Gumanda ang Buhay ng Babaeng Ito sa Sarili Niyang Pagsisikap; Dahil doon ay Biglang Dumagsa ang Kaanak Niyang Nanghihingi sa Kaniya ng Biyaya

“Chichi, baka naman p’wedeng bayaran mo na ang tuition fee ng anak ko? Medyo gipit kasi ako ngayon, e. Sige na, mayaman ka naman. Si Aunty Luz mo ito. Nakuha ko ang number mo sa Aunty Mariz mo noong nagkita kami.”

Napangiwi ang negosyanteng si Chichi nang mabasa ang text na ’yon ng isa sa kaniyang mga tiyahin—kapatid ng kaniyang ama—gayong hindi man lang makilala ng kaniyang cellphone ang numero nito. Mabuti na lang talaga at hindi niya ito kaharap dahil kung hindi ay baka nainsulto ito nang malala nang makita ang biglang pag-ikot ng kaniyang mga mata sa sobrang pagkairita.

“Ang kapal naman talaga ng mga mukha!” reklamo ni Chichi sa kaniyang sarili. Parang noong isang taon lang ay nangyari na rin ito, sa baliktad na sitwasyon. Noon kasi ay siya ang nangangailangan ng pampaospital man lang ng kaniyang ama dahil nagkaroon ito ng karamdaman, ngunit nang subukan niyang lapitan ang kaniyang mga tiyahin ay bigla siyang pinagba-block ng mga ito sa facebook at iba pang social media sites.

Dahil sa pangyayaring ’yon ay ipinangako ni Chichi sa kaniyang sarili na kailan man ay hindi na siya aasa pa sa mga ito at pagsisikapan na lamang niya ang pag-angat ng buhay nilang magkakapamilya. Dahil din doon ay natuto siyang kilalanin kung sino lang ang mga taong maaari niyang lapitan noon sa oras ng pangangailangan, dahil ngayon ay ibabalik niya sa mga ito ang kabutihang naranasan mula sa kanila.

Walang kagatol-gatol na pinindot ni Chichi ang block button. Alam niyang hindi siya titigilan ng mga oportunista niyang kaanak sa kahihingi kapag pinagbigyan niya sila ng isang beses. Ang totoo ay hindi naman maramot si Chichi dahil kahit kailan ay hindi iyon nagawang ituro sa kaniya ng mga magulang niya. Ngunit hindi rin niya gustong maging ‘t*nga’ sa paningin ng mga tiyahin niyang ito na nakikilala na lang siya ngayong mayroon na siyang sinabi sa buhay.

Ilang araw makalipas ang hindi niya pagpansin sa kaniyang mga tiyahin ay mabilis na kumalat sa kanilang lugar ang balitang maramot daw siya, ngunit hindi man lamang n’on nagawang pangiwiin si Chichi. Alam niya sa kanyang sarili na hindi totoo ang ibinibintang nila.

Ganoon pa man ay tinawagan niya ang kaniyang Aunty Helen at inimbitahan itong bumisita sa kanilang bahay. Ito lang kasi ang nag-iisang tiyahin niyang nag-alok ng tulong sa kanila noong sila ay walang-wala pa.

“Aunty, kumusta na po pala kayo? Balita ko, napaalis daw kayo sa inuupahan n’yo,” malungkot na tanong ni Chichi sa kaniyang tiyahin na agad namang ngumiti sa kabila ng hirap na dinaranas nito ngayon. “Hindi man lang ninyo naisipang lumapit sa akin.”

Advertisement

“Naku, hija, nakakaraos pa naman. Isa pa’y hindi mo naman obligasyong tulungan ako, e. Nakakahiya,” sagot naman ni Aunty Helen sa kaniya na lalo namang nakapagpataas ng respeto ni Chichi para dito.

“Aunty, noon nga pong kami ang nangangailangan ay hindi kayo nangiming tulungan kami. Kaya dapat lang na ibalik ko ang kabutihan n’yo,” muli ay sabi ni Chichi sa tiyahing bakas naman ang pagkahiya sa kaniyang sinabi.

“Hindi naman ako nanghihingi ng kapalit, e. Mahal ko kayo kaya tinulungan ko kayo. Hindi ko kayang tiising nahihirapan kayo. Saka mayroon naman kasi ako nang mga panahong ’yon kaya bakit hindi ko kayo babahagian?”

Imbes na sumagot pa ay tumayo na lamang si Chichi mula sa kaniyang kinauupuan at niyakap ang napakabait niyang tiyahin. Pagkatapos ay umiyak siya sa balikat nito at taos-pusong nagpasalamat. “Aunty, hayaan n’yong ako naman po ang bumawi sa lahat ng kabutihan n’yo noon sa amin. Kami naman ngayon ang sandalan mo dahil alam kong nangangailangan ka,” turan pa ni Chichi sa pagitan ng kaniyang mga hikbi.

Ipinagpatayo niya ng sariling bahay sa tabi ng kanilang tahanan si Aunty Hellen na maaari ding tirahan ng mga anak nito. Malaki kasi ang lupang nabili ni Chichi kaya naman kasyang-kasya pa iyon. Ang totoo ay gusto niyang palaging nasa tabi niya ang kaniyang aunty dahil sa paraang iyon ay masusubaybayan niya ang kalagayan nito at matutulungan ito sa lahat ng pangangailangan nito.

Nang makarating iyon sa kaalaman ng iba pa niyang mga tiyahin ay lalong nagngitngit ang mga ito ngunit wala namang magawa kundi ang magsalita na lamang sa likod niya, dahil wala naman siyang obligasyong tulungan ang mga ito. Inggit ang tangi nilang naramdaman dahil iyon ang bunga ng kanilang pagiging madamot noon.