Inday TrendingInday Trending
Pasan Ko ang Pamilya ng Asawa Ko

Pasan Ko ang Pamilya ng Asawa Ko

“Rosa, wala na nga pala tayong bigas at mga groceries, ha,” pagpapaalala ng biyenan niyang si Aling Beth.

“Wala na po agad? Kakabigay ko lang po ng pambili noong makalawa, ‘di ba?” pagtataka naman ni Rosa tsaka tumingin sa kalendaryo. “Aba, nagtaka ka pa. Natural kinakain dito sa bahay, binabaon mo at ni Greg sa trabaho iyong iba. Talagang mauubos ‘yon agad sa dami natin dito,” pagpapaliwanag naman ng ale.

“Ah, ganon po ba. Sige. Ito po bili na lang po ulit kayo,” wika ng babae sabay about ng dalawang libong piso sa ale. Agad namang lumiwanag ang mukha ni Aling Beth.

“Salamat. Tsaka nga pala ‘yong bill ng tubig at kuryente nakadikit na sa ref. Pakidaanan mo na bago ka pumasok ng trabaho. Noong isang buwan pa ‘yan, e,” pahabol pa ng biyenan.

Napatango na lamang ang babae tsaka kinuha ang mga bill upang mabayaran na.

Dalawang taon pa lamang simula nung magpakasal ang babae sa kaniyang pitong taong nobyong si Greg. Isang arkitekto ang babae habang isang manager naman sa isang restawran ang lalaki dahilan para makapundar sila ng isang bahay.

Ngunit isang araw paggising niya ay bigla na lamang dumating sa bahay ang buong pamilya ng kaniyang asawa dala ang kanilang mga gamit. Napalayas daw kasi ang mga ito sa inuupahang bahay at walang mapuntahan kaya naman mainit niya itong tinaggap sa kanilang bahay kaya lamang habang tumatagal ay nagiging pabigat na ang mga ito sa kaniya lalo pa nung mawalan ng trabaho ang kaniyang asawa.

Simula noon ay siya na ang kumakayod upang mabuhay ang pamilya ng kaniyang asawa. Naaawa rin kasi siya sa tuwing dumadaing ang biyenan niya na nahihirapan na ito sa buhay nila kaya ginagawa niya ang lahat upang makatulong sa mga ito. Ngunit tila naaabuso naman ang kaniyang kabaitan dahil ultimo pang-project ng bunsong kapatid ng kaniyang asawa ay siya ang nagbibigay.

Kasalukuyang naghahanap ng trabaho ang asawa ni Rosa sa Maynila kaya naman minsan na lamang sila makapag-usap dahil kung uuwi man ito ay gabi na at gusto nang magpahinga kaya hindi masabi ng babae ang bigat na nadarama niya tungkol sa pamilya nito.

Isang araw bigla na lamang nakaramdam ng matinding pagod ang dalaga na nauwi sa trangkaso kaya naman napilitan siyang lumiban muna sa trabaho at magpahinga ng isang linggo. Kaya naman nung sumapit ang swelduhan ay medyo maliit ang kaniyang naiuwing pera.

“Rosa, ito na ‘yong bill ng tubig at kuryente. Kakadating lang kanina,” ika ni Aling Beth sabay abot sa nakahigang manugang.

“Ma, baka naman po pwedeng pagtulungan niyong na lang bayaran itong mga bills. Kulang po kasi ang sinahod ko kasi hindi po ako nakapasok ‘di ba?” daing ni Rosa. Bahagya namang napakunot ang noo ng ale.

“Ha? Saan naman kami kukuha ng pambayad diyan? Eh, wala naman kaming trabaho pati ang mga anak ko!” pasigaw na depensa ng biyenan.

“Kaya nga po pagtulungan niyo na. Hindi ko po kayang habang buhay kayong pasanin.” Hindi na nakapagtimpi si Rosa ngunit malumanay pa rin siya kung magsalita.

“Sinusumbatan mo na ba ako ngayon? Sumosobra ka na, ha. Lumalabas na ang tunay na ugali mo!” sigaw na sagot ng ale dahilan para magsipuntahan sa silid ang mga anak nito.

“Mama, sinasabi ko lang po. Hindi ko po kayo sinusumbatan. Hindi ko po kayang bayaran ang lahat ng bayarin dito at bilhin lahat ng kailangan natin sa bahay,” pagpapaliwanag naman ng babae. Nag-walkout sa sobrang inis ang ale habang naiwan naman si Rosa na maluha-luha ang mga mata.

Lumipas ang mga araw at hindi pa rin nababayaran ang kanilang mga bayarin. Wala pa ring kumikilos sa mga kapatid ng lalaki para mabayaran ito. Nagagawa pa nga nilang manghingi ng pang-yosi sa kaniya. Sinubukan niya nang magsumbong sa asawa niya ngunit ika nito, “Hayaan mo. Makakabawi ako kapag nagkaroon na ako ng trabaho.”

Tila hindi na nakayanan ni Rosa ang bigat ng responsibilidad sa bahay na iyon kaya naman isang gabi ay umalis na lamang siya ng walang paalam.

Kinaumagahan nang malaman ni Greg na nawawala ang kaniyang asawa ay agad na kumilos ang lalaki upang hanapin ito. Sinubukan niya itong tawagan ngunit hindi ito sumasagot kaya naman pumunta na siya sa pulisya upang humingi ng tulong. Sakto namang pagdating niya doon ay nakatanggap siya ng tawag mula sa kaniyang asawa.

“Hello? Kaano-ano niyo po ang may-ari ng selpon? Nandito po siya sa San Roque Hospital. Nabangga po siya ng motorsiklo kaninang madaling araw.” Binaba na agad ni Greg ang tawag tsaka humahangos na nagtungo sa ospital.

Doon ay nakita ng lalaki ang walang malay na asawa na puro galos at sugat. Mangiyak-ngiyak niyang hinawakan ang mga kamay nito na tila sobrang gaspang na dahil sa pagtatrabaho.

“Patawarin mo ko, mahal. Wala ako sa tabi mo sa mga oras na sagad na sagad ka na dahil sa pamilya ko. Pangako babawi ako,” maluha-luhang sambit niya habang hawak ang kamay ng asawa. Bahagya namang pinisil ito ng babae bilang tanda ng pagsagot nito.

Apat na araw ang nakalipas bago tuluyang nakalabas ng ospital si Rosa. Agad namang humingi ng tawad ang kaniyang biyenan sa kaniya nang makita siya nito sa bahay. Binalita rin nito na may trabaho na ang isa sa mga anak niya pati na rin si Greg kaya naman labis na lamang ang saya ni Rosa.

Apat na buwan lamang ang nakalipas simula nung maaksidente si Rosa. Nakalipat na rin ng bahay ang buong pamilya ng kaniyang asawa dahil nakapagtatrabaho na ang isa sa mga kapatid ni Greg sa isang housing company. Labis ang kasiyahan ni Rosa sa mga nangyayari sa kanilang buhay lalo pa’t napag-alaman niyang isang buwan na siyang buntis at isa na muling manager ang asawa niya. Naghirap man siya noon matamis na tagumpay naman ang natatamasa niya ngayon sa kaniyang puso.

Madalas naaabuso ang mga mababait na tao ngunit dapat ay manatili kang mabait sa iyong mga nakakasalamuha dahil higit na pinagpapala ang sinumang nagbibigay sa kaniyang kapwa.

Advertisement