Inday TrendingInday Trending
Aral ni Mama

Aral ni Mama

“Mercy! Saan mo na naman ba inilagay ‘yong isang pantalon ko? Sinusuot mo na nga ng walang paalam tapos hindi mo pa sinasauli ng maayos!” galit na sigaw ni Rusita sa kaniyang bunsong kapatid.

“Hoy, diyan ko lang nilagay ‘yon sa kama mo! Mag-ayos ka kasi ng kwarto mo para makita mo. Tsaka kung makapagsalita ka d’yan akala mo naman hindi ka nanghihiram d’yan! Pati nga panty ko kinukuha mo kapag hindi ka nakakapaglaba!” sagot naman ni Mercy at tila nanggagalaiti na ito sa inis.

“Mahiya ka! Hinding-hindi ko hihiramin ang mga panty dahil ang babaho!” Hindi papatalong tukso ng dalaga tsaka itinakip ang kamay sa kaniyang ilong.

“Naku, igaya mo pa ang panty sa mga bra mong amoy panis!” panunukso rin naman ni Rusita. Bigla naman silang natahimik nang sumigaw na ang kanilang naglulutong nanay sa kusina.

“Magsitigil na nga kayo! Naririndi na ako! Kaaga-aga iyan ang pinaparinig niyo sa mga kapitbahay! Mahiya naman kayo. Mga dalaga na kayo. Hindi na kayo mga bata!” sigaw ng kanilang ina.

Ngunit hindi pa rin sila nagpaawat. Nagbebelatan pa ang magkapatid hanggang sa binato na sila ng tsinelas ng kanilang ina.

Parang aso’t pusa ang magkapatid na sina Mercy at Rusita. Bata pa lamang ay hindi na sila magkasundo dahil sa magkaiba nilang ugali kaya naman noon pa man ay labis na ang sakit ng ulo ng kanilang ina dahil sa mga pag-aaway nila na kung minsan ay nauuwi sa sakitan.

“Mama, baon ko na itong hotdog, ha,” paalam ni Rusita tsaka inilagay sa kaniyang baunan ang nag-iisang hotdog sa lamesa.

“Ano ka ba? Ibabaon mo pa ‘yan, eh, hindi pa nga ako kumakain. Anong uulamin ko?” mataray na sabat naman ni Mercy. “Iyang bra mo ang ulamin mo,” pagbabara naman ng kapatid dahilan para mapikon siya.

“Aba, hindi ka pa rin tapos mang-inis, ha!” angal ni Mercy. Agad niyang hinablot ang buhok ng kapatid at sinabunutan ito. Nagsusumigaw naman ito sa sakit. Gaganti na sana ito nang biglang sumigaw ulit ang kanilang ina.

“Sinabi nang mga dalaga na kayo! Kakasabi ko lang sa inyo na tigilan niyo na ang pag-aaway, ‘di ba? Baka gusto niyo pang malagay kayo sa alanganing sitwasyon bago kayo magkasundo!” sigaw nito. Bakas na sa mukha nito ang galit. “Wala munang papasok sa inyo ngayon! Manatili kayo dito sa bahay. Aalis muna ako at natutuliro ang tenga ko sa inyo!” dagdag pa nito tsaka padabog na isinara ang pinto.

Sinunod naman ng dalawa ng kagustuhan ng ina ngunit maghapon lamang silang nasa kani-kanilang mga kwarto. Ni hindi sila nag-uusap o nag-iimikan. Sumapit na ang dilim ngunit hindi pa rin bumabalik ang kanilang ina.

“Mercy, wala pa ba si Mama?” pag-uusisa ni Rusita sa kapatid. “Wala. Akala ko nga nasa kwarto mo, eh,” sagot naman nito.

Sakto namang narinig nilang bumukas ang kanilang pintuan ngunit pagsilip nila ay nagulat sila dahil hindi nila ito kilala at tila nakabalot ng bandana ang mukha kaya agad silang nagtago dahil sa takot.

“Ate, sino ‘yon? Bakit niya kinukuha ‘yong mga alahas ni Mama?” kinakabahang bulong ni Mercy. “Ewan ko. Hindi ko alam. Natatakot ako, Mercy. Baka katapusan na natin,” mangiyak-ngiyak na sambit ni Rusita.

Wala silang magawa kung ‘di magtago sa silid. Sakto namang binuksan ng hindi makilalang tao ang kwarto kung saan nagtatago ang magkapatid dahilan para mapayakap sila sa isa’t-isa nang mahigpit at mapaiyak na lang sa takot at kaba.

Ngunit mayamaya ay bigla na lang may ilaw na tumutok sa kanilang mga mukha at tila nakarinig sila ng tunog ng camera kaya naman sabay silang napadilat.

“O, ‘di ba? Ang ganda niyong pagmasdan kapag hindi nag-aaway. Ang sweet niyo pa, o,” tuwang-tuwang sabi ng kanilang nanay habang pinagmamasdan ang kanilang litrato sa selpon.

“Mama, naman!” sabay na sigaw ng dalawa tsaka kumalas sa pagkakayakap sa isa’t-isa. Humagulgol naman sila sa dibdib ng ina dahil sa takot.

“Kinakailangan ko pa talagang takutin kayo para lang magkasundo kayo. Pinahirapan niyo kong magpigil ng tawa,” biro ng ina habang pinapakalma ang mga dalaga. “Maging aral sa inyo ito, ha, dahil hindi habang buhay nasa tabi niyo ako. Hindi habang buhay maiibsan ko ‘yong takot na nararamdaman niyo. Pero nandiyan kayo upang palakasin ang loob ng bawat isa at hindi maghilahan pababa. Naiintindihan niyo ba ‘yon?” pangaral naman nito. Tumango naman ang magkapatid at mahigpit na niyakap ang kanilang ina.

Malaki ang pinagbago ng magkapatid simula nung pangyayaring iyon. Natuto silang magbigayan, naging mas maunawain at mapagpasensya sa isa’t-isa. Dahil doon ay mas nakilala nila ang bawat isa kaya naging maayos na ang relasyon ng magkapatid.

Pagbibigayan at matinding pag-iintindi ang tunay na kinakailangan upang mapanatili ang anumang relasyon. Hindi kinakailangang mag-away o magsigawan dahil mas lalo lang nitong titibagin ang inyong samahan.

Advertisement