Inday TrendingInday Trending
Tanging Hangad ng Matandang Ginoo ay Muling Manumbalik ang Pagmamahalan Nila ng Asawang Nakalimot; Isang Pangyayari ang Tutupad ng Kaniyang Hiling

Tanging Hangad ng Matandang Ginoo ay Muling Manumbalik ang Pagmamahalan Nila ng Asawang Nakalimot; Isang Pangyayari ang Tutupad ng Kaniyang Hiling

Malapit na ang golden anniversary ng mag-asawang Ramon at Pilar kaya naman hindi na magkandaugaga ang kanilang mga anak sa pag-aasikaso nito. Maging si Ramon ay hindi na rin makapaghintay kahit na alam niyang hindi na siya naaalala pa ng kaniyang asawa.

“’Pa, sigurado po ba kayong itutuloy pa rin natin ang muli n’yong pagpapakasal ni mama? Sa totoo lang ay hindi maganda ang kutob namin ng mga kapatid ko tungkol dito. Nakalimutan n’yo na po ba ang ginawa ni mama noong sinubukan natin siyang ipaghanda sa kaarawan niya noong nakaraang taon?” sambit ng panganay na si June.

“Ang sabi naman ng mga doktor ay mas mabuti na ang lagay niya ngayon. Kaya nga ang hiling ko sana sa inyo’y tulad ng kasal namin dati nang sa gayon ay bumalik ang kaniyang alaala,” dagdag pa ng matanda.

Habang nag-uusap ang mag-ama sa hardin ay biglang lumabas itong si Pilar.

“Sino kayo? Lumayo kayo sa mga tanim ko at masisira ang mga ‘yan! Ilang beses ko na kayong pinaalis dito, ‘di ba? Bakit ba balik kayo nang balik?” pagwawala ng ginang.

Pilit namang inalo ng ibang anak ang kaniyang nagwawalang ina.

“Kita n’yo na, ‘pa? Baka hindi magandang ideya ang muling magpakasal kayo sa inyong wedding anniversary. Pag-isipan n’yo po munang mabuti habang may oras pa,” saad pa ng panganay.

Nalulungkot si Ramon sa sinapit ng kaniyang asawa. Ngunit kahit hindi na siya nito naaalala’y patuloy pa rin niya itong minamahal. Kaya naman ganoon na lang ang habag na nararamdaman ng mga anak niya sa kaniya.

“‘Pa, kaya n’yo pa ba? Gusto mo po bang sa amin na muna si mama? Kahit paano ay naaalala pa niya ako,” sambit naman ng pangalawang anak na si Loida.

“Hindi, anak. Ako na ang bahala sa mama ninyo. Nangako kami sa Diyos na hindi kami maghihiwalay sa hirap o ginhawa. Kaya naman pinatutunayan ko ito sa kaniya. Isa pa, may kani-kaniya na rin kayong mga buhay,” saad pa ni Ramon.

“Hanggang kailan n’yo pa kakayanin, ‘pa?” muling saad ng anak.

“Kakayanin ko hanggang sa kabilang buhay. Alam kong kahit hindi na ako naaalala ng mama ninyo’y sa puso niya’y naroon pa rin ako,” naluluhang sambit ni Ramon.

Nang gabing iyon ay pinag-isipang maigi ni Ramon ang nakatakdang pagpapakasal nilang muli ng asawa.

Kinabukasan ay kinausap niya ang kaniyang mga anak.

“Sa tingin ko ay tama kayo. Hindi na siguro mainam pa kung ma-i-istres muli ang mama ninyo. Pati kayo’y ayaw ko na ring maabala. Iisip na lang ako ng ibang paraan upang maipagdiwang namin ito,” dagdag pa ng matanda.

Nalulungkot ang mga anak sa desisyong ito dahil batid nilang nag-uumapaw talaga ang pagmamahal ng kanilang ama sa kanilang ina.

Nakita ni June ang ama na nasa hardin at tahimik na pinagmamasdan ang kanilang ina.

“’Pa, ano pong nasa isip ninyo ngayon? Nalulungkot po ba kayo dahil hindi na matutuloy ang muli ninyong pag-iisang dibdib?” tanong pa ng panganay.

“Isa na iyon. Pero naiisip ko kasi ang mama ninyo. Kailangan ay maging mahaba pa ang buhay ko nang sa gayon ay maalagaan ko pa siya. Kailangang niya ako sa tabi niya,” wika ng ama.

“Talagang mahal na mahal n’yo si mama, ano, ‘pa? Kung nakakaunawa lang ngayon si mama ay tiyak akong kinikilig pa rin yan sa inyo,” saad ni June.

“Alam mo naghihintay lang ako ng himala na kahit isang araw ay maalala ako ng mama ninyo nang sa gayon ay masabi ko sa kaniya kung gaano ko siya kamahal. Na hanggang ngayon ay nananatili pa rin ako sa tabi niya. At mananatili pa rin ako hanggang sa wakas ng buhay ko,” saad ni Ramon habang nangingilid ang luha.

Dalawang araw bago ang golden anniversary ay gumising si Ramon na wala ang kaniyang asawa sa kaniyang tabi.

Labis siyang nataranta kaya napabalikwas siya ng bangon sa kama.

Natagpuan niya ito sa kusina at nagluluto.

“Mukhang pagod na pagod ka kaya hindi na kita ginising. Tamang-tama at tapos na itong niluluto kong almusal. Pagsaluhan na natin,” nakangiting wika ni Pilar.

Hindi makapaniwala si Ramon sa kaniyang nakikita. Narito na muli ang kaniyang asawa at naaalala siya nito. Hindi na sinayang pa ng matanda ang bawat sandali.

Matagal na rin simula noong huli silang kumain nang magkasabay. Puno ang kanilang kwentuhan na para bang muli silang nagliligawan. Walang sawa sa pagsasabi ni Ramon kung gaano niya kamahal ang kaniyang misis.

Kinuwento agad ni Ramon sa kaniyang mga anak ang nangyari.

“Dininig ng Diyos ang panalangin ko. Kilala na ulit ako ng mama n’yo kaya naman hindi ko na sasayangin pa ang pagkakataon. Dadalhin ko siya sa pinakapaborito naming restawran. Ipapaalala ko sa kaniya ang lahat,” masayang wika ni Ramon.

Nag-aalala naman ang kaniyang mga anak sa kaniyang plano. Baka mamaya kasi’y mawala na naman ang alaala ng kaniyang ina at kung ano ang mangyaring masama sa kanila.

Nang gabing iyon ay parehong nakagayak ang mag-asawa patungong restawran. Nag-uumapaw ang kagalakan sa puso ni Ramon habang pinagmamasdan niya ang kaniyang asawa. Ngayon na lang siya ulit nakapagpamaneho kasama si Pilar, isang bagay na madalas nilang gawin noon.

Habang binabagtas ang kalsada patungong sa kanilang pupuntahan ay biglang inatake na naman ng sakit itong si Pilar. Hindi na naman niya muling makilala si Ramon. Patuloy ang pagwawala nito at pilit namang itinatabi ni Ramon ang sasakyan upang makalma niya ang asawa. Ngunit bago pa man maitabi ang kotse’y sinalpok na sila ng isang trak.

Agad na sinugod ang dalawa sa ospital. Inilagay ang dalawa sa magkaibang silid.

“Kumusta na ba ang mama ninyo? Siya na lang ang asikasuhin ninyo at ayos naman ako,” saad ni Ramon.

Ngunit maging si Pilar ay nag-aalala sa kaniyanga sawa. Walang alam sa tunay na pangyayari.

“Alam kong nabangga ang aming sasakyan. Kung kasama ko ang papa ninyo’y puntahan n’yo siya at asikasuhin. Malamang ko’y hindi mabuti ang kaniyang lagay,” pag-aalala naman ni Pilar.

Dahil parehong nag-aalala sa bawat isa’y minabuti na lang ng mga anak na pagsamahin sa iisang silid ang kanilang mga magulang.

Nang gabing iyon ay tuluyan nang nawalan ng malay si Ramon. Ang sabi ng mga doktor ay “brain de*d” na raw ito. Ngunit nakakagulat na ang puso nito’y patuloy pa rin sa pagtibok.

Kalahating oras ang nakalipas at sumunod naman si Pilar. Tuluyan na itong namaalam. Nang ideklara ng mga doktor na tuluyan nang wala ang ginang ay saka lang tumigil ang pagtibok ng puso ni Ramon.

“Hanggang sa huli ay hinintay pa rin ni papa si mama, nang sa gayon ay sabay silang makapasok sa pintuan ng langit. Ibang klase ang kanilang pagmamahalan. Sayang lang at hindi pa sila inabot ang kanilang ika-limampung anibersayo,” umiiyak na wika ni Loida.

“Sa tingin ko ay kailangang ipagsama na lang natin sila sa kabaong. Pagtabihin natin sila nang magkahawak ang mga kamay. Ito naman ang gusto talaga nila. Saksi tayo kung paano nila minahal ang isa’t isa. Lalo na si papa kay mama. Sa araw ng kanilang anibersaryo ay muli natin silang ipakasal. Ngayon ay mas malaya na silang magsasama sa kabilang buhay. Maipagpapatuloy na nila ang kanilang love story,” saad naman ni June.

Sa araw ng anibersaryo ng kanilang mga magulang ay muli nila itong binasbasan upang magkaisang dibdib. Malungkot man ang lahat sa pagkawala ng dalawa’y maligaya na rin sila sapagkat ngayon ay wala nang anumang balakid pa upang mahalin nila nang wagas ang isa’t isa.

Advertisement