“O, halika na, malapit na matapos ang break time natin! Naku, kapag nalate na naman tayo, bawas na naman sa sweldo!” pagmamadali ni Myra sa kaibigang kumakain habang naglalagay ng lipstick sa labi. Nasa parke sila ngayon katapat ng gusaling kanilang pinagtatrabahuhan.
“Saglit lang, ang dami pa ng pagkain ko!” nguso ni Melay saka tiningnan ang pagkaing halos hindi naman nabawasan.
“Dalian mo na kumain o kaya itapon mo na lang ‘yan!” payo niya sa kaibigan habang inaayos ang kaniyang kilay.
“Oo nga, sige tatapon ko na lang, busog na naman ako,” pagsang-ayon naman nito saka nagmadaling isara ang kahon na kaniyang kinakain. Itatapon niya na sana ito sa basurahan nang bigla siyang hawakan ng isang matandang pulubi dahilan upang magulat siya at mapasigaw. Nataranta naman ang kaniyang kaibigan dahilan upang magsitakbuhan silang dalawa papasok sa gusali.
Nasa elementarya pa lamang ang dalawang dalaga nang mabuo ang kanilang pagkakaibigan at hanggang ngayong nagtatrabaho na sila, hindi pa rin sila mapaghiwalay-hiwalay.
Kilalang-kilala na nila ang isa’t-isa, si Myra na palaayos sa sarili at si Melay na tamad kumain. Pareho silang mahilig kumain ngunit kapag tinamaan na ito ng katamaran, kahit anong sarap ng pagkaing nakahain sa sarap nito, ipapatapon na lamang ito ng kaniyang kaibigan dahil sa kabagalan niyang kumain. Madalas silang nagmamadaling kumain dahil ayaw nilang mabawasan ang kanilang sweldo kaya naman, madalas rin silang magtapon ng pagkain.
Ngunit noong araw na ‘yon labis na lamang ang takot ni Melay sa matandang pulubing humawak sa kaniya. Malamig kasi ang mga kamay nito at tila labis na nanghihina ang mukha.
Nang makarating sa tapat ng gusaling pinagtatrabahuhan nila, binalikan nila ng tingin ang matandang nakita nila at napahangos sila pabalik nang makitang bumagsak ito sa lupa.”Lola!” sabay nilang sigaw.
Dali-dali nilang itinayo ang matanda, tatawag na sana sila ng tulong upang maidala sa ospital ang matanda nang bigla itong magsalita.
“Huwag na mga ineng, ayos lang ako, saka wala rin akong pambayad sa doktor. Gutom lang ‘to,” sambit nito saka dahan-dahang lumapit sa basurahan at kinuha ang pagkaing tinapon kanina ni Melay, “Alam niyo ba, araw-araw ko kayong nakikita dito sa parke.
Palagi ko kayong inaabangan kasi alam kong may itatapon kayong pagkain. Yung tinatapon niyong pagkain, sayang kung walang kakain kaya kahit maunahan na ako ng mga langgam sa basurahang ‘yan, kakainin ko pa rin ‘yon!” ngiting-ngiting ‘ika ng matanda.
“Sana huwag niyo sayangin nang ganito ang mga pagkain niyo, buti ba kung lagi akong nakasunod sa inyo para may makinabang sa tira niyo. Marami kasing nagugutom at dalawa kayo sa mga masuswerteng taong nakakain ng masasarap na pagkain, sana huwag niyong sayangin,” dagdag pa nito saka patuloy na kumain, bahagya namang napaluha ang dalawa at tila natauhan sa kanilang pagiging aksayado sa pagkain.
Napagdesisyunan ng magkaibigan na huwag na pumasok sa trabaho noong araw na ‘yon, huli na naman sila at paniguradong bawas na ang sahod nila kaya naman naisip nilang lumabas kasama ang matandang ganoon na lamang nagbigay ng aral sa kanila.
Dinala ito sa kanilang inuupahang apartment saka ito pinaliguan. Binili rin nila ito ng mga damit sa ukay-ukay dahil nga sobra ng dumi ng kasuotan nito. Matapos nilang ayusan ang matanda, dinala ito sa pagupitan upang maayos ang sabog na buhok nito.
“A-ako ba talaga ‘to?” hindi makapaniwalang sambit ng matanda habang nakatingin sa salamin. Nakangiti namang tumango-tango ang dalawa.
Napagdesisyunan nilang patirahin na ang matanda sa kanilang apartment kaysa naman pagala-gala ito at walang makain dahilan upang lubos pa nila itong makilala.
Inabandona pala ito ng kaniyang mga anak na nasa ibang bansa na ngayon. Wala siyang makain o mahingian man lang kaya naisipan niyang maggala-gala araw-araw upang may makain.
‘Ika nila, wala na raw mas babait pa sa matanda. Tuwing umaga, gigising ito ng maaga upang mapaghandaan sila ng almusal, mainit na tubig panligo at pag-uwi nila, nakahanda ang hapunan. Minsan naman, mga damit na nakasampay ang bubungad sa kanila na labis nilang ikinakatuwa.
Simula noon, bukod sa hindi na nalilipasan ng gutom ang matanda, hindi na rin tinatamad kumain si Melay dahilan upang hindi na masayang kanilang mga pagkain.
Tila lalo namang napuspusan ng biyaya ang magkaibigan nang malaman ng kanilang boss na kinupkop nga nila ang matandang palaging nasa parke.
Tinaasan nito ang kanilang sweldo upang maipandagdag daw sa mga gastusin sa matanda. ‘Ika pa nito, “Ipacheck-up niyo si lola, ako na bahala sa gastusin. Palagi niyang nililinis ang kotse ko dati, ako naman ang babawi sa kaniya ngayon.”
Wala nang mas sasaya pa sa dalawang magkaibigan. Natuto na sila, nagkaroon pa sila ng isang lola na labis ang kabaitang taglay at tunay na maaasahan.
Huwag mag-aksaya ng biyaya dahil may mga taong kapos na pinapanalangin ang biyayang mayroon ka.