Minamaliit ng Kaniyang Mayayamang Kapatid ang Lalaking Ito Dahil Siya Lamang ang Bukod-Tanging Naghihikahos Pa Rin; Isang Biyaya Mula sa Langit ang Magpapabago sa Buhay Niya
Lagi na lamang kinukutya ng mga kapatid na nakaangat na sa buhay ang kaawa-awang si Mang Castor. Sa limang magkakapatid, siya na lamang kasi ang naghihikahos sa buhay. Siya ang pang-apat sa kanilang magkakapatid. Ang bunso ay nakaungos na rin sa buhay, at ganoon na lamang kung maliitin ang kaniyang kuya.
Kaya sa tuwing Pasko o Bagong Taon, tinitiis na lamang ni Mang Castor ang mga parinig ng kaniyang mga kapatid sa tuwing nagkakaroon ng reunion sa malaking bahay ng kanilang panganay na kapatid na si Mang Teripio. Kahit na nanliliit na siya, inilalabas na lamang niya sa kaliwang tenga ang anumang naririnig ng kaniyang kanang tenga. Laging inuungkat nito na kung nagpakatino raw siya noong kabataan niya, malamang ay titulado siya ngayon at nakahanap ng magandang trabaho na may malaking suweldo.
Aminado naman si Mang Castor na naging pabaya at lakwatsero siya noong kabataan niya. May kaya kasi ang kanilang pamilya noon. May maliit silang negosyo ng pagawaan ng tosino at longganisa. Subalit nang magkasakit ang kanilang ama at bawian ito ng buhay, ibinenta na lamang ito at pinaghati-hatian nilang magkakapatid. Subalit naubos din ang naturang pera dahil maraming gastusin sa bahay sina Mang Castor.
Hindi naman niya masisisi ang mga kapatid kung bakit parang ipis ang turing ng mga ito sa kaniya. Ganoon nga talaga siguro kalupit ang mundo. Tinitingnan ang halaga ng isang tao batay sa kaniyang kayamanan at ari-arian, naabot na edukasyon, o estado sa buhay.
“Iyang mga kapatid mo, talagang nakakainis eh. Narinig mo ba ang sinabi nila kanina? Kahit anong sipag at sikap mo raw, hindi ka aasenso kasi mahina ka raw sa diskarte,” naiinis na sabi ng kaniyang misis na si Aling Filomena. “Parang hindi kapatid ang turing sa iyo. Manong tulungan ka nilang umangat. Hindi habambuhay mananatili tayo sa ibaba, Castor.”
“Oo naman, mahal. Tama ka naman, Hindi habambuhay ay magiging mahirap ang kalagayan natin. Dodobleng sipag at sikap ako para mai-ahon ang kalagayan natin,” wika ni Mang Castor sa asawa.
“Dito sa Pilipinas, kahit kayod-kalabaw ka na yata, kahit masipag at masikap ka naman, bihira pa rin ang pag-asenso dahil sa liit ng sahod. Sabi ko sa iyo eh, mangibang-bansa ka na lamang. Kayang-kaya mong lampasan ‘yang mga kapatid mo na kay hahambog,” mungkahi ni Aling Filomena.
“Mahal, hindi ba’t napag-usapan na natin ‘yan? Hanggan’t maaari, nais kong magkakasama tayo. Ayokong magkahiwa-hiwalay tayo. Saka, hindi ko masyadong iniisip na makipagkompetensya sa mga kapatid ko. Sapat na sa akin na nakakakain tayo ng tatlong beses sa isang araw, o kaya ay nabibigay natin ang pangangailangan ng mga anak natin, na hindi kailangang humingi ng tulong mula sa kanila,” paliwanag ni Mang Castor.
Ayaw nang maranasan ni Mang Castor ang nangyari noong mga bata pa sila na nangibang-bansa ang kanilang ina upang maging OFW; sa kasamaang-palad, nakahanap ito ng ibang mas mayamang lalaki at sumama rito. Iniwan nito ang kanilang ama. Iyon ang naging dahilan kung bakit bumagsak ang kalusugan nito.
Tumango na lamang si Aling Filomena sa mga sinabi ng kaniyang mister. Ayaw naman niyang masaktan ang pagkalalaki nito. Mabuting asawa si Mang Castor. Masipag. Masikap. Subalit marami itong kinatatakutan sa buhay. Tama nga siguro ang mga kapatid nito. Medyo nagkukulang sa diskarte. Gusto niyang sabihin sa asawa na subukin naman nitong itaas ang antas ng kanilang pamumuhay, at baguhin na ang konsepto ng ‘kung ano ang nariyan, matutong makontento’.
Tama naman na kailangang maging kontento sa mga bagay-bagay, pero paano naman aangat ang kanilang pamumuhay kung hindi magbabaka-sakali?
Isang gabi, habang mahimbing na natutulog ang mag-anak, nagulat sila nang may biglang malakas na kalabog silang narinig. Napabalikwas ng bangon ang mag-asawa gayundin ang mga anak. Kitang-kita nila ang napakalaking butas sa kanilang bubong. Tila may malaking tipak ng bato na kasinlaki ng kalahating hollow blocks ang pumasok mula rito.
“May nambato ba sa atin? Mga walang magawang magaling!” banas na sabi ni Aling Filomena.
Binuksan nila ang mga ilaw. Ngunit nagulat sila nang makita ang isang itim na bato sa kanilang nawasak din na sahig—sa pinagbagsakan nito. Umuusok-usok pa ito at tila may baga.
“B-Bulalakaw? Bulalakaw ito!” Mabuti na lamang at hindi tayo natamaan,” saad ni Mang Castor.
Kinabukasan, nabalitaan ng kanilang mga kapitbahay ang pagbagsak ng bulalakaw sa bahay mismo nina Mang Castor. Isang pambihirang pagkakataon daw ito, kung tutuusin. May mga nagbiro pa na baka si Mang Castor na raw ang susunod sa yapak ng isang action star na nakilala sa pelikulang ‘Panday’.
“Pampasuwerte ‘yan, itago n’yo ‘yan, buti hindi kayo nabagsakan habang natutulog,” mungkahi ng isa nilang kapitbahay.
At ganoon na nga ang kanilang ginawa. Manghang-mangha sila sa hitsura ng bulalakaw.
Makalipas ang tatlong araw, isang magarang kotse ang pumarada sa tapat ng kanilang bahay. Sakay nito ang isang lalaking nasa edad 60, may makapal na balbas at bigote, at mukhang may sinasabi sa buhay. Si Mang Castor ang pakay nito.
“Nabalitaan ko na may bumagsak daw na bulalakaw sa inyong bahay? Dati akong astronomer na nagretiro na. Libangan ko ang pangongolekta ng mga bagay na galing sa kalawakan. Nais ko sanang makita ang bulalakaw,” sabi nito.
Pumayag naman ang mag-asawa na ipakita at ipahawak sa lalaking kolektor ang bulalakaw. Tila sinuri-suri ito.
“Napakalaki at napakaganda! Kung mamarapatin ninyo, bibilhin ko ang bulalakaw na ito sa halagang 50 milyong piso,” alok nito.
Nanlaki ang mga mata ng mag-asawa sa kanilang mga narinig.
“H-Ho? Sigurado ho ba kayo na bibilhin ninyo ang bulalakaw na ito sa halagang ‘yan?” hindi makapaniwalang tanong ni Mang Castor.
“Oo, hindi ako nagbibiro. Bibilhin ko ito sa presyong binanggit ko,” walang kagatol-gatol na sabi ng matandang lalaking kolektor.
Hindi na nga nagpatumpik-tumpik pa sina Mang Castor at Aling Filomeno. Kaagad nilang ipinagbili ang bulalakaw sa halagang 50 milyong piso! Pakiramdam nila ay daig pa nila ang nanalo sa lotto!
Dahil sa suwerteng dumapo sa kanila, pinakamayaman na ngayon si Mang Castor sa kaniyang mga kapatid.
Upang maabot ang mga pangarap, kailangan ang ibayong pagsisipag at pagtitiyaga. Maraming sakripisyo at paghihirap ang dapat tiisin para lamang magkaroon ng maginhawang buhay.
Ngunit minsan ay dumarating ang suwerte sa hindi inaasahang pagkakataon. Kaya naman kapag ito ay nangyari, kailangang maging handa at alam kung ano ang dapat gawin.
Kagaya ni Mang Castor na agad na nagbukas ng negosyo upang mapalago ang perang dulot ng bulalakaw, mula sa langit.