Inday TrendingInday Trending
Pakiramdam ng Ginang ay Swerte Siya sa Napangasawa; Sa Kabila Nito’y May Dinaramdam pa rin Silang Kalungkutan

Pakiramdam ng Ginang ay Swerte Siya sa Napangasawa; Sa Kabila Nito’y May Dinaramdam pa rin Silang Kalungkutan

Nangingilid ang mga luha sa mata ngunit may kalakip na ngiti habang pinapanood ni Diana kung paano asikasuhin ng asawa ang kaniyang bagong silang na anak.

Pakiramdam niya ay sobrang swerte niya dahil hindi lahat ng lalaki ay tulad ng kaniyang asawa na mapagmahal at tunay na maasikaso.

Tila wala ngang mahihiling pa itong si Diana. Kahit kasi sabihin pa ng iba na walang tinapos itong si Fred ay hindi naman siya nito pinabayaan kahit kailan. Nagsumikap ito upang bigyan siya ng magandang buhay. Lalo pa itong nagtrabaho nang maigi nang malamang nagdadalantao na siya.

“Hindi ka na makapaghintay na makita ang anak natin, ano? Ayos lang ba sa’yo kahit na babae siya?” bumalik sa alaala ni Diana ang pag-uusap nila noon ng asawa.

“Oo naman! Siyempre, gusto yata ng lahat ng tatay na magkaroon sila ng matatawag na junior. Pero ayos na ayos ako sa babaeng anak. Tiyak kong malambing at responsable. Sana ay makuha niya ang ganda mo at ang talino mo. Sa akin kasi ay wala siyang magandang mamana,” saad ni Fred.

“Huwag mo ngang minamaliit ang sarili mo. Ubod ka ng bait, Fred. Saka kahit sino pang gwapo o mayamang lalaki ang nariyan ay hinding hindi kita ipagpapalit. Sa iyo ko lang naramdaman ang tunay na pagmamahal,” wika pa ni Diana.

Hindi pa man ipinapanganak ang sanggol ay puno na ng pagmamahalan ang kaniyang mga magulang.

Muling nagbalik sa kasalukuyan ang gunita ni Diana nang biglang umiyak nang matindi ang kaniyang anak.

“Shhh, huwag ka nang umiyak, anak, at narito na si tatay. Alam kong inaantok ka na. Gusto mo bang kantahan kita hanggang makatulog ka?” wika ni Fred habang ipinaghehele ang anak.

Napangiti muli si Diana. Hindi man lang nakakita ng kaunting inis sa mukha ng kaniyang asawa. Talagang pasensyoso ito.

“Napakaswerte ng anak ko dahil ikaw ang ama, Fred,” nakangiting wika ni Diana.

Sandaling umupo si Fred upang idapa sa kaniyang dibdib ang anak. Pagdighay ng bata ay agad itong nakatulog nang mahimbing.

Napangiti na lang si Diana habang napapailing. Ibang klase kasi talaga ang mister niya. Unang beses pa lang nitong maging ama ngunit kaya na niyang aluhin ang bata. Ngayon ay masarap ang pagkakatulog nito.

Paglingon ni Diana ay nakatulog na rin ang kaniyang asawa.

“Pasensya ka na at napuyat ka na naman ngayong araw. Ito naman kasing si baby, ikaw na talaga ang hinahanap. Swerte kami sa’yo dahil kayang-kaya mong hatiin ang oras mo para sa pagtatrabaho at sa pag-aalaga sa bata. Mahal na mahal kita,” bulong ni Diana sa kaniyang mister.

Napangiti naman si Fred.

Nang magising si Fred ay inihiga muna niya ang anak upang makapaghanda siya ng gamit.

“Aalis na ba tayo?” tanong ni Diana.

“Mahal ko, tingnan mo muna ang anak natin sandali para mahimbing pa rin ang kaniyang tulog,” sambit ni Fred.

Nagtimpla siya ng gatas at saka kumuha ng pamunas. Hindi rin niya kinalimutan ang pamalit na damit ng anak, baka kasi pawisan ito. Sinigurado rin niyang may dala siyang payong, baka kasi umulan.

Nang ayos na ang lahat ay sinukbit na niya ang baby carrier at doon inilagay ang bata para makapagmaneho pa rin siya ng kaniyang pedicab. Sumakay na si Diana sa loob katabi ng mga gamit.

“Sandali lang anak at pupunta na tayo sa center. Pasusuri lang kita sandali para mabigyan ka rin ng bitamina,” saad ni Fred sa sanggol.

Muling napangiti si Diana dahil kay buti talaga ng kaniyang asawa.

Medyo matagal din ang pinaghintay ng mag-ama sa center. Pero mabuti na lang at hindi masyadong mainit. Naging matiwasay naman ang check up ng sanggol.

Muli ay sinukbit ni Fred ang carrier at saka pumadyak muli. Patuloy na pinagmamasdan ni Diana ang kaniyang mag-ama.

Maya-maya ay tumigil na ang pedicab at bumaba na si Fred kasama ang kaniyang anak. Kinuha nito ang gamit at saka patuloy na naglakad. Dinama niya ang hangin na humahalik sa kaniyang pisngi.

Naglatag ng banig si Fred upang mayroon silang maupuan. Umupo sa tabi ni Fred si Diana.

Ang sarap sana ng pakiramdam na magkakasama ang mag-anak. Tila isang piknik. Nais sanang hagkan ni Diana ang kaniyang asawa ngunit hindi na niya ito magagawa pa.

Inilabas ni Fred ang kandila at saka niya ito sinindihan. Itinirik sa puntod ng kaniyang kakayao lamang na asawa.

“Narito na kami, Diana, narito na kami ng anak mo. Galing kaming center kanina. Alam mo, tuwang-tuwa ako kasi sinabi ng nars doon na malusog daw si baby. Sa katunayan nga ay may kalakihan siya. Parang hindi daw siya premature. Tuwang-tuwa rin sila sa kaniya dahil sobrang ganda daw nitong anak natin. Ang sabi ko nga’y nagmana sa iyo. Hinahanap ka nga rin doon sa center. Nasaan daw ang nanay ng bata. Hindi ko lang masabi na wala ka na. Sayang at hindi ka rin nasilayan ng anak natin. Alam mo, miss na miss na kita. May mga panahon na tinatalo na ako ng lungkot ko pero hindi ako nagpapatalo. Kailangan ako ng anak natin. Iyan ang lagi kong iniisip,” hindi na mapigilan ni Fred ang maiyak habang nakatingin sa libingan ng kaniyang asawa.

Pilit na niyayapos ni Diana ang mukha ng kaniyang asawa ngunit hindi na siya nito nararamdaman pa. Ayaw mang iwan ng ginang ang kaniyang mag-ama’y kailangan na rin niyang magpaalam. Ito na rin kasi ang araw na kailangan niyang tuluyang pumunta sa kabilang buhay. Ngunit sa kaniyang pag-alis ay alam niyang nasa mabuting kamay ang kaniyang anak dahil mapagmahal ang ama nito.

“Lagi mong papatnubayan ang anak natin, Diana. Habang buhay kong ikukwento sa kaniya kung gaano ka kadakilang ina. Ayokong malungkot siya at sisihin niya ang kaniyang sarili pag nagkataon, kaya tayo na lang ang makakaalam na mas pinili mong mabuhay siya kaysa sa iyong sarili. Walang makakatumbas sa wagas na pagmamahal mo. Habambuhay kang narito sa puso ko,” patuloy sa pag-iyak ang ginoo.

Tunay ngang kay sakit para kay Fred ang mawalay sa kaniyang misis, ngunit pilit siyang nagpapakatatag sa ngalan ng pagmamahal niya rito at sa kanilang anak dahil alam niyang darating din ang panahon na muli silang magkakasama-sama.

Advertisement