“Gel, huwag ka na kaya mangibang-bansa?” sambit ni Piolo sa kaniyang nobya, isang araw habang nag-aayos sila ng mga gamit nitong dadalhin papunta sa ibang bansa.
“Bakit naman? Ayos na lahat ng dokumento ko, babe. Pag-alis ko na lang ang hinihintay ko,” sagot ni Gel saka nilabas at pinakita sa nobyo ang kaniyang mga dokumento sa pag-alis partikular na ang kaniyang pasaporte.
“Siyempre, paano naman ako? Iiwan mo ako dito sa ‘Pinas? Habang ikaw nandoon at nagpapakasaya?” tugon ng kaniyang nobyo, nabigla naman siya dito.
“Anong nagpapakasaya? Tingin mo ba sasaya ako doon? Baka nakalimutan mo, ako lang mag-isang nandoon, wala akong kakilala, paano ako sasaya doon?” wika nga niya dahilan upang lalong tumaas ang tensyon ng kanilang pag-uusap.
“Kahit na, siyempre matutupad mo ang pangarap mong mangibang-bansa habang ako nandito at naghihintay sa’yo!” sumbat nito saka kinuha ang envelope na naglalaman ng kaniyang dokumento saka ito hinagis. Pinulot niya ang mga papeles at kinalma ang sarili upang paliwanagan ang binata.
“Babe, kailan ko ring kumita para sa pamilya ko,” sambit niya saka hinawakan ang kamay nito ngunit tila hindi ito umepekto sa nag-iinit na binata.
“Ewan ko sa’yo, kapag ‘yan tinuloy mo pa, maghiwalay na lang tayo!” sigaw nito matapos itulak ang kaniyang kamay saka padabog na umalis ng silid. Naiwan naman siyang mangiyakngiyak dahil unang beses niyang nakitang magkaganoon ang kasintahan.
Nabuo ang pagmamahalan ng dalawang magkasintahan noong nasa hayskul pa lamang sila. ‘Ika ng iba, lilipas rin ang kanilang pagmamahalan dahil nga bata pa sila noon, ngunit tila pinatunayan nilang nagkakamali sila dahil hanggang ngayong katatapos lamang nila makapagtapos ng kolehiyo, lalo pang lumalalim ang kanilang pag-iibigan at nangarap nang magpapakasal.
Ngunit dahil nga tapos na sila sa kolehiyo at kinakailangan nang maghanap ng trabaho upang makabawi sa kaniya-kaniyang pamilya, napagdesisyunan ni Gel na mangibang-bansa pagkat mas mataas ang palitan ng pera doon na sinang-ayunan naman ng kaniyang nobyo noong una ngunit tila ngayong malapit na siyang umalis, pinipigilan na siya nito.
Noong una palang, pangarap na talaga niyang maging isang nars sa ibang bansa. Alam ito ng kaniyang nobyo at suportado siya nito noong una. Kaya ganoon na lamang ang kaniyang pagtataka sa inaasta ng kaniyang nobyo ngayon.
Labis siyang nasaktan sa sinabi nito. Para ba kasing pinapapili siya nito sa pagitan ng kanilang relasyon at ng kaniyang pangarap.
Napansin ng kaniyang ina ang kaniyang pagkalungkot habang nasa sasakyan sila patungong airport. Ngayon na ang araw ng kaniyang pag-alis at hindi pa rin nagpapakita o tumatawag man lang ang kaniyang nobyo. ‘Ika nito, “Gel, kung mahal ka niya talaga, hahayaan ka niyang tuparin ang mga pangarap mo. Hindi naman kasi siya ang dapat mong gawing mundo. May sarili kang mundong dapat itaguyod,” sabay hawak sa kaniyang kamay dahilan upang bahagya siyang mapaiyak.
Doon na natauhan ang dalaga. Napagtanto niyang tama nga naman ang kaniyang ina, at wala siyang dapat ikaalala dahil kung mahal talaga siya ng binata, imbes na magalit at papiliin siya, susuportahan siya nito.
Napabuntong hininga na lamang siya bago bumaba ng sasakyan. Mahigpit niyang niyakap ang inang muli niyang makikita paglipas ng tatlong taon. Matagumpay na nakalipad patungong ibang bansa at nakapagtrabaho ang dalaga. Unti-unti na siyang nakaipon dahilan upang ganoon niya magampanan ang kaniyang responsibilidad sa naiwang pamilya sa ‘Pinas.
Masaya siyang makita ang mga itong maligaya sa kaniyang mga napapadala ngunit tila may kulang pa rin sa kaniyang puso. Hanggang ngayon kasi na isang linggo na lamang bago ang kaniyang pag-uwi, hindi pa rin siya kinakamusta man lang ng kaniyang nobyo.
Umuwi siya sa ‘Pinas na puno ng lungkot ang puso. Hindi niya alam kung dapat niya bang puntahan ang kaniyang nobyo o hayaan itong sumuyo sa kaniya dahil nga babae siya. Ngunit tila lahat ng kaniyang mga naiisip ay naglahong parang bula nang makita niya kung sino ang naghihintay sa kaniya sa labas ng airport.
“Labis akong nangulila sa’yo,” wika ni Piolo dahilan upang mapalundag siya dito at niyakap niya nang mahigpit. Iyak lamang siya nang iyak habang nakakuyabit sa kasintahang hindi man lang nakausap sa loob ng tatlong taon.
Habang nasa daan pauwi sa bahay nila Gel, doon na nakwento ng binata ang kaniyang mga pinagdaan.
Noong araw pala ng kaniyang pag-alis, sinusundan siya nito at hinihintay siyang tumawag. Nakita na lamang daw nitong pumasok na ang dalaga sa airport dahilan upang mapalabas siya ng sasakyan. Doon na siya nakita ng nanay ng dalaga at pinangaralan.
“Tama naman ang mama mo, dapat hayaan natin ang isa’t-isa na abutin ang ating mga pangarap. Alam kong maabot mo ang pangarap mo, kaya hindi ako nagpahuli, nagsikap ako na maabot ang pangarap ko, tingnan mo, o, isa na akong piloto,” sambit nito sabay napangiti nang makitang nakangiti sa kaniya ang dalaga, “Ngayong naabot na natin pareho ang sari-sarili nating pangarap, pwede bang yung pangarap naman nating dalawa ang tuparin natin?” tanong pa nito dahilan upang maiyak nang lubos ang dalaga.
Isinantabi ni Gel lahat ng sama ng loob, wika niya, “Mas mahal ko ang binatang ito kaysa sa lahat ng sama ng loob na naibigay niya sa akin!”
Hindi kalaunan, nagpakasal na nga ang dalawa. Wala nang mas sasaya pa sa kanila dahil bukod sa pareho na nilang natupad ang kani-kanilang pangarap, natupad pa nila ang pinangarap nilang pag-iisang dibdib.
Ang tunay na pag-ibig, hindi nalilimitahan. Lahat isasakripisyo, lahat hahamakin, mapagpalaya at puno ng pagpapatawad. Hindi kailangang mamili sa pagitan ng pag-ibig at pangarap, dahil kung tunay ‘yang pag-ibig, hindi ka pipigilan sa pag-abot mo ng iyong pangarap.