Inday TrendingInday Trending
Utang Mo, Bayaran Mo

Utang Mo, Bayaran Mo

Madaling lapitan si Elisa, kaya ang mga kasamahan niya ay siya ang laging nilalapitan para mangutang. Kaso may ibang nagkukusang magbayad, may iba naman na nagkaroon na yata ng amnesia, dahil nalimutan nang bayaran ang utang nila.

“Elisa,” mangiyak-iyak na tawag sa kaniya ni Sabel. “Tulungan mo naman ako, baka kasi may extra kang pera d’yan. Pwede mo ba akong pautangin? May sakit kasi ang anak ko at kailangan na kailangan ko ng pera,” nagsusumamo nitong wika.

“Magkano ba ang kailangan mo Sabel?” tanong niya.

“May ten thousand ka ba d’yan Elisa? Malaki-laki ang kakailanganin sa pagpapagamot sa anak ko e,” wika nito.

“Ganun ba talaga kalaki?” nag-aalanganin siya. Ang laki kasi ng hinihiram nito at hindi niya alam kung kaya niya ba talagang magpahiram ng ganun kalaki.

Ngunit sa huli ay nanaig pa rin ang awa niya sa babae, kaya pinahiram niya ito ng kinakailangan nitong pera upang maipagamot ang anak daw na may sakit. Ngunit lumipas ang limang buwan ay hindi pa rin nababayaran ni Sabel ang utang, kahit isang libo man lang.

“Sabel, baka pwede akong maningil sa’yo dahil sa utang mo,” pakiusap niya sa babae.

“Elisa, pwede bang sa susunod na sahod na lang. Kulang kasi ang sinahod ko ngayon kaya hindi ako makakahulog sa utang ko. Pero pangako maghuhulog ako next month,” pangako ni Elisa.

Ngunit lumipas muli ang dalawang buwan ay hindi pa rin ito nag-aabot sa kaniya kahit limang daan na lang.

“Sabel, magkakalahating taon na ang utang mo baka pwedeng bayaran mo ako kahit kaunti lang, kailangan na kailangan ko na rin kasi ang pera,” nagsusumamo niyang wika.

“Kaso Elisa, wala pa rin akong pera e,” sagot naman nito.

“Sabel, binigyan na kita ng dalawang buwan at nakailang sahod na tayo pero kahit piso hindi mo man lang ako naabutan,” mahinahon niyang wika kahit ang totoo ay naiinis na siya rito.

“Anong magagawa ko Elisa, wala pa rin akong perang maipambabayad sa’yo. Ano ba naman ‘yan Elisa, kung makasingil ka naman akala mo naman tatakasan kita. Alam ko ang utang ko at hindi ko iyon nakakalimutan, atat ka lang na makapaningil,” naiinis ang tono ng pananalita nito.

“Ikaw pa ang may ganang magsabi niyan sa’kin. Pinagbigyan kita kahit na alanganin ako kasi naaawa ako sa’yo. Pinahiram kita ng kailangan mong halaga, naniningil ako ngayon kasi ilang buwan na ang utang mo at puro pangako ka lang.

Hindi naman kita inaapura ang sa’kin lang ay bayaran mo ako ng kahit pakunti-kunti. Hindi ko pinulot ang perang iyon sa daan, pinaghirapan ko iyon. At tsaka okay lang sana kung maliit lang iyon na halaga, Sabel. Kung wala kang balak bayaran ako, sabihin mo hindi iyong pinapaasa mo ako ng pinapaasa.

Tapos ngayon mukhang ikaw pa ang galit sa’kin kasi sinisingil kita?” Natameme si Sabel kaya muli siyang nagsalita. “Matuto ka namang magbayad ng utang mo. Parang ako pa itong napapahiya sa ginagawa mo, ang bait mo sa’kin noong nangungutang ka tapos ngayong sinisingil kita ay may pangil ka na,” wika niya.

Para namang napahiya si Sabel, napayuko ito at biglang humina ang boses. “Pasensya ka na talaga, Elisa, talagang wala lang natitira sa sahod ko ngayon. Hayaan mo uunahin kita sa darating na sahod natin. Patawarin mo ako sa inakto ko kanina Elisa,” paghingi ng paumanhin n babae.

“Sana may maiabot ka na nga sa’kin Sabel, pasensya ka na din kung naniningil ako. Ako na naman kasi ngayon ang nangangailangan,” sambit pa ni Elisa.

Pagkasahod nga nila ay agad siyang nilapitan ni Sabel upang mag-abot ng dalawang libo.

“Pasensya ka na ah? Pakonti-konti na lang muna hayaan mo balang araw mababayaran ko din ang utang ko sa’yo Elisa,” wika nito.

“Salamat Sabel ah, hayaan mo makakapaghintay naman ako. Ang mahalaga ay mababayaran mo ako,” wika niya.

Mula noon ay binibigyan siya ni Sabel isang beses sa isang buwan ng dalawang libo. Hanggang sa makumpleto nito ang nautang na sampong libo. Masaya na siya dahil naibalik sa kaniya ang inutang nito kahit matagal at pakunti-kunti lang.

Kapag may utang tayo, dapat matutunan natin na bayaran ito, para makalapit tayong muli sa taong nagtiwala sa’tin. Masakit sa nagpautang kung parang kinalimutan na lang ang inutang sa kanila, lalo na’t pinaghirapan nila ang perang iyon. Nakakahiyang maningil, pero mas nakakahiyang magpanggap na may amnesia, kaya sana naman ay matuto tayong magbayad ng kusa.

Advertisement