Biktima ng Pananakit ng Sariling mga Magulang ang Batang Ito; Isang ‘Beki’ pa Pala ang Magpaparamdam sa Kaniya ng Tunay na Aruga

Humahagulhol ang batang si Tinoy habang naglalakad sa daan. Hindi niya alintana kung pinagtitinginan na siya ng mga nadaraanang tao na kahit pa nakitang puno siya ng mga sugat at pasa ay animo wala namang balak na tanungin siya kung paano niya iyon nakuha. Ang totoo’y mapangutya pa ang tingin ng iba. May narinig pa nga siyang nagbubulungan na baka raw makulit siyang bata o may ginawa siyang masama kaya siya sinaktan ng kung sino man.

Hindi naman ganoon ang nangyari. Bata pa lang si Tinoy nang mag-asawa ng panibago ang kaniyang inang dati naman ay mahal na mahal siya. Ngunit buhat nang makasama nila ang kaniyang amain ay nakaranas na rin siya ng hindi magagandang pagtrato sa mga ito hanggang sa mauwi na ’yon sa pananakit. Dumalas iyon nang dumalas lalo na sa tuwing hindi niya nasusunod agad ang utos ng ina at ng asawa nitong bago. Halos gawin na kasi siyang alipin ng mga ito, pati na rin ng mga kasama nilang gumagamit din ng masamang bisyo sa mismong bahay nila.

Mulat na si Tinoy sa mga ganoong klase ng gawain dahil bata pa lang siya ay ipinakikita na iyon sa kaniya ng mga magulang. Ganoon pa man ay naging matalino ang labing isang taong gulang na batang ito kaya naman hindi niya naisipang gawin kailan man ang ginagawa ng kinalakihang kaanak.

Hanggang sa gumawa ng paraan si Tinoy upang makatakas sa kamay ng mga ito. Nag-ipon siya ng pera mula sa mga sobrang sukli sa tuwing uutusan siya ng mga ito sa tindahan. Iyon ang siya niyang ipinamasahe sa dyip upang makarating siya sa susunod na lungsod, kaya naman ngayon ay napadpad na siya sa isang lugar na hindi naman niya alam kung saan.

Malapit nang gumabi ngunit hanggang ngayon ay wala pa ring masisilungan si Tinoy. Mukhang mabigat pa naman ang nangingitim na mga ulap at nagbabadya ang pag-ulan. Nakakita siya ng silong sa tapat ng isang parlor at doon ay naisipan niya munang umistambay…

“Ate, p’wede po bang makiupo rito sa tapat ng parlor n’yo? Baka po kasi umulan, e, wala po akong masisilungan,” tanong ni Tinoy sa isa sa mga tauhan sa parlor na ’yon bilang pagpapaalam.

“Naku, hijo, napaano ka?!” bulalas naman ng beki na siyang napagtanungan niya. “Bakit ang dami mong pasa at sugat?” tila naaawa pang tanong nito sa kaniya.

Dahil doon ay napilitan si Tinoy na ikuwento rito ang tunay na nangyari sa kaniya at agad na rumehistro ang labis na pagkahabag sa mukha ng nasabing beki.

Advertisement

“Halika, pumasok ka rito sa loob at gagamutin natin ang mga sugat mo,” sabi sa kaniya nito na agad namang tinalima ni Tinoy dahil naramdaman niyang komportable siya rito. Pinakain siya ng nasabing beki na nagpakilalang si Mama Anita, na siya palang may-ari ng nasabing parlor at doon na rin siya nito pinatuloy.

Kapalit ng pananatili ni Tinoy sa parlor na ’yon ay nagsilbi siya roon at inako na ang magagaang gawain kahit pa ayaw naman siyang pakilusin ni Mama Anita. Dahil doon ay lalo tuloy siyang nagustuhan ng nasabing beki na kalaunan ay nagpasiyang pormal na siyang ampunin, tutal ay malayo naman sila mula sa mga magulang niyang mapang-abuso.

Buhat noon ay gumanda na ang buhay ni Tinoy. Pinag-aral siya ni Mama Anita, minahal, inarugang animo sarili nitong anak at lahat ng iyon ay ipinagpapasalamat niyang naranasan niya mula rito. Hindi niya akalaing sa ibang tao pa niya mararanasan ang tunay na pakiramdam ng pagmamahal, lalo na sa isang ‘beki’ na noon ay madalas pang gawing pangungutya ng kaniyang amain sa iba nilang kakilalang malambot kung kumilos. Natatandaan pa nga niya noon na ang turo nito sa kaniya ay ‘makasalanan’ at hindi raw tatanggapin sa langit ang mga beki, ngunit ngayon ay mas iniisip niyang ito at ang kaniyang ina ang hindi man lang makatutuntong ‘doon’ pagdating ng panahon.

Ginawa ni Tinoy ang lahat upang makabawi sa kaniyang Mama Anita. Nag-aral siya nang mabuti hanggang sa makapagtapos siya ng kolehiyo at nagtrabaho sa ibang bansa upang maibigay sa kaniyang nag-iisa at pinakamamahal na Mama Anita ang lahat ng sarap sa buhay na dapat nitong maransanan. Bukod doon ay ibinaon niya ang mga tunay na aral na turo nito hanggang sa siya ay magkaroon na rin ng sarili niyang pamilya.