Tuwang-tuwa ang Negosyanteng Ito nang Mabalitaang Bumagsak ang Negosyo ng Kaniyang Kalaban; Pahiya Siya nang Malamang Mali ang Nabalitaan

Umagang-umaga pa lang ay malaki na ang pagkakangiti ni Mr. Legaspi habang nakatanaw siya sa bintana ng kaniyang opisina. Animo musika rin sa kaniyang pandinig ang mga tunog ng pagkawasak at pagguho mula sa dine-demolish na estabilsyimeto sa tapat ng kaniyang restawran.

Pagmamay-ari kasi ito ng kalaban niyang negosyanteng si Mr. Trajano, na matagal ding naging sakit sa kanyang ulo dahil aminin niya man sa hindi ay malakas ang hatak ng restawran nito sa mga kostumer. Halos araw-araw kasi ay puno ng tao ang kainan nito, palibhasa ay makamasa, hindi ’tulad ng kaniya dahil halos mabibilang lang sa daliri niya sa kamay ang pumupuntang tao.

“Sinasabi ko na nga ba at hindi magtatagal ang kainang ’yan,” ngising-asong ani Mr. Legaspi habang humihigop sa kapeng ipinatimpla niya sa kaniyang sekretarya.

“Kaya po pala masaya kayo,” sagot naman ng kaniyang sekretarya.

Tumango si Mr. Legaspi. “Mismo! Wala na talagang mas sasaya pa sa tuwing makikita mong bumabagsak ang mga kalaban mo sa negosyo. Nawa’y lalo pa silang maghirap at nang pagsisihan nilang ako pa ang kinalaban nila!” humahalakhak pang pagpapatuloy niya na nagpangiwi naman sa kaniyang sekretarya nang palihim.

Hindi nito alam kung saan nabalitaan ng kaniyang amo ang tungkol sa ’di umano’y pagbagsak ng kalaban nito sa negosyo, ngunit hindi na lamang nagsalita pa ang nasabing sekretarya. Kinikilabutan kasi siya sa sama ng ugaling mayroon ito.

Kanina kasi, habang dumaraan sa gilid ng ginigibang establisyimento si Mr. Legaspi ay narinig niya ang pag-uusap ng ilan sa mga trabahador:

“Bakit daw ipinagigiba ito, pare?” tanong ng isa sa mga trabahador sa naturang establisyimento.

Advertisement

Agad namang nagkibit-balikat ang kausap nito. “Ewan ko. Ang sabi kasi, magre-retire na raw ang may-ari nito kaya iba na ang magpapalakad. Baka ibinenta,” sagot naman nito.

Iyon ang kumumpirma sa hinala niyang nalulugi na ang naturang kalaban niya na labis namang ikinatutuwa ni Mr. Legaspi. Matagal nang ganito ang ugali niya. Sa tuwing makadaranas ng pagsubok ang ibang tao ay ikinatutuwa niya pa ang paghihirap ng mga ito lalo na kapag kaaway o kalaban ang tingin niya sa kanila. Ang hindi niya alam ay may karma namang balik ang ganoong klase ng kaniyang pag-uugali.

Hindi naman kasi totoong nalulugi na nga ang negosyo ni Mr. Trajano, at alam iyon ng kaniyang sekretarya ngunit pinili na lamang nitong manahimik. Sadya lamang gusto nang magpahinga ng negosyante. Tutal ay may iba pa naman itong negosyong pinatatakbo ng kaniyang mga anak na siyang sumusuporta sa kanila bukod pa sa kaniyang ipon ay sapat na ’yon upang maging maganda ang buhay nila ng asawa. Matanda na rin kasi sila at kontento naman na sa kanilang buhay. Sa anak niya ipinamana ang kaniyang kainan na agad naman nitong naisipang ipa-renovate. Marami kasing magagandang ideya ang binatang Trajano na hinayaan namang isakatuparan ng kaniyang ama.

Nang malaman iyon ni Mr. Legaspi ay ganoon na lang ang kaniyang panlulumo, lalo na nang sa mabilis na panahon lang ay nagbukas nang muli ang dating kalaban niyang restawran na ngayon ay mas pinaganda, mas pinasarap ang mga putahe at mas binuksan para sa masa! Maging ang mga dating loyal na kostumer ni Mr. Legaspi ay lumipat na sa naturang kainan na kalaunan ay naging dahilan naman ng kaniyang pagkalugi!

Nagsara ang kainan ni Mr. Legaspi at ngayon ay hindi niya na magawang humalakhak pa tulad ng ginagawa niya nang akalain niyang bumabagsak na ang kalaban niya. Dahil doon ay tila nagbalik sa kaniyang balintataw ang masasamang sinabi niya at ang labis na sayang nararamdaman niya sa tuwing may ibang taong nakadaranas ng hindi magandang pagkakataon sa buhay.

Masama pala sa pakiramdam kapag ikaw naman ang nasa sitwasyon nila at natatakot kang malamang ikaw naman ang kanilang pinagtatawanan at kinukutya sa ’yong pagiging talunan. Ganitong-ganito kasi ang eksaktong nararamdaman ni Mr. Legaspi ngayon kaya naman nakaramdam siya ng pagsisisi sa mga ginawa niya noon.

Mahirap palang kalaban ang karma, sa isip-isip niya. Hindi mo kasi ito mamamalayan hanggang sa bigla ka na lang dapuan at parusahan sa mga nagawa mong kasalanan. Kaya naman simula ngayon ay ipinangako niya sa sariling babaguhin na niya ang kaniyang pag-uugali at pananaw sa buhay. Ayaw na kasi niyang maranasan pa ang mga naranasan niyang karma sa susunod na susubok siyang pasukin ulit ang pagnenegosyo.