
Hinahanap ng Lalaki ang Kapatid Nitong Matagal nang Nawawala; Paanong Nangyaring ang Misis Daw Niya ang Kapatid Nitong Lalaki?
Abala si Jhon Rey sa pagluluto nang marinig ang tunog ng doorbell, tanda na may tao sa labas ng kanilang bahay. Sino naman kaya ang kaniyang hindi inaasahang bisita sa araw na ito? Hinubad niya ang suot na apron at deretsong naglakad sa pintuan upang pagbuksan ang hindi inaasahang bisita.
“Magandang araw po,” magalang na bati ng lalaking nakatayo sa labas ng pintuan. “Pwede ko po bang makausap si Sir Jhon Rey?”
“Ako po ang taong iyong hinahanap sir,” tugon niya. “Ano po ba ang kailangan nila?”
Pormal itong nagpakilala sa kaniya at nalaman niyang ito si Mr. Samuel Reyes, at naparoon ito sa kaniyang pamamahay dahil hinahanap nito ang kapatid na nagngangalang Patrick. Hindi niya kilala ang hinahanap nito, ngunit napaisip siya nang magtanong ang lalaki kung ang kaniya bang asawa’y may malaking balat sa balikat, sa may bandang kanan.
“Patawarin mo ako kung sa iyong palagay ay ginugulo ko ang pamilya mo,” mangiyak-ngiyak na wika ng lalaki. “Pero ang asawang kasama mo ngayon ay siya ring nawawala kong kapatid,” anito. Hindi na napigilan ang ang pag-iyak nang malakas.
Tila binuhusan ng malamig na tubig si Jhon Rey sa nalaman. Limang taon na silang kasal ng kaniyang asawang si Karen, babae ito, ulilang lubos at wala nang nakikilalang pamiya, lumaki ito sa bahay-ampunan… iyon ang pagkakakilala niya sa asawa. Ngunit bakit iba na ang sinasabi ng kaniyang puso ngayon? Nilingon niya ang lalaking panay ang hagulgol sa kaniyang harapan. Lahat ng pagkakalarawan nito sa kapatid na nawawala’y tumutugma sa katauhan ni Karen, maliban nga lang sa ibang bagay… babae ang kaniyang asawa, habang lalaki ang kapatid nito.
Kinagabihan ay hinintay niya ang pagdating ni Karen upang personal itong tanungin sa mga bagay na buong araw na nagpagulo sa kaniyang isipan. Nahahati sa dalawa ang kaniyang isipan. Gusto niyang maniwala sa lahat ng sinabi ni Samuel kanina, ngunit hindi niya kayang isipin na sa loob ng mahabang panahon ay niloloko lang pala siya ng kaniyang asawa.
“Magandang gabi, love,” malambing na bati ni Karen nang makita siyang prenteng nakaupo sa malaking sofa. “Kanina mo pa ba ako hinihintay?”
Marahan siyang tumango at matamang tinitigan ang asawa. Walang bakas sa itsura nitong dati itong lalaki. Ang lahat ng kabuuan ni Karen ay nagpapahiwatig na isa itong tunay na babae. Ngunit gusto niya pa ring mapatunayan kung ano nga ba talaga ang buong katotohanan.
“Love, may nagpunta rito kaninang lalaki,” panimula niya. “Nagpakilala siyang si Samuel Reyes, may kilala ka ba?” tanong niya. Hindi man nagsasalita si Karen ay nakita niya sa mukha nito ang pagkabigla.
“W-wala naman akong kilalang ganoon, love,” tanggi nito. “Ano bang sadya niya?”
“Hinahanap niya ang bunso niyang kapatid na si Patrick Reyes, love,” aniya habang ang mga mata ay nakatitig sa mukha ng asawa. “Inilarawan niya sa’kin ang kabuuan ng nawawala niyang kapatid, love, at ang sabi niya’y nahanap niya na raw si Patrick, dahil ikaw at si Patrick daw ay iisa,” wika n’ya sabay abot sa litratong ibinigay ni Samuel kanina.
Iyon ang litrato ni Patrick noong kabataan nito, bago ito nagpaalam sa pamilyang luluwas ng Maynila upang maghanap ng trabaho para makatulong sa naghihirap na pamilya. Ngunit makalipas ang limang buwan ay hindi na muling nagparamdam pa si Patrick, bigla na lamang itong nawalang parang bula.
“Ayokong paniwalaan si Samuel, love, pero noong nakita ko ang litratong ito’y nagbago ang isip ko,” ani Jhon Rey, sabay yuko sa litratong hawak. “May kaibahan man, ngunit hindi maitatangging kamukhang-kamukha mo ang lalaking ito. Ano ba talaga ang totoo, Karen?” humihibing wika ni Jhon Rey.
“Patawarin mo ako, love,” umiiyak na wika ni Karen, habang nakatakip ang isang kamay sa sariling bibig.
Walang ibang sinambit si Karen, ngunit sa simpleng paghingi nito ng kapatawaran sa kaniya’y nasagot na nito ang lahat ng katanungang naglalaro sa kaniyang isipan. Mali nga ang pagkakilala niya sa asawa. Hindi ito si Karen, bagkus ay ito si Patrick, ang nawawalang kapatid ni Samuel.
Inamin lahat ni Karen sa kaniya ang buong katotohanan. Nang makarating ito sa Maynila ay agad itong nakahanap ng trabaho bilang isang call center agent. May kaibigan itong binabae na nag-aya sa kaniyang pumunta sila sa ibang bansa at doon magtrabaho, agad namang pumayag si Patrick, iniisip na mas makakatulong siya sa pamilyang naiwan niya sa probinsya. Ngunit hindi naging maganda ang buhay niya sa ibang bansa, naging entertainer siya sa isang club at may matandang mayaman ang nagkagusto sa kaniya na siyang nagligtas sa papalubog niyang buhay.
Mayaman ang matandang nagkagusto sa kaniya at ipinaramdam nito sa kaniya ang pagmamahal nito, ngunit ayaw nitong makantyawan na pumatol lamang sa isang kagaya niyang b*kla, kaya binago nito ang buo niyang pagkatao at ginawa siyang babae, walang bakas ng kaniyang kahapon. Doon nagbago ang lahat sa kaniya, ang dating si Patrick, ay naging si Karen.
Nang mamayapa ang matandang asawa’y nagdesisyon siyang umuwi pabalik sa ‘Pinas at doon niya nakilala si Jhon Rey, ang kaniyang asawa. Pinili niyang ibaon ang nakaraan, ngunit talagang totoo ngang walang lihim ang naitatago.
“Tanggap kita, Karen, dahil mahal kita… mahal na mahal,” ani Jhon Rey, saka niyakap ang umiiyak na asawa.
“I’m sorry, love,” tugon naman ni Karen.
Mahirap isiping ang asawang buong akala niya’y tunay na babae, ngayon ay malalaman niyang dati palang lalaki. Ngunit kahit ano pa man ang mangyari ay hindi mababawasan ang pagmamahal ni Jhon Rey kay Karen, mahal niya ang asawa, ano man ang totoo nitong kasarian.
Nangako si Karen na simula sa araw na iyon ay wala na siyang ililihim sa asawa. Mahal na mahal niya si Jhon Rey at labis ang kaniyang pasasalamat sa buong pusong pagtanggap nito sa nakaraan niya.