Liwanag sa Dilim
“Isa kang basura, mahirap, walang kwenta! Hampaslupa, salot, pat*y gutom!”
Mga katagang palagi nalang naririnig ni Mimay. Pang-iinsulto at pang-aabuso ng kanyang mga kaklase, palagi nalang pinamumukha sa kanya na ganoon kababa ang pagkatao niya.
Nang biglang tumunog ang bell.
“Hayyy, salamat at uwian na rin, pero kailangan ko munang pumunta sa silid-aklatan para gumawa ng aming takdang aralin,” bulong ni Mimay sa sarili.
Pero habang naglalakad ay may bigla nalang sumulpot sa kanyang harapan at sila ay nagkabungguan.
“Aray ko!” aniya kasabay noon ay nakita niya sa kanyang harapan ang kaklase niyang babae na masama ang pagkakatingin sa kanya.
“Naku, sorry ha. Hindi ko sinasadya. Hindi ko naman kasi alam na magkakasalubong tayo, e,” paghingi niya ng paumanhin sa kaklase.
“Anong sorry? Nasaktan ako kaya kasalanan mo!” sigaw nito sa kanya.
Imbes na pakinggan siya ay sinimulan siya nitong sabunutan at pinagsasampal. Mas matangkad pa naman ang batang babae kaysa sa kanya at nagtataglay ng malusog na pangangatawan kaya walang nagawa ang maliit at payat na si Mimay sa pananakit nito. Akala niya ay ito lang ang mang-aabuso sa kanya, may dumating pang dalawang batang babae na mas matangkad sa kanya at pinagtulungan siyang sipa-sipain at tadyakan.
“Tama na, tigilan niyo na ako!” pagmamakaawa niya.
Nag-umpisa nang bumuhos ang kanyang luha. Hindi pa nakuntento ang mga ito at dinuraan pa siya sa mukha, hanggang isa sa kanilang kaklase ang naglakas-loob na awatin ang mga ito. Tinulungan siya ng kaklase niyang si Peewee. Kahit hindi rin katangkaran katulad niya ay matapang nitong hinarap ang mga nang-away sa kanya.
“Puwede ba, tigilan niyo na si Mimay? Kapag hindi niyo tinigilan ang pananakit sa kanya ay isusumbong ko na kayo kay Sir!” pagbabanta nito.
Dali-dali namang nilubayan ng mga batang babae si Mimay saka naglakad palayo sa kanila. Tinulungan siyang tumayo ni Peewee habang inaayos ang kanyang sarili.
“Okay ka lang? Huwag kang mag-alala kapag sinaktan ka ulit nila ay isusumbong na natin sila kay Sir,” anito.
“Ayos lang ako. Salamat, Peewee.”
Mula nang pumasok siya sa pribadong eskwelahan ay puro pang-aasar na sa mga kaklase ang inabot ni Mimay. Porket nagmula siya sa mahirap na pamilya ay puro pamimintas at pang-aapi na ang nararanasan niya sa iba niyang kaklase na mahilig mang-away. Pagtitinda ng isda ang ikinabubuhay ng kanilang pamilya.
Parehong nagtitinda ang kanyang mga magulang sa palengke kaya noon ay hindi siya kayang pag-aralin ng mga ito sa pribadong eskwelahan dahil may kamahalan ang matrikula ngunit pasalamat na lamang sila dahil matalino si Mimay kaya nakakuha siya ng scholarship. Sa kasalukuyan ay wala siyang binabayaran na matrikula dahil sa pagiging mahusay niya sa klase at pagkakaroon ng matataas na marka.
Kinaumagahan, pagpasok niya sa eskwelahan ay muli niyang nakasalubong ang mga batang babae na nanakit sa kanya kahapon. Binilisan niya ang paglalakad para iwasan ang mga ito ngunit nagulat na lang siya dahil may kung sinong pumatid sa kanya hanggang sa sumalampak siya sa putikan.
“Aray ko!” aniya.
“Lampa ka naman pala, e! Iyan lang ang nababagay sa iyo, hampaslupa!” pang-iinis pa ng mga ito sabay tawa nang malakas.
Sa sobrang pagkapahiya ay halos wala na siyang mukhang maiharap sa mga ito at sa iba pang estudyante na nakakita sa pangyayari. Agad siyang tumayo sa pagkakadapa at nagtatakbo sa palikuran habang humahagulgol.
“Hindi ko na kaya, pagod na ako, ayaw ko na. Sawang-sawa na ako sa mga pamamahiyang ginagawa nila sa akin. Hindi ko na kaya,” aniya na patuloy ang pagdaloy ng luha sa mga mata.
Patuloy siyang nang-iiyak sa loob ng palikuran. Napansin niya na may nagkalat na basag na salamin sa lapag. Sa sobrang sama ng loob at pagkapahiya ay hindi siya nagdalawang-isip na pulutin ang isa sa mga bubog at itinapat sa kanyang pulso.
“Diyos ko, patawarin niyo po ako sa kasalanan na aking gagawin,” sabi niya sa sarili sabay idiniin ang bubog sa kanyang pulso. Sa sobrang sakit na nararamdaman niya sa oras na iyon ay hinihintay na lamang niya na malagutan siya ng hininga. Maya-maya ay biglang nagdilim na ang kanyang paningin nang biglang may narinig siyang boses.
“Mimay, ano iyang ginawa mo? Diyos ko! Lumaban ka, nandito pa akong nagmamalasakit sa iyo, Mimay, Mimay!”
Nagising na lamang siya sa isang maliwanag na kwarto at nakahiga siya sa kama. “Nasaan ako?” tanong niya.
“Nasa ospital ka, hija. Nadatnan ka ng kaibigan mo na walang malay at may laslas sa pulso. Mabuti nalang at nakita kanya at mabilis na nakahingi ng tulong para dalhin ka rito,” wika ng doktor at agad ring umalis palabas ng kwarto.
“Hi Mimay, si Peewee ‘to. Mabuti at gising ka na. Alam mo bang grabe ang pag-aalala ko sa iyo nang makita kitang nakalupasay sa palikuran at duguan. Bakit mo ba naisipang magpatiwakal? Nababaliw ka na ba?” galit na patanong nito sa kanya.
“Hindi ko na kasi kinaya ang mga problema ko, ilang taon na rin akong sinasaktan at hinahamak ng mga kaklase natin. Parang wala na akong ginawang tama sa mata nila, hampaslupa at basura ang turing nila sa akin,” mangiyak-ngiyak pa ring sabi ni Mimay.
“Pero wala namang problemang hindi kayang lutasin. Oo, maaaring hindi mo na halos makaya ang problemang iyong hinaharap, pero hindi ibig sabihin ay pagpapatiwakal ang solusyon para matakasan ang mga problemang iyon, hindi mo ba naisip na maraming malulungkot at iiyak kapag nawala ka, ako malulungkot ako kapag nangyari iyon dahil nagmamalasakit ako sa iyo, dahil kaibigan ang turing ko sa iyo, Mimay. Hindi mo man lang ba naisip iyon?” sabay iyak habang sinasabi ni Peewee ang mga katagang iyon sa kanya.
Napagtanto ni Mimay na may tao pa palang nagmamalasakit sa kanya at ayaw siyang mawala. Hindi niya alam ang gagawin, pero sigurado siya na may plano pa sa kanya ang Diyos para bigyan pa siya ng ikalawang pagkakataon na mabuhay. Lubos na nagpasalamat si Mimay kay Peewee dahil kung hindi dahil sa kanyang kaklase ay baka wala na siya.
Nalaman ng kanilang guro ang ginagawang pananakit ng mga kaklase sa kanya kaya abot-abot na sermon ang inabot ng mga ito. Mula noon ay hindi na siya inapi ng mga kaklase. Natakot na ang mga batang babae na gawan siya ng hindi maganda dahil natakot ang mga ito na mapaalis sa eskwelahan sa mga ginagawang kalokohan sa kanya.
Sa tulong ng bagong kaibigan niyang si Peewee ay naging mas masaya siya at unti-unting nakalimutan ang mga malulungkot na nangyari sa kanya. Ito ang nagmistulang liwanag sa dati niyang madilim na mundo. Malaya na siya sa buhay na naranasan niya noon, may kaibigan na siya na palaging nakasuporta at palaging nandyan sa oras ng pangangailangan.