Inday TrendingInday Trending
Siniraan Niya ang Manliligaw ng Pinsan upang Siya ang Gustuhin Nito; Bandang Huli’y Ipagpapasalamat pa Ito ng Pinsan Niya

Siniraan Niya ang Manliligaw ng Pinsan upang Siya ang Gustuhin Nito; Bandang Huli’y Ipagpapasalamat pa Ito ng Pinsan Niya

Pilit na nilalabanan ni Gwen ang nagpupuyos na damdamin dahil sa sobrang inggit habang pinapanood niya kung paano ipagmalaki si Anna ng mga magulang nito. Nanalo na naman kasi ito sa isang beauty contest. Imbes na maging maligaya na lang si Gwen para sa kaniyang pinsan, para sa kaniya ay isa na naman itong dahilan upang pagkumparahin silang dalawa.

“Gwen, huwag ka munang umalis. Sumama ka sa amin at kakain tayo sa labas para magdiwang!” paanyaya ni Anna.

“H-hindi na lang ako sasama, Anna, may kailangan pa kasi akong tapusin. Hinintay ko lang talaga ang pag-anunsyo ng mananalo pero pauwi na talaga ako,” saad naman ni Gwen.

Ngunit sa totoo lang ay naroon lang siya upang mapanood sana ang pagkatalo ng kaniyang pinsan. Hindi naman niya inakala kasing mananalo ito.

Tila nasira na ang gabi ni Gwen habang naglalakad pauwi ng bahay. Hanggang sa nakasalubong niya si Jake, ang binatang matagal na niyang napupusuan. Hindi niya alam ang gagawin dahil nginitian siya nito at papalapit pa sa kaniya.

“Akala ko ay nasira na nang tuluyan ang araw ko. Hindi pala! Sa wakas ay napansin na rin niya ako,” saad ni Gwen sa kaniyang sarili.

“Ikaw si Gwen, ‘di ba? Alam mo matagal na kitang gustong kausapin pero nahihiya kasi ako,” saad ng binata.

“Ako rin, matagal na kitang gusto kausapin pero nahihiya lang din ako,” sambit sa isip ng dalaga.

“B-bakit mo naman ako gustong makausap? Saka paano mo ako nakilala?” tanong nito.

“Nakakahiya man sa’yo pero may nais sana akong itanong. Hindi ba ikaw ‘yung pinsan ni Anna? Ang sabi ng marami kasi ay malapit daw kayo sa isa’t isa. Nais ko kasing humingi ng tulong sa’yo para sana magpakilala. Matagal ko na kasing napupusuan ang pinsan mo, e. Hindi ko lang talaga alam kung paano sasabihin sa kaniya. Baka p’wede mo naman akong tulungan?” nahihiyang sambit ng binata.

Lalong nagliyab sa galit ang damdamin nitong si Gwen. Hanggang sa pag-ibig ba naman ay karibal pa rin niya ang kaniyang pinsan.

“A, sige, sasabihin ko sa kaniya. P-pero ang alam ko ay marami na kasing nanliligaw sa kaniya. Kita mo naman, nanalo pa siya ngayon sa beauty contest kaya siguradong marami na naman ang nagkakandarapa sa kaniya. Pero gagawin ko ang lahat para matulungan ka,” saad pa ni Gwen.

Masayang-masaya naman si Jake sa sinabi ng dalaga.

“Maraming salamat talaga, Gwen! Hayaan mo kapag naging nobya ko na si Anna ay babawi ako sa’yo,” wika ng binata.

Umuwing masamang-masama ang loob ni Gwen.

Kinabukasan ay muli siyang pinuntahan ni Jake upang ipaalala ang kanilang kasunduan. May dala itong bulaklak at tsokolate.

“Heto ang para sa iyo, Gwen, baka naman p’wede kang gumawa ng paraan para makilala ako ni Anna,” sambit ni Jake.

Sinamahan ni Gwen itong si Jake sa bahay ni Anna upang ipakilala. Dahil nga kilala ng dalaga’y tinanggap naman ito sa bahay ng kaniyang pinsan.

Pag-alis ng binata’y kinausap ni Anna ang dalaga.

“Ikaw naman, bigla ka na lang magdadala ng kaibigan mo rito para manligaw. Hindi mo man lang ako sinabihan,” saad ni Anna.

“Pasensya ka na at ubod ng kulit niyang si Jake. Hindi ba’t kilala mo rin naman siya? Marami ngang babae ang nagkakagusto sa kaniya lalo na dito sa lugar natin,” sambit naman ni Gwen.

“Oo nga! Pero sa totoo lang ay nagguwapuhan din naman ako sa kaniya. At mukhang mabait at malambing. Natutuwa nga ako at ang tapang niyang umakyat ng ligaw dito sa bahay,” wika muli ng pinsan.

“Ang ibig sabihin ba nito’y may pag-asa sa iyo si Jake?”

“Tingnan natin! Pero kung ikukumpara sa ibang lalaking nanliligaw sa akin ay ‘di hamak na may pag-asa siya,” sagot muli ni Anna.

Dito na natauhan si Gwen. Bakit nga ba niya inilalapit si Jake sa kaniyang pinsan gayong mahal niya ito? Naisip niyang gumawa ng paraan upang hindi tuluyang magkalapit ang kanilang loob.

Kinabukasan ay muling nagpapasama si Jake kay Gwen upang pumunta sa bahay ni Anna.

“Naku, hindi kasi ako p’wede ngayon. Saka sinabi rin ni Anna na hindi siya p’wede dahil may date daw sila ng manliligaw niyang anak ng isang politiko. Madalas nga silang lumabas no’n. Ang alam ko pa’y palagi silang nag-a-out of town,” kwento ni Gwen.

“Totoo ba ‘yan? Ang akala ko pa naman ay mahinhin si Anna at hindi basta sumasama sa ibang lalaki. Ang kwento pa nga ng marami ay pihikan daw kaya hindi pa nagkakanobyo,” pagtataka ni Jake.

“Hindi talaga nakikita sa itsura ang ugali ng isang tao, Jake. Siguro dahil sa mga nalaman mo ay ayaw mo na kay Anna, ano?” wika muli ni Gwen.

“Wala namang perpektong tao. Sa tingin ko naman kapag naging kami na ay hindi na siya sasama pa sa iba,” wika pa ng binata.

Tila hindi umubra kay Jake ang paninira ni Gwen. Kaya naman sinubukan niyang gawin naman ito kay Anna.

“Parang hindi na ata bumalik si Jake, ano? Itutuloy pa kaya niya ang panliligaw niya? Balak ko na kasing pahintuin sa panliligaw si Arthur, ubod kasi ng yaman. Maayos naman siya pero wala kasi akong tiwala sa mga kagaya niya. Baka paglaruan lang ako dahil nga sa estado ng buhay namin. Saka iba ‘yung kilig na naramdaman ko kay Jake. Kahit mas matagal nang nanliligaw si Arthur sa akin ay iba ang dating talaga ni Jake,” sambit ni Anna.

“Alam mo sa totoo lang, Anna, mas ayos pa ‘yang si Arthur kaysa kay Jake. Mukha namang mahal na mahal ka nung tao saka ano ngayon kung ubod siya ng yaman? Ayaw mo ba no’n, siguradong maganda na ang kinabukasan mo? Kahit na sinasabi kasi ni Jake na magkaibigan kami’y hindi ko pa rin naman siya masyadong kilala. Iba ang ipinapakita niya sa akin. Natatakot kasi ako dahil ang nanay na mismo niya ang nagsabi sa akin na lulong nga daw sa sugal ‘yan, saka ubod ng babaero! Isa pa, noon daw ay gumamit na ‘yan ng ipinagbabawal na gamot. Nag-aalala lang ako para sa iyo kaya sinasabi ko ‘to. Ayaw kong mapariwara ang buhay mo,” saad ng dalaga.

Dahil sa mga sinabing ito ni Gwen ay biglang nag-iba na ang isip nitong si Anna.

“Kung totoo ‘yang mga sinasabi mo ay huwag mo na siyang dalhin pa rito. Sayang at napupusuan ko na rin siya. Pero salamat sa’yo, pinsan, inilayo mo ako sa isang masamang lalaki. Kapag nagpasama muli siya sa iyo rito ay ikaw na ang bahalang gumawa ng dahilan ha? Baka sagutin ko na si Arthur dahil tama ka, matagal na rin siyang nanliligaw sa akin at kilala na namin ang isa’t isa,” saad pa ng dalaga.

Kinagabihan ay nagtungo na naman si Jake kina Gwen upang magpalakad kay Anna.

“Huwag kang masasaktan sa sasabihin ko, Jake, ha? Nag-usap kasi kami ni Anna kanina. Ang sabi niya sa akin ay wala raw talaga siyang pagtingin sa iyo. Huwag ka na raw pumunta sa kanila dahil hindi ka naman daw niya magugustuhan kasi ang gusto talaga niya ay ‘yung may kaya sa buhay. Nakita mo naman ‘yung mga manliligaw niya, ‘di ba? Ang sabi pa niya sa akin ay sasagutin na daw niya ‘yung anak ng politiko. S’yempre nga naman, biglang yaman siya do’n!” pahayag ni Gwen.

“Ibang klaseng babae pala talaga ‘yang si Anna! Hindi ko na rin itutuloy ang panliligaw ko sa kaniya! Maraming salamat sa lahat ng tulong mo, Gwen,” naiinis na wika ni Jake.

Dahil nadurog talaga ang puso nitong si Jake ay pinilit ni Gwen na maging laging nariyan para sa binata. Madalas rin niya itong akitin at siniguro niyang tuluyan na nga nitong makakalimutan ang pag-ibig kay Anna. Hindi nagtagal ay talagang naging malapit na sila sa isa’t isa. Umaasa si Gwen na isang araw ay mamahalin rin siya nito.

Dumating nga ang araw na iyon. Niligawan na ni Jake si Gwen at hindi nagtagal ay nagkaroon na sila ng relasyon. Hindi pa man sila nagtatagal ay ibinigay na ng dalaga ang kaniyang sarili sa nobyo. Ang akala niya’y magiging masaya na sila ni Jake nang tuluyan.

Hanggang sa tuluyan na nga siyang mabuntis. Doon na nagsimulang magbago ang pakikitungo ni Jake sa kaniya. Hindi na siya nito pinapansin at ang maliliit niyang pagkakamali ay nauuwi agad sa malaking away. Madalas pa siyang pagbuhatan ng kamay nito.

Isang araw ay nalaman ni Gwen na ubos na pala ang inipon nila para sa kanilang kasal. Nang tanungin niya si Jake tungkol dito’y nanlumo siya nang malamang ipinatalo lang ito sa sugal.

“Malapit nang lumabas itong anak natin, Jake. Ayaw kong maging tampulan siya ng tukso dahil hindi pa tayo kasal,” reklamo ni Gwen.

“Ikaw lang naman ang gustong magpakasal tayo, e! Akala mo ba’y gusto ko rin ang batang iyan? Hindi naman nabuo ‘yan nang dahil sa pagmamahal! Ikaw lang ang may gusto sa batang iyan kaya ikaw na lang ang maging magulang sa kaniya!” bulyaw ng kinakasama.

Sa inis ni Jake ay nilayasan niya si Gwen. Naiwan niya ang kaniyang telepono kaya naman inusisa ito ng dalaga. Alam nitong dito niya makakakita ng sagot kung bakit biglang nagbago ang binata.

Nangangatog sa galit at sama ng loob itong si Gwen nang malamang maraming babae pala si Jake. Gumagamit din ito ng ipinagbabawal na gamot at sukdulan na ang dami ng utang dahil sa sugal.

Pagbalik ni Jake ay nakita niyang pinakikialaman ni Gwen ang kaniyang telepono kaya agad itong nakatikim sa kaniya ng sampal.

Hindi na makayanan pa ni Gwen ang mga ginagawa sa kaniya ng kinakasama. Dito niya napagtanto na ang lahat ng mga ginawa niyang istorya noon laban kay Jake ay nagkatotoo.

Ang masakit pa doon ay inamin ni Jake sa kaniya na ginawa lang siya nitong panakip butas dahil ang tunay pa rin nitong gusto ay si Anna.

Hanggang sa dulo ay inggit pa rin ang namayani sa puso ni Gwen. Labis niyang pinagsisisihan na pinilit niya ang kaniyang sarili upang mahalin siya ni Jake. Ngayon, siya tuloy itong miserable samantalang si Anna ay maligaya sa piling ni Arthur dahil tunay nga siya nitong mahal.

Advertisement