Inday TrendingInday Trending
Ipinagyabang ng Lalaki na Madali Lamang naman ang Trabaho ng Kaniyang Kapatid; Sisi Siya nang Siya na ang Makaranas ng Ginagawa Nito

Ipinagyabang ng Lalaki na Madali Lamang naman ang Trabaho ng Kaniyang Kapatid; Sisi Siya nang Siya na ang Makaranas ng Ginagawa Nito

“Maghapon ka na lang nakatutok d’yan sa computer mo, Liandro! Ni hindi mo man lang matulungan ang kuya mo na asikasuhin ang tindahan natin doon sa bayan!” panenermon ng kaniyang inang si Aling Carlota nang makita nitong nakahilata na naman ang bunsong anak na si Liandro sa kanilang salas habang halos dumikit na ang mukha nito sa hawak nitong cellphone.

Beinte kwatro anyos na ito ngunit hanggang ngayon ay wala pa rin itong matinong trabaho kahit na tapos naman na ito ng apat na taong kurso sa kolehiyo. Umaasa pa rin ito sa kita ng kanilang mini grocery store sa bayan na matiyaga namang pinatatakbo ng kaniyang kuya.

“Ano na naman ba ’yon, ’nay? Kayang-kaya nmaman na ni kuya ’yon. Ang dali-dali lang naman ang trabaho doon, e,” sagot niya naman sa inang wala nang nagawa kundi ang mapailing na lamang dahil hindi naman siya nito magagawang kastiguhin lalo pa’t nakasakay na ito sa wheelchair buhat nang atakihin ito ng stroke.

Palaging ganoon ang sinasabi ni Liandro. Para kasi sa kaniya ay madali lang naman ang ginagawa ng kaniyang kuya. O siguro, kaya lang naman ito nahihirapan ay dahil ’di tulad niya ay hindi naman ito nakapagtapos ng pag-aaral. Noon kasi ay nagpaubaya ito sa kaniya. Nagsabi ito sa kanilang ina na imbes na ito ay si Liandro na muna ang magtapos ng pag-aaral upang kapag nakakatulong na siya ay maaari na itong magbalik eskuwela, tutal ay isang taon lang naman ang tanda nito sa kaniya.

Ngunit walang kwenta ang sakripisyong iyon ng kaniyang kuya para kay Liandro. Napakatamad niya kaya nga hindi siya tumatagal sa lahat ng trabahong napasukan niya noon, kaya naman ngayon ay napilitan na lang ang kuya niya na suportahan ang pangangailangan ng kanilang buong pamilya.

Isang araw, bigla na lamang may kumatok sa pintuan nina Liandro. Nang pagbuksan niya ito ay namukhaan niyang isa ito sa tauhan nila sa mini grocery store, ngunit nakapagtatakang humahangos ito at namumutla.

“Sir Liandro, si Boss Jun po, nahulog po at nabagok ’yong ulo!” tarantang pagbabalita nito sa kaniya na agad namang ikinagulat din ng binata.

“Ano?!” Agad na nagtungo si Liandro sa labas ng kanilang bahay upang imaneho ang kaniyang motorsiklo patungo sa kanilang shop, kahit pa hubad-baro siya nang mga oras na ’yon.

Agad namang nadala sa ospital ang kaniyang Kuya Jun. Iyon nga lang, hindi talaga naging maganda ang bagsak nito mula sa hagdan habang nag-aakyat ito ng mga paninda sa matataas na estante sa kanilang mini-grocery store. Ayon sa doktor ay may namuo raw na dugo sa ulo nito, kaya naman ngayon ay naka-koma ito.

Dahil sa nasabing pangyayari ay nangangailangan sila ngayon ng malaking pera upang ipagamot ang kaniyang kuya, kaya naman napilitan siya ngayong pumalit sa kaniyang kuya bilang breadwinner ng kanilang pamilya.

Siya ang nag-aasikaso ng kanilang mini-grocery store, habang nagtatrabaho pa siya bilang call center agent kung saan siya nag-apply upang matanggap nang mabilis. Ganito rin naman kasi ang ginagawa ng kaniyang kuya na noon ay minamata-mata niya lang.

Ang buong akala kasi ni Liandro ay talagang madali lang ito kaya naman ganoon na lang siyang kainam kung magyabang noon. Ngunit ngayong nararanasan niya na ito ay saka niya lamang napagtatantong napakahirap palang pagsabayin nitong lahat.

Sa pagba-budget pa lang ng pera para sa kanilang gastusin ay halos malugaw na ang utak niya. Idagdag pa ang pag-intindi niya sa pang-maintenance ng kaniyang ina, at ngayon ay ang ipon niya upang paoperahan ang kaniyang kuya.

Biglang napabalik-tanaw si Liandro sa mga sinasabi niya noon sa kaniyang kuya dahil animo kinain niya lamang ang lahat ng katagang binitiwan niya. Talagang malaki ang pagsisisi niya. Sana pala ay noon pa siya tumulong sa kaniyang kapatid, siguro ay hindi pa nangyari ang aksidenteng ’yon na ngayon ay nagpapahirap hindi lang sa kaniya kundi pati na rin sa damdamin ng kaniyang ina at sa katawan ng kaniyang kuya.

Nang makaipon na sa wakas si Liandro ng sapat na halagang kakailanganin niya ay agad niyang ipinaopera ang kaniyang kuya na sa awa ng Diyos ay siya naman nitong ikinabuti. Ngunit kahit pa gumaling na ang kapatid ay tiniyak ni Liandro na hindi na ito mag-iisa sa pagsusumikap upang mabuhay sila, kasama ang kanilang mahal na ina.

Advertisement