Inday TrendingInday Trending
Ipaglalaban Ko ang Ating Pag-Ibig

Ipaglalaban Ko ang Ating Pag-Ibig

Nagmamahalan man ay hindi alam nila Carmela at Joey kung paanong matatanggap ng kanilang mga pamilya ang kanilang relasyon. Tutol kasi ang bawat poder nila sa kanilang pag-iibigan. May limang anak na kasi si Carmela mula sa una niyang asawa. Iniwan siya ng lalaki at sumama sa iba. Samantalang si Joey ay isang binatang jeepney driver na nakapisan pa rin sa kanyang mga kapatid.

“Ang daming babae d’yang iba, Joey,” sambit ng ate ng binata.

“Bakit iyang si Carmela pa ang napili mo? Kapag siya ang pinili mo ay kailangan mo ring pakisamahan ang lima niyang anak. Lahat ng responsibilidad na dapat ang ama ng mga batang ‘yun ang gumawa ay sa’yo na mapupunta. Hindi ko hahayaan ‘yan, Joey. Binata ka at napakaraming babaeng nagkakagusto sa’yo. Kaya iwasan mo na ‘yang si Carmela,” patuloy na pagbubunganga ng nakatatandang kapatid ni Joey.

“Ate, mahal ko si Carmela at tanggap ko ang nakaraan niya. Kung kasama ng pagmamahal ko sa kaniya ay kailangan kong tanggapin ang lima niyang anak ay gagawin ko,” depensa ni Joey sa kapatid.

“Nasisiraan ka na talaga ng bait,” yamot ng kaniyang ate.

Samantalang sa bahay naman nila Carmela ay pinagbubungangaan din siya ng kaniyang mga magulang.

“Carmela, itigil mo na ang pakikipagrelasyon d’yan kay Joey. Hindi ka pa ba nadadala sa naging relasyon niyo ng una mong asawa? Baka mamaya ay iwan ka rin niyan,” sambit ng ama ni Carmela.

“’Tay, iba po si Joey. Nagmamahalan po kami,” saad ni Carmela.

“Hanggang kailan ka niya mamahalin, Carmela? Tandaan mo na may limang anak ka. Bukas o sa makalawa ay baka isumbat niya ang lahat ng iyan sa’yo at iwan ka rin. Baka mamaya ay hindi mo na alam kung saan ka pupulutin,” wika muli ng ama.

“Ayaw lang namin makita ng tatay mo na muli kang masaktan. Kaya kung itutuloy mo pa ang pakikipagrelasyon sa mga ‘yan ay mabuti pang umalis ka na rito sa bahay. Isama mo na ang mga anak mo. tingnan natin kung hanggang kailan ka niya kayang ipaglaban,” sambit naman ng kaniyang ina.

Dahil hindi kayang iwan ni Carmela si Joey ay minabuti na lamang niyang sumama sa binata. Nagtayo siya ng isang maliit na kubo sa bakanteng lote sa kanilang bahay at doon niya itinira ang mag-iina.

Kinailangan nilang patunayan sa lahat na tama ang kanilang naging desisyon. Kahit na ilang taon na silang naninirahan malapit sa pamilya ni Joey ay hindi pa rin nila magawang tanggapin ang mag-iina.

Tulad ng ipinangako ni Joey kay Carmela ay itinuring niyang kanyang tunay na anak ang mga anak ng ginang. Pinag-igi niya ang kaniyang pamamasada sapagkat kailangan niyang pag-aralin ang mga ito. Napalagay naman ang mga magulang ni Carmela sa pinapakitang ito ni Joey. Ngunit hindi ang kaniyang mga kapatid.

“Tingnan mo ang sarili mo, Joey, halos kayod kalabaw ka na. Hindi mo naman anak ang mga ‘yan!” sambit ng ate ni Joey.

“Hanggang ngayon ay hindi pa rin panatag ang loob ko diyan kay Carmela. Hindi ako naniniwala na mahal ka niya. Makikita mo kapag wala na siyang mapapala sa’yo at mga anak niya ay iiwan ka rin niya,” dagdag pa nya.

Hindi na lamang pinansin pa ito ni Joey.

Isang araw ay hindi sinasadyang nabangga ang minamaneho nitong jeep. Sa tindi ng pinsala ay himalang nabuhay pa si Joey. Ngunit hindi na ito kailanman makakalakad pa. Naging baldado na ang ginoo at hindi na makakapagtrabaho pa.

Dahil sa pagmamahal niya sa mag-iina ay hindi siya iniwan ng mga ito. Nagtrabaho si Carmela upang matustusan ang kanilang pangangailangan at gamot ni Joey. Ang mga bata naman ay nakikipagsalitan sa ina sa pag-aalaga sa kanilang amain.

Dito ay napatunayan ng pamilya ni Joey ang pagmamahal sa kaniya ni Carmela. Unti-unti na nilang natanggap ang ginang at mga anak nito.

Limang taong kinaya ni Carmela ang pagsabayin ang pagtatrabaho at pag-aalaga sa kanilang pamilya lalo na kay Joey. Isang araw ay bigla na lamang bumigay ang katawan ni Joey at tuluyan na itong binawian ng buhay.

Hindi matanggap ni Carmela ang sinapit ng kinakasama. Hindi niya lubusang maisip na isang araw ay maghihiwalay rin pala sila nito dahil kinuha na si Joey ng Maykapal. Lubusan din ang kalungkutan ng mga bata sapagkat lumaki sila na si Joey ang kinikilalang ama.

Dahil wala na si Joey ay minabuti na rin ng mag-iina na umalis na sa kanilang tinutuluyan.

“Saan kayo pupunta?” sambit ng ate ni Joey. “Hindi kayo pwedeng umalis dito. Dito lang kayo,” giit nito.

“Alam kong ayaw n’yo sa akin. Ngayong wala na si Joey ay wala na rin po kaming kaparatan na tumira dito. Salamat at kahit paano ay lumaki ang mga anak ko na mayroong maayos na matutuluyan at isang ama na gumagabay sa kanila,” saad ni Carmela.

“Hindi kayo pwedeng umalis dahil ayaw ni Joey,” wika pa ng nakatatandang kapatid sabay abot ng isang liham.

Mga kapatid ko,

Nakikiusap ako sa inyo na kung sakaling may mangyaring masama sa akin ay huwag n’yong paaalisin si Carmela at aming mga anak. Huwag n’yo rin silang pakikitaan ng hindi mabuti. Nagmamahalan kami ni Carmela at hanggang sa kabilang buhay ay ipaglalaban ko ito. Kaya kung maari sana ay mahalin nyo rin sila gaya ng pagmamahal nyo sa akin. Ito lang ang aking hiling.

Nagmamahal, Joey

Hindi maiwasan ni Carmela na bumuhos ang kaniyang mga luha. Hanggang sa huli kasi ay pinatunayan pa rin ni Joey ang pagmamahal niya kay Carmela at sa kaniyang mga anak. Hindi na nilisan pa ni Carmela ang bahay na ginawa ni Joey para sa kanila. Kinaya niyang buhayin ang kaniyang mga anak. Araw-araw siyang bumabangon ng may ngiti sa mukha dahil na rin sa pagmamahal na naiwan sa kanya ni Joey.

Advertisement