“Pare, huwag ka nga umiyak diyan! Babae lang ‘yan, marami pang iba dyan!” pagpapagalit ni Ford sa kaibigang si Zack na humahagulgol dahil hiniwalayan ng girlfriend.
“Oo nga, pare. Ang hirap kasi sa’yo ginagawa mong mundo ‘yong alam mong tao lang tapos kapag iniwan ka halos gusto mo na itigil ang buhay mo. Sige, umiyak ka ngayon. Pero mamayang gabi magsasaya tayo. Sumama ka sa’min!” segunda naman ni Daniel tsaka tinapik-tapik sa likuran ang kaibigan.
Kilala ang tatlong magkakaibigan sa paaralang kanilang pinapasukan sa Manila. Gwapo kasi ang mga ito at naglalakihan ang mga katawan dahil nga palaging laman ng gym. Mga basketball players rin ang tatlo, dagdag pogi points para sa mga babaeng pumapantasya sa kanila.
Ngunit sa tatlong ito si Zack ang pinaka-good boy. Kahit pa player siya ng basketball hindi niya pinapabayaan ang kaniyang pag-aaral. Siya rin ang tinuguriang “lover boy” ng grupo dahil sa apat na taong relasyon nito sa foreigner na girlfriend, isang cheerleader na ngayon ay hiniwalayan na siya dahil sa isang lalaking player naman ng softball.
Kaya naman todo pangaral ang kaniyang mga kaibigan na sina Ford at Daniel sa kaniya na sobrang kabaliktaran niya. Madalas na laman ng beer house ang mga ito. Tumitikim ng iba’t-ibang babae at tamad ang mga ito mag-aral. May tsismis pa ngang kaya nakapasa ang mga ito noong hayskul ay dahil pinormahan ng dalawa ang binabae nilang guro na labis na ikinainis ng mga magulang nila.
Dahil nga sa sobrang kalungkutan ng binata napilitan siyang sumama sa kaniyang mga kaibigan sa isang sikat na beer house. Pagdating pa lamang nila doon ay agad na silang nilingkisan ng mga naggagandahang babae. Tuwang-tuwa naman ang dalawa habang naiilang pa si Zack.
Mayamaya pa ay binigyan na sila ng alak at nagsimula nang magsayawan ang mga tao sa loob ng bar.
“Zack, halika. Doon tayo sa dance floor. Doon madalas matatagpuan ‘yong mga magagandang babae dito,” yaya ni Daniel sabay hila sa kaibigan. Wala naman siyang nagawa kung ‘di sumama na lang.
Kaagad nakakita si Daniel ng isang maganda at seksing babaeng nagsasayaw sa gitna. Nilapitan nila ito at bahagya niyang itinulak si Zack sa babae dahilan para mapansin sila nito. Kinindatan ito ni Daniel at kinausap na sila ng babae.
“O, Zack, ikaw na bahala diyan, ha? Papasayahin ka niyan,” pangiti-ngiting paalam nina Daniel at Ford. Tumango naman si Zack at nakipagsayaw sa dalaga.
Mayamaya pa ay tila nagyayaya na sa kwarto ang dalaga. Lasing na raw siya at nais nang matulog. Dahil sa kabaitan ng binata hinatid niya ito sa isa sa mga kwarto sa taas ng bar at nagulat siya nang bigla nitong sinara ang pinto at pinaghahalikan siya. Hindi na nakontrol ng lalaki ang sarili at tuluyan nang nalamon ng kamunduhan dahilan para may mangyari sa kanilang dalawa.
Kinaumagahan paggising ni Zack wala na sa tabi niya ang magandang babaeng nakilala niya. Ngunit may iniwan itong puting papel sa ibabaw ng lamesa. Agad niya itong binuklat at binasa.
“Sorry, Zack. HIV positive ako.” Tila gumuho ang mundo ng binata sa mga nabasang salita. Hindi niya akalaing sa unang beses niyang ginawa ang bagay na ito ay agad naman siyang nabiktima.
Agad niya itong pinagbigay alam sa kaniyang mga kaibigan. Tila nagulat ang mga ito at hindi makapaniwala.
“Zack, pasensya ka na. Gusto lang naming sumaya ka. Hindi naman namin lubusang akalaing matitiyempuhan mo naman ang may sabit,” dismayadong pagpapaliwanag ni Daniel.
“Oo nga, Zack. Hayaan mo nandito lang kami. Tsaka baka gusto mo magpatingin para makasigurado tayo. Hindi naman porke’t may HIV siya mahahawa ka agad. Malay mo tinatakot ka lang. Magpapatingin na rin kami baka kami rin ay may sakit na. Pangako, kahit ano man ang resulta titigilan na namin ang pag-inom at pambababae. Magbabagong buhay na kami kasama ka, ‘di ba Daniel?” sambit naman ni Ford sabay yakap sa kaibigang tulala lamang sa isang sulok.
Agad naman silang nagpunta sa pinakamalapit na health center upang magpatingin. Labis ang pagdarasal ng tatlo habang naghihintay ng resulta. Isang oras lamang ang nakalipas at binigay na sa kanila ang resulta.
“Negative.” Ngiti ni Daniel.
“Negative rin ako, pare!” masayang sigaw ni Ford. “Ikaw, Zack, buksan mo na,” dagdag nito.
Nanginginig namang binuksan ng binata ang kaniyang sobre at bahagyang napaluha sa mga nabasa.
“Negative!” sigaw ni Zack dahilan para magtalunan ang tatlong magkakaibigan. Tila nag-iiyakan sila sa tuwang nadarama.
Simula noon nagbagong buhay nga ang tatlong magkakaibigan. Sinimulan na nilang mag-aral ng mabuti. Umiwas sa bisyo kahit mahirap at nag-gym upang mapanatili ang kanilang resistensya na kinakailangan nila sa kanilang paglalaro. Wala man silang mga babae sa buhay ang mahalaga na para sa kanila ay ang kanilang hinaharap at kalusugan.
Madalas nauuwi ang ating pagkadapa sa isa pang pagkadapa ngunit hindi mo kailangang mawalan ng pag-asa. Marapat na isipin mo munang mabuti ang mga aral na dapat mong matutunan sa bawat pagsubok na iyong pagdadaanan at baunin ang mga aral na ito bago gumawa ng kahit na anumang hakbang nang sa ganoon sa bandang huli ay wala kang pagsisisihan.