“Ingat ka ro’n, love, ha?” Pumiyok pa ang tinig ni Mang Vicente dahil sa pagkakasabi niyon sa asawa. Papahid-pahid pa ito ng kaniyang mga luha kahit pa pigil na pigil ang pag-iyak.
Bitbit niya ang maleta ng kaniyang misis na si Merly na ‘tulad niya’y umiiyak din ngayon.
“Oo, love. Basta lagi mong tandaan na ginagawa ko ito para sa inyo ng mga bata,” sabi pa ng babae sabay yakap nang mahigpit sa kaniya.
Patungo si Merly ngayon sa bansang Japan upang magtrabaho roon bilang isang entertainer. Noong una ay ayaw pumayag ni Mang Vicente sa desisyong iyon ng kaniyang misis ngunit agad din siya nitong nakumbinsi dahil talagang hindi nga naman sapat ang kinikita niya sa pagtatrabaho bilang isang construction worker upang buhayin ang lima nilang mga anak.
Noong unang dalawang buwan ay naging maayos naman ang komunikasyon nila. Walang patid ang kanilang pagbi-video call sa messenger at nagpapadala naman ito nang maayos. Lagi pa nga nitong sinasabi na miss na miss na raw sila nito at kung minsan pa nga sila’y nagkakaiyakan.
Ikatlong buwan na ni Merly noon sa Japan nung unti-unting mabawasan ang oras na inilalaan nito sa pakikipag-video call kina Mang Vicente at sa lima nilang mga anak. Dumalang iyon nang dumalang hanggang sa minsa’y umaabot na ng isang linggong hindi ito nagpaparamdam sa kanila. Maging ang perang ipinapadala nito’y kalahati na lang ng halagang ipinapadala nito noong una.
“Love, may problema ba tayo? Sabihin mo sa akin para maayos natin,” ani ni Mang Vicente sa asawa nang minsang sagutin ni Merly ang tawag niya.
Namayani ang katahimikan sa kabilang linya. Puro paghinga lang ang naririnig ng lalaki mula sa kaniyang misis na kausap niya sa telepono.
“Love, sabihin mo naman sa akin, o. Maayos naman tayo, hindi ba? Wala naman tayong pinag-awayan. Ano ba’ng nangyayari sa iyo?” dagdag nitong tanong ngunit hindi pa lumilipas ang ilang minuto’y end call tune na lang ang naririnig niya.
Nasapo ni Mang Vicente ang kaniyang ulo at napaiyak na lamang. Ang mas hindi pa katanggap-tanggap sa mga nangyayari ay kahit anong pilit ni Mang Vicente na itago ang kaniyang lungkot ay hindi pa rin iyon nakaliligtas sa kaniyang mga anak lalong-lalo na sa kaniyang panganay.
Tuwing gabi ay nagtutulog-tulugan lamang ito upang subaybayan ang kaniyang Papa Vicente. Naging saksi ito sa gabi-gabing pag-iyak ng kaniyang ama na hindi lingid sa mura niyang pag-iisip ay dulot iyon ng kaniyang inang noo’y tuluyan nang hindi nagparamdam sa kanila.
“Papa, may ipakikita po ako sa inyo,” ani ng panganay na anak ni Mang Vicente sa kaniya isang tanghali pagka-uwi nito mula sa eskwela.
“Ano ‘yon, anak?” agad namang tanong ng lalaki na nooʼy nagpapahinga naman dahil break time lang din nila sa trabaho. Walking distance lang kasi sa kanilang bahay ang pinapasukang construction site ni Mang Vicente ngayon.
“Iniwan na tayo ni Mama, pa. May iba na siya,” lumuluhang pagsisiwalat ng anak na agad namang nakapagpalingon sa ama.
“Anak, huwag mong isiping iyan. Baka kasi mayroon lang problema si mama doon sa pinagtatrabahuhan niya kaya hindi siya nakapagpadala ng pera sa atin o nakatawag man lang. Intindihin niyo si mama niyo, anak, dahil mahirap sa abroad. Hindi biro ang maging OFW,” sagot naman ni Mang Vicente upang pakalmahin ang loob ng panganay niya.
Maglilimang buwan na kasing hindi nagpaparamdam talaga si Merly. Maging ang Facebook account nito ay hindi na nila makontak dahil naka-deactivate na.
Lumiban si Mang Vicente sa trabaho para hanapin si Merly. Sinubukan niyang hanapin at ipagtanong ang asawa sa mga kakilala maging sa agency na nag-recruit dito ngunit wala rin siyang napala. Ang sabi kasi doon ay okay naman daw ang kalagayan ni Merly kaya nga lang ay ayaw lang daw talagang makipag-usap ng babae sa pamilya nito dahil hina-h*rass daw nilang magpadala ng pera ang babae.
Napilitan ang lalaki na itigil ang paghahanap sa asawa dahil kinailangan na nitong bumalik sa trabaho. Walang kakainin ang kaniyang mga anak kung panay ang kaniyang absent.
“Hindi, papa. Iniwan na tayo ni mama. May iba na siya!” Napalakas na ang boses ng bata habang umiiyak.
“Anak, ano ka ba? Huwag kang magsalita ng ganiyan. Magagalit na ako sa iyo!” tugon ni Mang Vicente.
“May iba na nga si mama, pa! Nakita ko ‘yong bago niyang Facebook account. Magkasama na sila ng lalaki, papa. Ito po,” saad ng anak sabay abot ng selpon nito sa ama upang ipakita ang ilang mga litrato ng nanay niyang si Merly na may kayakap na ibang lalaki.
Halos gumuho ang mundo ng buong pamilya ni Mang Vicente sa kanilang nalaman nang mga sandaling iyon ngunit pinilit nilang magpakatatag. Nangako ang padre de pamilyang pagsisikapan niyang buhayin ang kaniyang mga anak nang maayos kahit siya lang mag-isa.
Sa kabila ng kawalan ng suporta mula sa kanilang ina ay hindi rin naman naging ganoon kahirap ang buhay ng magkakapatid. Naging mabuti ang kanilang amang si Mang Vicente. Kung anu-anong mga trabaho ang pinasok nito basta legal. Construction worker sa umaga habang nagtitinda naman ito ng balut, penoy, tsitsaron at mani sa gabi. Kapag Sabado’t Linggo ay nakikipasada rin ito ng tricycle sa isang kakilala upang kumita. Talagang napakasipag nito kaya’t ganoon na lamang din ang pagsisikap ng kaniyang mga anak sa pag-aaral lalong-lalo na ang panganay nitong anak na kahit nagwo-working student ay nananatiling masipag at matayog ang pangarap.
Ang naging resulta’y nakapagtapos ng kolehiyo ang panganay na anak ni Mang Vicente at nagkamit ito ng pinakamataas na karangalan bilang isang engineer!
Hanggang sa nagsunod-sunod nang nagtapos ng kolehiyo ang tatlo sa kaniyang limang anak na pare-parehong nagkamit ng pinakamatataas na karangalan!
Dahil doon ay unti-unting naging maayos ang kanilang buhay. Tulong-tulong ang mababait na magkakapatid upang mas maging komportable na sa Mang Vicente ngayong nagtatrabaho na sila. Binigyan na lang nila ito ng negosyo tulad ng pagkakaroon ng babuyan at manukan habang ang natitira pang dalawang kapatid ay tila sumusunod din sa kanilang mga yapak.
Ayos na nga sana ang kanilang buhay. Masaya na sila nang bigla magbalik ang taong nagdulot noon sa kanila ng matinding sakit at paghihirap, ang kanilang ina.
“Bakit bumalik pa kayo, ma?” Puno ng hinanakit na tanong ng panganay na anak sa ina nito na ngayon ay nakaluhod sa kanilang harapan. “Por que alam mong maayos na ang buhay namin ngayon babalik ka na?”
“Patawarin ninyo ako, mga anak. Inaamin kong nagkamali ako sa inyong lahat lalong-lalo na sa inyong ama pero matagal ko nang pinagsisisihan ang mga nagawa ko,” humahagulgol na sabi nito.
Nanggagalaiti ang mga tinging ipinupukol ng magkakapatid sa kanilang ina. Halos gusto na nila itong sipain palabas ng bahay ngunit kahit papaanoʼy rumerespeto pa rin sila dito bilang taong siyang nagluwal sa kanila.
Kararating lamang noon ni Mang Vicente sa bahay. Galing siya sa pagbisita sa kaniyang babuyan nang maabutan ang ganoong eksena sa pagitan ng dating asawa at ng mga anak niya.
Kumabog nang mabilis ang dibdib ng mister. Nakaramdam siya ng poot. Ngunit kahit ganoon ay minabuti niyang lapitan ang nakaluhod na si Merly upang itayo ito’t tuluyang papasukin sa kanilang bahay nang maayos at hainan ito ng makakain.
Galit siya rito ngunit alam niyang kung ipakikita niya ang galit niya sa harap ng kanilang mga anak ay baka lalong mawalan ng galang ang mga ito sa sarili nilang ina. Kaya’t minabuti niyang kalmahin ang sarili at i-handle nang mas maayos ang sitwasyon. Isa pa’y hindi naman mahirap para kay Mang Vicente na patawarin ito lalo pa’t hindi naman nawala nang tuluyan ang pagmamahal niya rito.
Ngayon ay nasa proseso pa ng pagpapatawad ang kaniyang mga anak na nung makita ang kaniyang ginawa’y pare-parehong kumalma at nakitungo nang mas maayos sa kanilang ina kahit papaano. Ngunit ang nasisiguro at talagang ikinatutuwa ni Mang Vicente ay ang pagiging mabuti ng kaniyang mga anak. Ibig sabihin kasi niyon ay napalaki niya nang maayos ang mga ito at hindi siya nagpabaya.
Ngayon ang tanging dasal na lamang ng buong pamilya ay ang buong paghilom ng kanilang mga sugat at ang mabilisang pagkakaroon ng kapatawaran sa kanilang mga puso para sa inang nagkasala sa kanila.