
Nakaranas ng Pananamantala ang Kaniyang Kapatid sa Kanilang Tiyuhin; Galit Niya ang Magiging Karma Nito!
Nagtatrabaho bilang isang construction worker ang labing siyam na taong gulang na si Pido. Maliit man ang kita roon ay sapat naman ’yon upang mabuhay niya at mapag-aral ang kaniyang nakababatang kapatid na si Kyla. Sila na lang kasing dalawa ang natitirang magkapamilya buhat nang sabay-sabay na mawala ang kanilang mga kaanak dahil sa nangyaring trahedya noon sa dati nilang tinitirhan.
Limang taon na ang lumipas buhat nang magkaroon ng sunog sa dati nilang tinitirhan noon, at iyon din ang dahilan kung bakit nawala sa kanila ang kanilang ama, ina, at dalawa pang mga kapatid. Tatlong taong gulag pa lamang noon si Kyla habang si Pido naman ay labing apat. Buhat noon ay siya na ang tumayong ama’t ina sa kaniyang kapatid, hanggang ngayong walong taong gulang na ito.
Ngunit ilang araw nang may napapansing kakaiba si Pido sa kapatid. Nagtataka kasi siya kung bakit tila bigla na lamang itong naging matamlay at palaging natutulala. Wala naman siyang ideya kung bakit dahil sa tuwing tatanungin siya ni Kyla ay ‘secret’ lang ang isinasagot nito sa kaniya.
Sa sobrang pag-aalala tuloy ni Pido ay naisipan niyang umuwi nang tanghaling iyon kahit na nagbaon naman siya ng pananghalian. Iniisip niya kasi na baka nalulungkot ang kapatid niyang mag-isa sa bahay at walang kasabay na kumain. Lumaki kasi itong palagi silang magkasama kaya naman mabilis itong magdamdam sa tuwing mapapalayo siya.
Pagod man si Pido sa trabaho at pawisan dahil sa init ay pinilit niyang umuwi sa kapatid…ngunit halos gumuho ang kaniyang mundo nang isang ’di inaasahang pangyayari ang doon ay naabutan niya!
“Huwag na huwag kang magsusumbong sa kahit na sino kundi ay sasaktan ko kayong dalawa ng kuya mo,” turan ng isang tinig ng lalaking agad na bumungad kay Pido nang maparaan siya sa kwarto ng kapatid na si Kyla.
“O-opo, tito. ’Wag n’yo lang pong saktan ang kuya ko, ha? Love ko po ’yon, e. Mabait po si kuya, e,” humihikbi namang pakiusap ng kapatid niya na halos dumurog naman sa puso ni Pido.
Sumilip siya sa maliit na siwang n’on upang siguraduhing tama ang hinala niya sa ginagawa ng kanilang tiyuhin sa kaniyang mahal na kapatid…at nang kaniya iyong makumpirma ay sinugod niya ito gamit ang isang matigas na kahoy at inihampas ito sa ulo ng hayop na lalaking ito!
Nagtawag pa ng barkada si Pido. Galit na galit kasi siya nang mga sandaling ’yon at alam niyang dapat niyang pagbayarin sa ginagawa nito ang kaniyang tiyuhin. Ngunit para sa kaniya ay napakadali lamang ng parusang pagbawi sa buhay nito, dahil nararapat lamang ditong mahirapan muna bago ito malagutan ng hininga. Ayaw man ilagay ni Pido sa sarili niyang kamay ang hustisya para sa kapatid niya, sisiguraduhin niyang pagsisisihan pa rin nito ang ginawa nito sa pamamagitan ng paraang alam niya!
Pagdating ng mga kasamahan ni Pido sa construction site ay isa-isa nilang pinatikim ng hirap ang kaniyang tiyuhin. Halos hindi na makilala ang mukha nito bago pa sila tumawag ng pulis upang ito ay ipahuli.
“Naaktuhan ko hong ginagalaw n’ya ang kapatid ko! Eskakto namang kasama ko ang mga kabarkada ko kaya nang manlaban siya sa amin ay ayan ang inabot niya!” paliwanag ni Pido tungkol sa malalang tinamo ng kaniyang tiyuhin mula sa kanilang magbabarkada. Pinagtibay pa iyon ng testimonya ng kaniyang kapatid na siyang biktima ng ginagawa nitong pang-aabuso sa bata.
Matibay ang naging kaso ng magkapatid laban sa sarili nilang tiyuhing makailang ulit na ring naireklamo sa barangay noon bilang mamboboso. Kilala ito sa pagiging hayok sa laman ng babae kaya naman lalong lumakas ang laban nila. Bukod pa roon ay talagang malinaw ang testimonya ni Kyla kaya naman hindi nagtagal ay nakamit nila ang hustisya at nakulong ito.
“Maraming salamat po, kuya ko, kasi hindi mo ako pinabayaan.” Animo matanda ang nagsabi ng mga katagang ’yon kay Pido. Nakapaghatid iyon ng labis na luha sa kaniyang mga mata kaya naman imbes na sagutin ay niyakap na lamang niya ang kapatid.
“Patawarin mo ako kung hindi kita naprotektahan laban sa kaniya. Sisiguraduhin kong hinding-hindi mo na ulit ’yon mararanasan, Kyla. Ang mahalaga, nabigyan kita ng hustisya ngayon,” umiiyak na pangako pa ni Pido sa kaniyang kapatid.
Makalipas ang ilang taon ng pagsisikap at paghihirap ni Pido ay nakapagtapos na ng pag-aaral si Kyla. Ngayon ay isa na itong ganap na abogado at ito naman ngayon ang siyang magtatanggol sa mga biktima ng pang-aabuso, tulad ng ginawa ng kaniyang kuya para sa kaniya noon.