Inday TrendingInday Trending
Akin na Muli ang Lupa Ko

Akin na Muli ang Lupa Ko

Nangangamba si Robert, isang negosyante sapagkat nabalitaan niya sa kanyang mga tauhan at kapulisan na ayaw magsialis ng mga iskwater na naninirahan sa kaniyang lupa. Pinaaalis na kasi niya ang mga ito sapagkat sisimulan na niya ang kanyang pinapangarap na restawran.

Hindi naman maiwasan ng nakatatandang kapatid ni Robert na si Julio ang mainis sa mga ito.

“Napakalambot kasi ng puso mo, Robert. Bakit hindi mo na lang hayaan ang mga pulis sa kanilang ginagawa. Huwag kang pumayag sa kahit anong negosasyon sa pagitan ng mga mahihirap na ‘yon. Tandaan mo lupa mo ang tinitirikan ng mga bahay nila. Ngayong nais mo na ito mabawi ay akala mo kung sino silang may-ari nito. Kakapal ng mukha niyang mga iskwater na ‘yan,” nanggagalaiting sambit ni Julio.

“Kuya, kahit paano naman ay naaawa ako sa kanila. Iniisip ko kung saan din sila pupulutin. May mga bata at matatandang mawawalan ng sisilungan,” pahayag ni Robert.

“Hindi ba may mga nakalaan namang relokasyon para sa mga iskwater na ‘yon. Pabayaan mo na kasi ang mga pulis na umayos niyan! Ang dapat mong pagtuunan ng pansin ay ang pagpapatayo mo ng restawran mo. Magiging masaya ang kalooban ng mga magulang natin sapagkat matutupad mo na rin ang pangarap mo at pangarap nila para sa’yo. Kaya dapat ay pokus ka lamang d’yan,” saad ni Julio.

Kahit na anong gawing pagpokus ni Robert sa nalalapit na pagtatayo ng kaniyang restawran ay hindi mawala sa isip niya ang mga taong naninirahan sa kaniyang lupa. Kaya minabuti niyang magtungo rito ng personal upang makausap ang mga ito.

Galit at kaguluhan agad ang isinalubong nila kay Robert.

“Hindi mo kami mapapaalis dito dahil nandito ang kabuhayan namin!” sambit ng isang lalaki.

“Dadanak muna ang dugo dito sapagkat pawis ang naging puhunan namin upang maipatayo ang aming bahay tapos ay palalayasin niyo lang kami?” sigaw pa ng isang lalaki.

Dahil dito ay napaisip din si Robert na may punto ang kaniyang kapatid. Bakit inaari ng mga ito ang lupang hindi naman talaga sa kanila at sila pa ang ganang maging matapang kahit na piniplit niya na tumulong sa mga ito.

Isang bata ang lumapit kay Robert.

“Ginoo, pasensiya na po kayo. Maawa po kayo sa amin. Wala na nga po kaming kinabubuhay ay mawawalan pa kami ng matutuluyan,” sambit ng bata.

Nahabag si Robert sa sinabi ng bata. Kaya kahit na tinutubuan siya ng inis sa mga taga-rito ay minabuti niyang mag-isip ng paraan.

Isang Linggo ang nakalipas at wala nang nagawa ang mga iskwater kung hindi lisanin ang lugar dahil mga militar na ang nagtungo sa kanila upang gibain ang mga kabahayan. Sa tindi ng armas ng mga ito ay natakot na sila na baka dumanak pa ang dugo kaya mapayapa na silang umalis at lumipat sa nasabing relokasyon.

“Magpapasko pa naman, wala tayong kabuhayan,” wika ng isang babae.

Todo ang pagkamuhi ng mga ito kay Robert sapagkat para sa kanila ay wala itong puso. Dagdag pa riyan ang itsura ng mga mapangmatang pamilya ng binata.

Ngunit dahil may taglay na kabutihan talaga sa puso itong si Robert ay nagtungo ang binata sa kanilang naging relokasyon ng mga napaalis sa kaniyang lupa. Masaya siyang naging maayos ang pamumuhay ng mga ito. Ngunit nalaman din niya na ang mga bahay na kanilang tinitirhan ay hindi libre at kailangan nilang bayaran. Kung hindi ay maaari silang mapalayas muli.

Marami sa ibang mga nawalan ng bahay ay wala ring hanapbuhay. Kaya nagtataka siya kung paanong magagawang bayaran ng mga ito ang kanilang tinutuluyan.

Nang makita siya ng mga tao ay pagkamuhi agad ang kanilang binungad. Kahit ano pang sabihin nila ay hindi nagpatinag ang binata. Nang matipon sila ay doon niya sinabi ang kanyang balak.

“Patawarin nyo ako sa agad na pagpapalayas ko sa inyo. Kung iintindihin n’yo lamang ako ay makikita ninyo kung saan ako nanggagaling. Ang lupang kinatitirikan noon ng mga bahay ninyo ay pag-aari ng aking pamilya. Ipinamana ito sa akin ng aking lolo. Matagal na rin kayong naninirahan doon. Matagal ko na kayong napagbigyan kaya pagbigyan n’yo rin ako kung nais ko na itong bawiin at gamitin,” bungad ng binata.

“Ngunit hindi doon natatapos ang lahat sa pagitan natin. Alam kong nawalan din kayo ng ikabubuhay sa paglipat ninyo rito. Kaya gusto ko sanang makipagtulungan sa komunidad na ito. Ang mga kalalakihan ay maaring magtrabaho sa construction site sa pagtatayo ng restawran. Ang iba naman kasama ang mga kababaihan ay maaaring magtrabaho mismo sa restawran sa oras na matapos ito. Ito na rin ang tulong na maiaalok ko sa inyo,” wika ni Robert.

Ikinatuwa ng lahat ang kaniyang sinabi. Hindi lubusang maisip ng mga taong ito ang kabutihang ipinamalas ng ginoo. Dahil sa kaniya ay magkakaroon ng trabaho ang mga taga-rito.

Hindi nagtagal at natupad nga ang plano. Tutol man ang pamilya ni Robert sa kanyang naging desisyon at wala na silang magawa. Nang matapos naman ang restawran ay pawang mga kasapi rin ng komunidad na ito ang naging mga tauhan niya.

Naging matagumpay ang naitayong restawran sa pamumuno ni Robert. Bilang ganti sa pinakikitang pagsisikap ng mga tauhan ay naglaan siya ng isang buong araw kada Linggo eksklusibo lamang sa mga pamilya ng komunidad upang magsalu-salo at maranasan ang marangya at masasarap na pagkain.

Advertisement