
Pinatira Niya sa Lugar ng mga Mayayaman ang Kaniyang Pamilya; Maging Masaya Naman Kaya ang mga Ito?
Noon pa man, pangarap na ni Maxine na magkaroon ng magandang buhay kung saan niya mabibigyan ng komportableng bahay ang kaniyang pamilya, mayroon siyang maibibigay na sandamakmak na pagkain sa mga ito at hindi na niya kailangan pang magtipid sa mga gamit na gusto niyang bilhin para sa kanila.
Ito ang dahilan para labis siyang magsumikap sa buhay. Habang nag-aaral siya noon sa kolehiyo, hindi mabilang sa kamay ang dami ng mga raket na kaniyang ginagawa. Nagbebenta siya ng mga pampaputi, naging ahente ng bahay at lupa, nagbabantay sa isang pwesto ng damit sa palengke at marami pang iba na talagang ginamit niya upang masuportahan ang sarili niyang pag-aaral.
Nang makapagtapos siya ng pag-aaral, agad siyang pumasok sa isang kilalang kumpanya sa Maynila at nang magkaroon siya ng sapat na ipon, nagpatayo siya ng isang pwesto sa palengke kung saan niya binebenta ang mga inaangkat niyang mga gamit at damit mula sa ibang bansa. Hindi pa siya roon nakuntento, naglaan din siya ng pera sa mga investments, nagpatayo ng mga apartments at grocery stores na nagbigay sa kaniya ng sandamakmak na kita.
Sa laki ng kita niya roon, ilang taon pa ang lumipas, siya ay tuluyan nang nakaipon ng pera pampatayo ng kanilang bahay at hindi lang ito basta bahay, isang malaking mansyon na nasa isang pangmayaman na subdibisyon!
“Ate, makakayanan kaya nating tumira rito?” tanong ng kaniyang kapatid habang naglilipat sila ng mga gamit.
“Bakit hindi? Mayaman na rin naman tayo katulad ng mga tao sa paligid natin!” pagyayabang niya sa pamilya.
“Hindi ka ba nabibingi sa katahimikan, anak? Ako kasi, binging-bingi na! Gusto ko nang makarinig ng tsismisan sa paligid, videoke, o kung ano pang away katulad sa tinitirhan natin dati!” sabi ng kaniyang ama na ikinakunot ng noo niya.
“Tatay, oras na para baguhin natin ang nakasanayan mo! Hindi ka ba masaya sa buhay natin ngayon? Maging kuntento ka nga! Iyong iba nga, gustong-gusto makatira sa ganitong klaseng subdivision, eh! Saka matagal ko na itong pangarap para sa inyo! Para may magawa kayo, mag-post kayo sa social media at ako’y pasalamatan,” inis niyang sambit.
“Ang akin lang naman, anak, hindi natin kailangan ng sobrang laking bahay. Wala rin tayo dapat patunayan sa mga taong nakapaligid sa atin, anak. Hindi rin natin kailangang makipagsabayan sa mga tao sa subdivision na ito,” pangaral pa nito nang biglang dumating ang mahal na sasakyang kakabili niya lamang.
“Magpasalamat ka na lang sa biyaya, tatay. Nakakainis ka!” sigaw niya rito saka agad na tiningnan ang naturang sasakyan.
Matapos ang usapan nilang iyon ng kaniyang pamilya, ilang beses pa siyang kinumbinsi ng mga ito na maghanap na lang ng maliit na bahay at magtayo pa ng mapagkikitaan. Ngunit dahil nga ayaw niyang bumaba ang tingin sa kaniya ng mga naninirahan sa subdivision na iyon na nakilala niya, hindi niya inintindi ang mga ito at labis niyang sinumbatan isa-isa.
Buong akala niya, pagkatapos ng pagtatalo nilang iyon ng kaniyang mga magulang at kapatid ay maaayos na ang lahat lalo pa’t mas dinamihan niya ang mga grocery na pinamili niya na may mga tsokolate, cake at ilan pang mamahaling pagkain. Nagawa niya pa ngang kuhaan ng litrato ang mga ito habang inaayos ang mga pinamili niya na kaagad niya ring nilagay sa social media kasama ang mga katagang, “Tiyak na lalong lolobo ang katawan ng mga alaga kong ito!”
Kaya lang, kinabukasan, siya’y nagtaka dahil pagkagising niya, wala pa siyang nakahandang almusal. Wala ring sumasagot sa kaniyang mga sigaw kaya dali-dali niyang pinuntahan isa-isa ang kaniyang mga magulang at kapatid sa kani-kanilang silid.
Tumambad sa kaniya ang mga bakanteng silid ng mga ito at isang sulat mula sa kaniyang ama, “Pasensya na, anak, hindi namin kayang makipagsabayan sa pag-angat mo sa buhay. Pakiramdam ko, mababaliw ako dahil sa tahimik ng bahay. Ni wala akong makausap sa ating mga kapitbahay dahil lahat sila ay abala sa buhay at mga matatapobre,” na talagang ikinainis niya.
Dali-dali niyang pinuntahan sa dati nilang bahay ang kaniyang pamilya ngunit imbes na ilabas niya ang galit nang makita ang mga ito, siya’y biglang nakonsensya nang mapagtanto niyang ngayon niya na lang muli narinig na humalakhak ang mga ito at makipagsalamuha sa tao.
Wala mang mamahaling bagay sa paligid ng mga ito at puro mga taong kapos din sa buhay, ramdam niyang mula sa puso ang kasiyahan ng mga ito.
Doon niya napagtantong una palang pala, mayaman na talaga siya pagdating sa pamilya dahil kahit walang-wala sila, masaya at kumpleto sila.
Katulad ng kagustuhan ng kaniyang mga magulang, ibinenta niya ang kanilang mansyon at pinaayos na lang ang kanilang lumang bahay. Binigyan niya rin ng trabaho ang ilan sa kanilang mga kapitbahay na talagang hirap sa buhay na talagang ikinatuwa ng kaniyang mga magulang. Humingi na rin siya ng tawad sa mga ito sa lahat ng panunumbat na kaniyang ginawa noon.
May mga usap-usapan man siyang naririnig mula sa mga mayayamang niyang kapitbahay sa mamahaling subdivision, hindi niya na ito inalintana dahil bukod sa tunay na saya ang ngayo’y nararanasan niya, nakakatulong pa siya sa mga taong kapos sa buhay.