“Hoy Weweng, magdala ka nga rito ng juice…” patungayaw na utos ni Tiya Chiquita sa batang si Weweng.
Inilapag ni Weweng, pitong taong gulang ang hawak na mabulang espongha upang pagdalhan ng orange juice ang kaniyang tiyahin.
Nakita niyang kumakain sina Tiya Chiquita at ang kaniyang pinsan ng paborito niyang pizza. Tinitingan ni Weweng ang pizza. Napakarami nitong keso at nakagugutom ang amoy nito. Napansin ng isa niyang pinsan ang tila nakatatakam na sulyap ni Weweng sa pizza.
“Gusto mo ba Weweng?” tanong ng isa niyang pinsan.
“Huwag ninyong bibigyan iyan. Para sa atin iyan. Sige na bumalik ka na sa loob at maghugas,” matigas na utos ni Tiya Chiquita sa pamangkin.
Takam na takam man sa pizza, walang nagawa si Weweng kundi bumalik sa kaniyang ginagawa.
Ulilang lubos na si Weweng kaya kinupkop siya ng pinsan ng kaniyang nanay na si Tiya Chiquita. Subalit hindi naging maganda ang pagtrato nito sa kaniya. Ginawa siya nitong alila. Hindi naman siya makaalis sa poder nito dahil hindi niya alam kung saan pupunta. Naging sunud-sunuran na lamang siya sa kaniyang tiyahin sa lahat ng mga gusto at iniuutos nito.
Sa murang edad ay natuto na sa iba’t-ibang mga gawaing bahay si Weweng tulad ng paglalaba, paghuhugas ng pinggan, pagwawalis ng bakuran, pamamalantsa at marami pang iba. Natuto na rin siyang magluto.
Isang araw, hindi sinasadyang mabasag ni Weweng ang isa sa mga paboritong baso ni Tiya Chiquita. Katakot-takot na pambubulyaw ang inabot ni Weweng. Bukod dito, sinabunutan at sinaktan din siya ng tiyahin. Hindi na ito natiis ng bata. Sa kalagitnaan ng gabi habang nahihimbing ang lahat, nag-alsa balutan siya at nagpagala-gala sa lansangan.
Naging tahanan ni Weweng ang lansangan. Natutulog siya sa mga establisyimiento na may ilaw at walang tao. Habang natutulog, isang ale ang nakakita sa kaniya.
“Bata, anong ginagawa mo rito? Naglayas ka ba?” tanong ng butihing ale kay Weweng.
“Opo. Sinasaktan po kasi ako ng tiyahin ko,” pag-amin ni Weweng.
“Mabuti pa’y sumama ka na sa akin. Doon ka sa bahay ko. Ako lamang mag-isa. Baka mapaano ka pa rito sa kalye,” sabi ng ale na nagngangalang Aling Susie.
Maayos naman ang naging pagtrato ni Aling Susie kay Weweng. Mag-isa lamang ito sa buhay. Isa itong tindera ng gulay sa palengke. Tumutulong si Weweng sa pagtitinda ng mga gulay sa palengke. Sinabi rin ni Aling Susie na pag-aaralin niya si Weweng upang makatapos ito ng pag-aaral at gumanda ang buhay.
Pinag-aral ni Aling Susie si Weweng mula elementarya hanggang high school. Nagkaroon ng gantimpala si Weweng kaya naman ipinasya niyang ipagpatuloy ang kaniyang pag-aaral sa kolehiyo. Bilang premyo, binilhan siya ni Aling Susie ng paborito niyang pizza. Halos maiyak naman si Weweng.
“Bakit ka umiiyak?” tanong ni Aling Susie kay Weweng.
“Naalala ko lang po mama… noong bata ako, paborito ko ang pizza. Lagi kong nakikitang kumakain nito sina Tiya Chiquita at ang mga pinsan ko. Pero hindi nila ako binigyan kahit isang piraso,” malungkot na kuwento ni Weweng.
“Hayaan mo na, anak. Diyos na ang bahala sa kanila. Kapag nakatapos ka ng pag-aaral, mabibili mo ang lahat ng gusto. Kahit marami pang pizza,” nakangiting sabi ni Aling Susie.
Nagpursige nga sa pag-aaral si Weweng. Kumuha siya ng kursong Business Management. Natapos naman niya ito subalit yumao naman si Aling Susie na nagpaaral sa kaniya at tumuring sa kaniya bilang isang tunay na anak.
Bilang pagtanaw ng utang na loob sa alaala ni Aling Susie, pinamahalaan niya ang dating puwesto nito sa palengke, pinalaki, at ginawang grocery store. Nakahanap din siya ng magandang trabaho. Nang makaipon, siya ay nagresign at nagtayo ng sariling negosyo. Naisip niyang magtayo ng sariling pizza parlor. Pinangalanan niya itong “Weng’s Pizza”. Pumatok naman ito sa publiko.
Isang araw, naisipan ni Weweng na bisitahin ang kaniyang tiyahin. Sa totoo lamang, wala siyang galit na naramdaman sa kaniyang tiyahin. Panatag ang kaniyang kalooban. Nakilala siya nito nang makita siya. Malaki ang itinanda nito. Niyakap siya nito habang humahagulhol.
“Patawarin mo ako Weweng sa mga nagawa ko sa iyo noong maliit ka pa. Sinisi ko ang sarili ko noong umalis ka sa poder ko. Sana mapatawad mo ako.”
“Wala na po iyon tita. Napatawad ko na po kayo,” nakangiting sabi ni Weweng. Dinala niya ang tiyahin sa kaniyang pizza parlor at ipinagmalaki rito ang kaniyang narating. Napagtanto ni Weweng na mahalaga ang pagpapatawad sa puso ng isang tao upang mamuhay nang matiwasay.