Inday TrendingInday Trending
Naglahong Mga Alaala

Naglahong Mga Alaala

“Criselda!”

Napatigil sa pagtutulak ng malaking push cart si Trina dahil sa lalaking kanina pa sunod nang sunod sa kaniya sa loob ng supermarket. Tiningnan niya ang lalaki. Gwapo ito, matangkad, at matipuno ang pangangatawan. Hindi niya kilala ito. Ang nakapagtataka, tinatawag siya nitong Criselda.

Ipinagpatuloy lamang ni Trina ang paglalakad at pagtutulak ng push cart. Nagtungo siya sa bahagi ng mga de-lata ngunit sinundan pa rin siya ng lalaki. Nakaramdam ng takot si Trina.

“Bakit mo ba ako sinusundan?” asik ni Trina sa lalaki. Lumapit ito sa kaniya.

“Criselda, hindi mo ba ako nakikilala? Ako ito, si Ramon. Ang asawa mo…” sabi ng lalaking nagpakilalang si Ramon.

“Teka lang muna kuya, hindi Criselda ang pangalan ko. Trina po ang pangalan ko. Nagkakamali po kayo, o baka kamukha ko lang. Kapag sinundan ninyo pa ako, tatawag na ako ng security guard,” pagbabanta ni Trina sa lalaki at umalis na siya. Nagtungo siya sa counter at binayaran ang kaniyang mga pinamili. Nakita niyang nakatingin pa rin sa kaniya ang lalaking nagpakilalang Ramon.

“Anong problema, Trina? Nahihilo ka ba ulit? Nanakit ang ulo?” nag-aalalang tanong ni Aling Elisa sa anak na si Trina nang makauwi ito.

“Medyo po ‘nay. Napagod lang ho ako siguro sa pamimili,” tugon ni Trina pagkatapos magmano sa nanay at maupo sa sofa.

“Sinabi ko naman sa iyo na huwag ka munang aalis ng bahay at baka mabinat ka. Tatlong buwan pa lamang ang nakalilipas simula nang maaksidente ka, Trina. Hindi ka pa dapat lumalabas ng bahay,” paalala nang nag-aalalang si Aling Elisa.

“Lalo akong magkakasakit, nanay, kapag nandito lang ako sa bahay. Saka kanina, may tumawag sa aking isang lalaki. Tinawag niya akong Criselda,” kuwento ni Trina kay Aling Elisa. Kitang-kita sa mukha ng ginang ang pagkabigla.

“A-anong pangalan ng lalaking tumawag sa iyo ng Criselda? Nagpakilala ba siya?” tanong ni Aling Elisa sa anak.

“Ra-Raul ba? Ramiro yata, o Ramon? Basta parang ganoon po,” nasabi na lamang ni Trina. Nakaramdam siya ng kaunting pananakit ng ulo.

“Kilala ninyo ho ba siya, ‘nay?” tanong ni Trina.

“Hindi. Hindi natin siya kilala. Mabuti pa’y magpahinga ka na at mukhang nahihilo ka na naman. Namumutla ka.”

Pumasok sa kaniyang kwarto si Trina at nahiga sa kaniyang kama. Tatlong buwan ang nakalilipas, isang aksidente ang kinasangkutan niya. Nabundol daw siya ng kotse ayon sa kaniyang nanay kaya na-comatose siya. Paggising niya, wala siyang maalala kahit ang kaniyang pangalan. Sa tulong ng kaniyang nanay at mga kaanak, unti-unting naibigay sa kaniya ang mga impormasyong kinakailangan niya upang maipagpatuloy ang buhay. Trina raw ang pangalan niya.

Unti-unting bumabalik at nagiging malinaw ang lahat kay Trina subalit marami pa rin sa mga detalye ng nakaraan ang hindi pa bumabalik nang buo sa kaniyang memorya. Sa tuwing sinusubukan niyang alalahanin ang lahat, nahihilo lamang siya at sumasakit ang ulo.

Nakatulog si Trina. Napanaginipan niya ang isang eksena: tumatakbo raw siya at hinahabol ng isang lalaki. Malinaw ang mukha ng lalaki. Sumigaw ito at tinawag siyang Criselda. Siya naman daw ay tumalon sa isang maruming tulay. Nagising si Trina.

Kitang-kita ni Trina sa kaniyang panaginip ang mukha ng lalaking humahabol sa kaniya. Ito mismo ang lalaking tumawag sa kaniya ng Criselda sa supermarket at nagpakilala bilang Ramon. Pumasok sa kaniyang kwarto si Aling Elisa at binigyan ng isang basong tubig ang anak.

“Anong nangyari sa iyo, anak?” nag-aalalang tanong ni Aling Elisa.

“Nanaginip po ako… nakita ko ang lalaking iyon sa panaginip ko, hinahabol niya ako. Si…”

Nahinto ang sasabihin ni Trina nang isang lalaki ang sumisigaw sa labas ng kanilang bahay. Nang silipin nila ito, ito ay si Ramon.

“Aling Elisa! Criselda! Papasukin ninyo ako…” nagwawalang sabi ni Ramon sa labas. Lumabas si Aling Elisa at hinarap si Ramon.

“Tigilan mo na ang anak ko, Ramon! Lumayo ka na sa kaniya,” matigas na sabi ni Aling Elisa sa lalaki.

“Hindi ako aalis dito hangga’t hindi ako nakikilala ng asawa ko,” sabi ni Ramon.

Hindi sinasadyang madulas si Trina na naging sanhi ng kaniyang pagbagsak at nabagok ang kaniyang ulo. Itinakbo siya sa ospital nina Ramon at Aling Elisa. Pagkamulat ng mga mata at nagkamalay, natatandaan na ni Trina ang lahat.

Ang tunay niyang pangalan ay Criselda. Nakita niyang may ibang babae si Ramon kaya nagtatatakbo siya ng gabing iyon. Hinabol siya ni Ramon. Hindi niya nakita ang isang kotseng paparating na bumangga sa kaniyang katawan.

Humingi ng tawad si Ramon sa kaniyang asawa at ipinaliwanag na hindi siya nagkasala o nagkaroon ng ibang babae. Pinagbigyan naman ni Criselda ang kaniyang asawa at muli silang nagkabalikan. Pinatunayan naman ni Ramon na mahal na mahal niya ang asawa at hindi ipagpapalit kahit na kanino.

Advertisement