
Ang Makinilya ni Itay
“Itay, magkape po muna kayo…”
Ipinagtimpla ni Ramil ang kaniyang tatay na abalang-abala sa pagtipa sa kaniyang makinilya.
“Salamat anak, at may tinatapos lamang ako na manuskrito.”
Isang scriptwriter ang kaniyang amang si Mang Sol. Hindi ito marunong gumamit ng computer o laptop. Kahit may laptop naman, mas pinipili pa rin ni Mang Sol na magsulat gamit ang luma nitong makinilya. Tuwing gabi hanggang madaling araw kung magsulat ito kaya dinig na dinig ang mabilis nitong pagtipa sa makinilya. Tila naging musika na sa pandinig ni Ramil ang tunog ng takatak ng makinilya ng kaniyang ama. Nagsusulat ito sa para isang pocketbook.
Mahusay na manunulat si Mang Sol subalit binigyan ito ng ultimatum ng publikasyon na pinaglilingkuran nito. Hindi na raw kasi uso ang makinilya kaya kinakailangang matuto ni Mang Sol na gumamit ng computer o laptop. Matigas ang ulo ni Mang Sol. Ayaw niyang gumamit ng mga makabagong pamamaraan sa pagsusulat. Mas mabilis daw siya at nakapag-iisip nang mahusay kapag gamit niya ang lumang makinilya.
Pinagpahinga muna si Mang Sol sa pagsusulat hangga’t hindi raw siya magiging bukas sa ideya ng pagsusulat gamit ang computer. Kahit na ganoon, patuloy pa rin sa pagsusulat si Mang Sol. Kahit alam naman niyang hindi tatanggapin ang kaniyang mga isinulat dahil nakamakinilya, patuloy pa rin siya sa kaniyang ginagawa. Walang makapipigil sa kaniya sapagkat mahal niya ang pagbuo ng mga kuwento.
“Itay, gusto ninyo po bang turuan ko kayo kung paano gumamit ng computer o laptop?” pagmamagandang loob ni Ramil.
“Naku anak, kahit turuan mo ako, hindi ko gugustuhin. Mas mainam talaga ang paggamit ng makinilya,” matigas na tugon ni Mang Sol.
“Pero itay, iba na kasi ang hinihingi ngayon ng sitwasyon. Kailangan na po nating sumunod sa pagbabago. Itay… kailangan ko po ng pambili ng project. Nakakatakot po kasi na kung magpapatuloy pa po ang pamamahinga sa inyo ng publication, baka wala na po tayong kainin,” paalala ni Ramil sa ama. Si Ramil ay nasa huling taon ng senior high school na nasa strand ng HUMSS.
“Hayaan mo sila anak. Makikita rin nila ang halaga ko. Magtiwala ka sa akin. Hindi tayo magugutom. May sapat na ipon ako para masustentuhan ang mga pangangailangan natin sa susunod pang limang buwan. At bago pa mangyari iyon, pihadong nakabalik na ako sa trabaho,” paniniguro ni Mang Sol sa anak.
Habang nagpapahinga si Mang Sol, lihim na tiningnan ni Ramil ang manuskritong ginagawa ng kaniyang itay. Namamangha siya sa napakagandang kuwento na ginagawa nito. Sayang kung hindi tatanggapin ng publication dahil lamang nakamakinilya. Isang plano ang kaniyang naisip.
Upang hindi mahalata ng kaniyang itay, sa tuwing nagpapahinga o natutulog ito ay palihim na kinukuhanan ng larawan ni Ramil ang mga manuskrito gamit ang kaniyang cellphone. Pagkatapos nito, matiyaga niyang ita-type sa kaniyang laptop ang gawa ng ama. Balak niyang ipaprint ito at ipasa sa publikasyon upang tanggapin at muling makabalik sa trabaho ang itay.
Nagkasakit si Mang Sol kaya nahinto rin ito sa pagsusulat. Mabuti na lamang at natapos na nito ang kuwento. Agad na tinapos ni Ramil ang muling pagta-type ng mga manuskrito sa laptop. Inilagay niya ito sa isang flashdrive at pinaimprenta. Pagkatapos nito, ipinasa niya ang manuskrito sa publikasyong pinagtatrabahuhan ng ama. Nagustuhan naman nila ang kuwento kaya naman agad nila itong binayaran.
Nalaman ni Mang Sol ang ginawa ng anak.
“Anak, bakit mo naman ginawa iyon? Nakakahiya sa iyo. Hindi mo na dapat ginawa iyon dahil nakaabala pa sa iyo,” sabi ni Mang Sol sa kaniyang anak habang siya ay pinakakain nito ng arrozcaldo upang lumakas siya.
“Itay, sayang po kasi ang isinulat ninyo kung hindi mababasa ng iba. Proud po ako sa napakahusay ninyong imahinasyon. Sayang naman po kung itatago ninyo lamang iyon,” sabi ni Ramil.
Nang gumaling at lumakas si Mang Sol, isang desisyon ang ginawa niya.
“Anak, turuan mo akong gumamit ng computer. Siguro nga ay kailangan kong bawasan ang aking ego at makisabay sa hamon ng pagbabago. Naisip ko, walang mangyayari sa atin kung magpapatali ako sa nakasanayan ko na,” realisasyon ni Mang Sol.
Matiyaga namang tinuruan ni Ramil ang kaniyang itay sa paggamit ng laptop. Ilang araw lamang at natuto na rin si Mang Sol. Ipinagbigay-alam ni Mang Sol sa pamunuan ng publikasyon na marunong na siyang gumamit ng computer kaya pinayagan na siyang magsulat ulit.
Pinaghusay pang lalo ni Mang Sol ang pagsusulat alang-alang sa kaniyang mga mambabasa at anak na si Ramil.