Nakapagpatayo ng Isang Bahay na May Dalawang Palapag ang Mag-asawang Ito Mula sa Pagiging Karpintero at Pagtitinda; Ano Kaya ang Naging Diskarte Nila?
“Mahal, heto na ang mga 50 piso, may mailalagay ka na naman sa ipon natin,” nakangiti at masayang sabi ni Mang Donato sa kaniyang misis na si Aling Beverly.
“Ay, matutuwa na naman ang timba natin! Malapit na ang Bagong Taon, mahal… malapit na nating buksan ang timba. Magkano kaya ang naipon natin?” parang kinikilig na sabi ni Aling Beverly sa kaniyang mister.
“Malalaman natin kapag binuksan natin, mahal. Nakakasabik!” sabi naman ni Mang Donato.
Sina Mang Donato at Aling Beverly ay tipikal na simpleng pamilya na namumuhay sa isang maliit na paupahan sa Looban. May dalawa silang anak. Ang panganay ay si Mark Joseph na nasa Senior High School at malapit nang magkolehiyo. Ang bunso naman nila na si Mary Kathleen ay nasa Grade 9 pa lamang sa Junior High School.
Madiskarte sa pera at masipag si Mang Donato. Hindi siya nakapagtapos ng pag-aaral sa kolehiyo kaya inaral niya ang pagiging karpintero. Kapag walang proyekto, suma-sideline naman siya bilang tsuper ng pampasaherong jeepney sa kaniyang kaibigan. O kaya naman, nagkakargador siya sa palengke. Part-time din siya sa isang kompanya na ang serbisyong ibinibigay ay pumuksa ng mga anay sa bahay.
Ayaw niyang nababakante. Alam ni Mang Donato kung gaano kahirap kumita ng pera at kumayod kaya naman sinimulan nila ni Aling Beverly ang pag-iipon. Mabuti na lamang at kagaya rin niya ang misis. Isa itong maybahay subalit nagagawa pa ring mag-sideline sa pamamagitan ng pagbebenta ng mga produktong pampaganda, RTW na mga damit, mga gamit sa bahay, at kung ano-ano pa. Hindi ito nahihiyang maglako-lako o magbahay-bahay para kumita.
Naging matibay ang pagnanais ng mag-asawa na makapag-ipon dahil nais nilang makapagpatayo ng sarili nilang maliit na bahay. May naipamanang maliit na lupain ang lolo sa tuhod ni Aling Beverly. Balak nila itong patayuan ng sariling tahanan upang hindi na sila nangungupahan.
Kaya ang ginawa ng mag-asawa, lahat ng 50 piso na matatanggap nila mula sa kanilang kita ay agad nilang inilulusot sa alkansya nilang kahon ng sapatos. Basta 50 piso, hindi na nila ginagastos. Basta’t masuklian na ang 100 piso at may 50 piso, alam na nila kung saan mapupunta. Ganoon din ang turo nila sa kani-kanilang mga anak.
Hanggang sa dumating ang pagkakataong hindi na kasya sa kahon ng sapatos ang mga ipon nila. Minabuti na nilang ilagay ito sa isang malaking timbang may takip. Hindi rin nila binibilang kung ilan na ba ang mga 50 piso na nasa loob nito. Sabi nila, bubuksan lamang nila ito kapag nakakumpleto na sila ng tatlong taon.
At ngayon ang ikatlong taon ng kanilang pag-iipon.
Matapos ang kasiyahan sa pagsalubong sa Bagong Taon, kinuha na ng mag-asawa ang timbang kinalalagyan ng mga ipong 50 piso, na binuno nila sa loob ng tatlong taon.
Tinanggal na ni Aling Beverly ang takip ng timba. Namumula ang loob nito. Ibinuhos ng ginang ang limpak-limpak na 50 piso na halos makapuno sa kanilang sahig.
“Tara na, bilangin na natin,” aya ni Mang Donato.
Matiyagang binilang ng apat ang kanilang ipon. Pinagbigkis-bigkis kapag umabot na sa isang libo. Halos dalawang oras din silang nagbilang hanggang sila ay matapos.
Hindi makapaniwala ang mag-anak nang mapag-alaman nila na ang naipon nila sa loob ng tatlong taon ay tumataginting na 670,000 piso!
“Hindi ako makapaniwala, mahal! Sapat na sapat na siguro ito para makapagsimula na tayo ng konstruksyon sa ating munting bahay!” naiiyak na sabi ni Aling Beverly.
“Oo naman, mahal. Ako na’ng bahala. Ako mismo ang mangunguna sa paggawa. Ako na rin ang bahalang humanap ng mga makakasama, gayundin sa mga materyales na mura lamang. Ako pa ba? Karpintero yata ang mister mo!” pagmamalaki ni Mang Donato.
Hindi na nagpatumpik-tumpik pa ang mag-asawa. Agad nilang ginamit ang kanilang naipong malaking halaga sa pagtatayo ng kanilang sariling bahay sa lupang namana ni Aling Beverly mula sa kaniyang lolo sa tuhod.
Makalipas ang limang buwan, tapos na ang kanilang munting bahay na may ikalawang palapag, at may tatlong kuwarto! Ang isang kuwarto ay para sa kanilang mag-asawa, at tig-isa naman para sa kanilang mga anak.
Matapos ang pagbabasbas mula sa simbahan, kaagad nilang nilipatan ito.
Masayang-masaya si Mang Donato at Aling Beverly na nakikita na nilang nakatayo ang mga bunga ng kanilang pagsisikap at pagpapagal—dahil may matatawag na silang sariling bahay at lupa!