin sa pagnanakaw ay ag sawang nap*tay namin,” aniya na agad naman ngumiti si Isko at tinanggap ang adobo.

“Salamat rito, Pedio, kalimutan na natin iyon. Ang mahalaga ay nahuli na ang totoong salarin. Kahit siguro ako ang manakawan, Pedio, magagalit din ako,” nakangiting wika ni Isko.

“Pasensya ka na talaga, Isko ah. Hayaan mo babawi ako. Inuman tayo doon sa bahay,” pag-aya ni Pedio sa kaibigan.

“Tara,” sambit naman ni Isko at sabay silang naglakad papunta sa bahay ni Pedio.

Masakit ang mapagbintangan lalo na kung wala kang kasalanan, hindi din masisisi si Pedio, sino ba naman ang mag-aakalang isang sawa lang pala ang salarin sa pagkaubos ng kanyang inahin.

Huwag tayong basta magbintang o huhusga sa ibang tao dahil lang nakikita natin silang kapos sa buhay. Mas mabuti na din na nahuli na ni Pedio ang totoong nagnanakaw ng kaniyang mga manok, napatunayan niyang kahit hikahos ang kaniyang kapitbahay na si Isko ay hindi nito kayang magnakaw, gaya ng lagi niyang sinasabi.

Advertisement