Inday TrendingInday Trending
Aksidenteng Minahal Kita

Aksidenteng Minahal Kita

Matiyagang naghintay sa labas ng kanilang bahay ang dalagang si Lucy sa kaniyang mapapangasawang si Ron. May hinanda kasi ang dalaga na isang supresa para sa kaniyang magiging kabiyak. Espesyal kasi ang araw na ito sapagkat ito ang kanilang ika-pitong anibersaryo bilang magkasintahan. Ngunit tulad ng dati ay tila nakalimutan ng binata ang kanilang usapan ng nobya sapagkat hatinggabi na ay wala pa rin ito.

Nakailang tawag na ang dalaga ngunit hindi pa rin sumasagot sa kaniya ang binata. Dahil sa hindi na siya mapalagay ay napagdesisyunan niyang puntahan si Ron sa opisina nito. Agad niyang kinuha ang susing ng kaniyang sasakyan, saka binalot ang mga nakahandang pagkain at saka siya umalis.

Nang makarating siya sa opisina ay agad niyang tinungo ang silid ng nobyo at nakita niyang abala ito sa kaniyang ginagawa.

Kumatok siya ng dahan-dahan. At saka siya napansin ng binata. Imbes na matuwa si Ron sa presensya ng kanyang nobya ay tila nagalit pa ito sa dalaga.

“Anong ginagawa mo rito?” sambit ni ron habang abala sa kanyang ginagawa. “Hindi ka na dapat pa nagpunta dito, Lucy. Hindi mo ba nakita na marami akong tinatapos. Magiging abala ka lang dito,” dagdag pa ni Ron.

Kahit nasaktan ang dalaga sa sinabi ng kanyang mapapangasawa ay pilit pa rin niyang inayos ang kanyang sarili.

“Pinagdala kita ng pagkain kasi alam kong gutom ka na. Ito, pagsaluhan natin,” saad ni Lucy habang inihahanda ang mga bitbit na pagkain.

“Kumain na ako, Lucy,” wika ni Ron. Kahit anong sabihin ng binata ay hindi nagpapigil si Lucy na ihain ang pagkain. Hanggang sa hindi sinasadya ay natabig niya ang isang lalagyan na mayroong sarsa at napunta ito sa ginagawa ng binata.

Napamura na lamang ito sa inis. “Pwede ba, umalis ka na, Lucy. Imbes na tulungan mo ako ay lalo mo pang dinadagdagan ang problema ko!” galit nitong wika sa kasintahan.

Isa-isang niligpit muli ni Lucy ang mga pagkain habang pinipigilan ang pagpatak ng kaniyang luha dahil sa hinanakit sa binata. Bago ito umalis ay huminto siya sa pinto at nagsalita kay Ron.

“Gusto ko lang ipaalala sa’yo na ika-pitong anibersaryo natin ngayon. Maligayang anibersaryo sa’yo, mahal,” sambit ng dalaga at tuluyan na niyang nilisan ang opisina.

Mabigat ang loob ng dalaga habang binabagtas niya ang daan pauwi ng kanilang bahay. Hindi niya namalayan ang isang lalaking papatawid sa kalsada. Nang makita niya ito ay agad niyang tinapakan ang break ng kotse at nanalanging hindi niya mahagip ang lalaki ngunit huli na ang lahat.

Tumama ang kanyang minamanehong sasakyan sa binata. Bumulagta ang binata sa kalsada. Agad namang humingi ng tulong si Lucy. Nang dumating ang ambulansya ay agad nila itong binigyan ng paunang lunas at dinala sa ospital.

Matinding takot ang naramdaman ni Lucy sapagkat alam niyang maaari siyang makulong sa kanyang nagawa.

“Mabuti na lamang at hindi napuruhan ang nobyo mo,” sambit ng doktor. “Buti na lamang ay dumating ka agad,” dagdag pa nito.

Hindi maintindihan ni Lucy ang sinasabi ng duktor. Nangangamba rin siya na baka napinsala ang utak ng lalaki at ang akala nito ay siya ang kanyang nobya. Agad niyang tinungo ang lalaki upang kausapin ito.

“A-ayos ka lang ba?” kinakabahan nitong tanong. “Ako si Lucy. Hindi ako ang kasintahan mo, ako ang–”

“Alam ko na hindi ikaw ang kasintahan ko. Sinabi ko lang ‘yon para hindi ka na imbestigahan. Nakikita ko kasi ang takot sa mga mata mo,” wika ng lalaki. “Ako nga pala si Bernard,” pagpapakilala niya.

“Salamat, Bernard. Hayaan mo at sasagutin ko lahat ng gastusin sa ospital at pagpapagaling mo,” wika ni Lucy.

“May isa lang akong hihilingin sa’yo, magandang binibini. Isa kasi akong manunulat at kailangan ko ang tulong mo. Hindi ko kayang gumawa sa aking kompyuter ng kwento sapagkat magiging mahirap sa akin dahil dito sa pilay sa kanang kamay ko. Pwede bang ikaw ang mag-type ng istorya ko habang nagpapagaling ako?” pakiusap ni Bernard.

Dahil sa hiya ng dalaga sa kanyang nagawa sa binata ay agad siyang pumayag. Naisip din niyang maaaring isa itong maging daan upang makalimutan niya ang masakit na sinabi ng kaniyang kasintahan.

Kinabukasan ay pinuntahan niya si Bernard sa kaniyang bahay at doon ay tinulungan niya ang binata. Wala pa sa isang kapat ng libro ang nasusulat nito. Masigasig na nagtipa si Lucy sa kompyuter ng binata. Halos araw-araw ay pinupuntahan niya ito upang tulungan.

Dahil palaging magkasama ang dalawa ay hindi na nila namalayan na unti-unti na palang nahuhulog ang loob ni Lucy sa binata. Ngunit naiisip pa rin niya ang mapapangasawa. Ni hindi man lang ito tumatawag o nagpaparamdam.

Isang araw ay nakita ni Lucy sa mall si Ron na may kasamang iba. Nakalingkis ito sa kaniyang nobyo at tila masaya naman ang lalaki sa ginagawa ng babae. Doon na napatunayan ni Lucy na hindi na tumitibok pa ang kanyang puso para sa dating nobyo sapagkat hindi na siya nasasaktan pa na makita ito sa piling ng iba.

Dito niya napagtanto na tuluyan na nga siyang nahulog kay Bernard. Ngunit alam niyang hindi pareho ang pagtingin sa kanya ng binata.

Nang makarating siya sa bahay nila Bernard upang tulungan muli ito sa pagsulat ng kwento ay hindi nya sinasadyang makita ang binata na walang benda ang kamay. Nagtaka masyado si Lucy sa kanyang nakita.

“Magaling ka na?” tanong ni Lucy sa binata. “O talagang hindi ka naman napilay, Bernard?” pagpapatuloy niya.

“Siguro ay dapat ko ng aminin sa iyo ang totoo, Lucy,” wika ng binata. “Napilay talaga ako pero matagal nang magaling ang kamay ko. Patawad kug nagsinungaling ako sa’yo. Pero ayoko kasing matapos ang mga sandali na nakakasama kita. Kaya ito lang ang naisip ko. Lucy, gusto kita, una pa lang kitang masilayan sa ospital,” kinakabahang pag-amin ng binata. Natahimik lang ang dalaga.

“Maiintindihan ko kung hindi mo ako mapapatawad,” muling sambit ni Bernard.

Isang matamis na ngiti ang isinagot ni Lucy kay Bernard.

“Mahal din kita, Bernard. At tulad mo, ayokong matapos ang mga sandaling kasama kita. Pero hindi ko rin alam kung paano ito sasabihin sa iyo. Masaya ako na parehas pala tayo ng nararamdaman sa isa’t-isa,” naiiyak na sambit ng dalaga.

Hindi na napigilan ni Bernard na yakapin si Lucy. Lubos na kaligayahan ang nadama ng dalawa. Hindi akalain ni Lucy na ang gabing nagdala sa kanya ng hinanakit ana labis niyang gustong kalimutan ay ang gabi pala na kung saan niya matatagpuan ang kaniyang tunay na pag-ibig.

Naglapat ang kanilang mga labi sa pag-asang ang pag-ibig na kanilang natagpuan ay ang pag-ibig na panghabambuhay na.

Advertisement