Nagtataka Siya sa Biglaang Pagyaman ng Binatang Kaklase; May Marumi Nga Ba Itong Raket Gaya ng Hinala Niya?

Takang-taka ang binatang si Pepey sa biglaang pag-angat ng buhay ng kaklase niyang noon lang ay hindi pumapasok dahil walang perang pambaon sa eskwela. Ngayon kasi, ito na ang nanlilibre sa iba nilang mga kaklase at nababalitaan niya pang palagi itong umiinom ng kape sa kilalang kapehan sa tabi ng kanilang paaralan.

“Ano kayang ginawa ni Mario para bigla siyang yumaman, ano? Nawala lang siya ng ilang buwan tapos nang pumasok siyang muli, palagi nang mataba ang kaniyang pitaka!” pagtataka rin ng kaibigan niyang si Julius habang nakatambay sila sa tapat ng gate ng kanilang unibersidad.

“Oo nga, eh! Kahapon nga, nagulat talaga ako! Binibiro ko lang siya na wala akong baon at gutom na gutom na ako, aba, agad akong binigyan ng isang daan piso! Sabi niya pa sa akin na kapag wala raw akong baon at nagugutom na ako, huwag daw akong mahiyang magsabi sa kaniya!” kwento pa ng isa nilang katropa, sakto namang pagtingin niya sa gate, siyang labas ng kaklaseng tinutukoy niya dahilan para siya’y agad na tumayo at ito’y sundan.

“Pareng Pepey! Saan ka magpupunta? Hindi ba’t maglalaro pa tayo ng billiards?” sigaw ng kaibigan niya.

“Aalamin ko ang sagot sa biglaang pagyaman ng kaklase natin. Hintayin niyo lang ako roon!” tugon niya saka nagmadaling sundan ang kaklase niyang iyon na nagmamadaling maglakad.

Habang patuloy niyang sinusundan ang binata, lalong lumalawak ang pagtatakang mayroon siya. Pumasok kasi ito sa isang eskinita kung nasaan nakatira ang pinakamahihirap sa kanilang lungsod. 

“Kung mayaman na nga siya, bakit dito pa rin siya umuuwi? Hindi kaya nagbebenta siya ng pinagbabawal na gamot kaya marami na siyang pera?” tanong niya sa sarili.

Bago pa siya muling makapag-isip ng sagot sa mga tanong sa isip niya, siya’y nabigla nang sandamakmak na binabae ang sumalubong dito.

Advertisement

“Nandito ka na pala! Kumusta sa paaralan mo? Marami ka bang natutuhan?”

“Kumain ka na ba, baby boy?”

“Hoy, tinulungan mo agad ako kagabi! Hindi pa tayo tapos maglaro, eh!”

Ilan lang ito sa mga katagang narinig niya mula sa mga binabaeng kasama nito sa bahay na talagang nagpahalakhak sa kaniya.

“Kaya pala biglang yaman ka, ha? Kumapit ka na pala sa patalim! Yari ka na sa akin ngayon!” tuwang-tuwa niyang sabi saka agad na pinuntahan ang kaniyang mga kaibigan upang ikuwento ang kaniyang nasaksihan.

Sa kagustuhan ng kaniyang mga kaibigan na personal na mapagtawanan ang naturang binata, pinuntahan nilang tatlo ang bahay na iyon.

“Tiyak na mahihiya ‘yon kapag nakita tayong tatlo!” sabi pa ni Julius na talagang ikinatawa niya.

Maya maya lang, agad na rin silang nakarating sa naturang bahay at katulad ng kwento niya, mga binabae nga ang naroon at dahil nga gustong-gusto nilang makita ang magiging reaksyon ng kaklase kapag nakita sila, kinapalan nila ang kanilang mukha at kumatok sa pintuan ng bahay.

Advertisement

“Nand’yan po si Mario?” tanong niya sa binabaeng nagbukas ng pintuan.

“Ay, wala, eh, bumili lang saglit ng meryenda. Bakit, mga pogi? Kaklase niya ba kayo? Pasok muna kayo!” sagot nito.

“Kaklase niya lang po kami pero hindi niya kami katulad! Hindi po kami kumakapit sa patalim!” tawang-tawa sagot niya na ikinapagtaka nito.

“Teka, naguguluhan ako, anong ibig niyong sabihin?” tanong nito na ikinatawa nilang tatlo.

“Huwag na po kayong mag-akila pa! Alam naming kayo ang dahilan kung bakit biglang yaman si Mario! Magaling po ba siya sa kama?” tanong pa ni Julius na talagang ikinalisik ng mata ng naturang binabae.

“Hoy, ang babastos ng mga bunganga niyo! Hindi porque binabae kami at lalaki siya, ginagamit na namin siya kapalit ng pera! Sa katunayan, siya pa ang nagbibigay ng pera sa amin! Pamangkin naming lahat si Mario at napakabuting bata no’n! Tumigil ‘yon sa pag-aaral ng ilang buwan para mapiyansahan kami sa kulungan at ngayong wala kaming pinagkakakitaan, siya ang tumutugon sa mga pangangailangan namin! Yumaman si Mario dahil sa sipag at tiyaga niya, hindi dahil nagpapagamit siya! Ituwid niyo nga ‘yang mga pag-iisip niyo!” tuloy-tuloy na sigaw nito sa kanila na talagang ikinatahimik nilang tatlo.

“Kaya mo ba ako sinundan dahil ‘yan ang nasa isip mo, Pepey? Pambihira ka,” mahinahong sabat ni Mario na ikinabato niya.

“Pa-pasensya na, Mario, nagtataka lang talaga kami,” pagtatapat niya.

Advertisement

“Sana tinanong niyo muna ako, hindi ‘yong pati mga tiyuhin ko, pagtatawanan niyo. Makakaalis na kayo,” galit nitong sagot kaya agad na rin silang umalis.

Pilit man nilang hingan ng tawad ang binata, hindi na sila nito pinapansin. Tagos sa puso pa ang naramdaman nilang inggit sa iba nilang mga kaklase dahil sa biyayang ibinabahagi nito.

“Sana pala, hindi natin siya agad hinusgahan, ano?” buntong-hininga niya.

“Oo nga, eh, gusto ko rin masubukan ‘yong negosyong pinagkakakitaan niya. Sana isang araw, mapatawad niya rin tayo,” tugon ni Julius.

Tila nagkatotoo naman ang hiling ng kaibigan niyang ito dahil paglipas lang ng isang buwan, nagulat sila nang sila’y imbitahan nito sa isang pagdiriwang at doon na sila nito tuluyang pinatawad. Binigyan pa sila nito ng trabaho na talagang ikinatuwa nilang tatlo!

Dito nila lubusang nakilala ang mga tiyuhin nitong mga binabae na talagang naghubog sa kanila upang maging mabuting estudyante at matagumpay na tao sa pinansyal na larangan.