
Huling mga Sandali ng Pagmamahal
Malaki ang galit ni Anita sa kaniyang ina. Bata pa lang kasi siya ay ipinaampon na siya nito sa ibang tao, para lang matawag itong dalaga. Ipinagbuntis kasi siya nito nang dalaga pa, sa murang edad na disisiyete anyos. Ayon ang mga impormasyong iyon sa kinilala niyang inang siyang nag-ampon sa kaniya. Ang kaniyang nanay Nelia.
Naging maganda naman ang buhay ni Anita noong malakas pa at nabubuhay ang mag-asawang umampon sa kaniya. Mahal na mahal siya ng kaniyang Nanay Nelia at Tatay Louie. Ngunit nang magsimulang magkasakit ang mga ito ay doon na niya naranasang maapi. Mayroon kasing mga pamangkin sina Nanay Nelia at Tatay Louie na pinatira ng mga ito sa bahay nila, at ang mga ito ang nagbigay ng matinding pasakit sa kaniya.
“Anita, pakibilisang maghugas. May paplantsahin ka pang damit doon sa taas. Aalis pa naman ako mamaya, kailangan ko na ʼyon,” makailang utos ng kaniyang pinsang si May kay Anita.
“O-oo, sandali lang at matatapos na ako rito,” naiiling namang sagot niya.
Kararating lamang niya galing sa palengke, ngunit tambak nang muli ng mga pinagkainan ang kanilang lababo. Samantalang naghilata pa ang mga pinsan niyang hilaw at nanunuod lamang naman ng TV. Mukhang mga busog na ang mga ito, dahil ubos na ang lahat ng almusal na iniluto niya at wala nang natira pa para sa kaniya.
“Anita, magluto ka na lang ulit ng itlog at bumili ka ng pandesal sa tindahan sa labas. Inubos na kasi ni Kuya Royet ang pagkain,” nakangising baling sa kaniya ni Jacob kapagdaka.
Hindi na pinansin pa ni Anita ang pinakabata niyang pinsan, dahil mukhang nang-aasar na naman ito. Nagsisimula na naman siya nitong buwisitin gaya ng palagi nitong ginagawa, araw-araw.
“Anita, labhan mo nga ʼyong uniform ko. Gagamitin ko ʼyon mamaya. Papasok ako sa trabaho,” utos naman ni Royet mayamaya nago ito pumasok sa trabaho.
Dahil kapos na sa oras ay minabuti niyang pagsabayin ang kaniyang pagluluto at pagpaplantsa. Dahil doon ay nasunog tuloy ang damit na ipinapaplantsa ni May! Galit na galit ito na nagawa pa siyang sampalin at sabunutan. Habag na habag sa kaniyang sarili si Anita.
“Tonta ka talaga! Mas mahal pa sa buhay mo ʼtong damit ko, ʼtapos sinunog mo lang? ʼYang mukha mo kayang ampon ka ang plantsahin ko?” galit na galit na sigaw ni May habang nakasabunot sa kaniyang buhok.
“Pasensiya na talaga, May. Hindi ko sinasadya! Pinagluto kasi ako ni Kuya Royet, e.”
“Ewan ko sa ʼyo! Nagdadalahilan ka pa. Salot kang ampon ka!”
Nang maghating gabi tuloy ay bakas na sa kaniyang mukha at leeg ang mga pasa at sugat na idinulot ng galit ni May sa kaniya.
Nag-isip nang mabuti si Anita nang gabing ʼyon. Hawak niya ang kapirasong papel na ibinigay sa kaniya ng kaniyang Tatay Louie bago ito mamaalam. Ito raw ang address ng kaniyang tunay na inang si Roselia. Gusto na niyang lumayas sa pamamahay na iyon kung saan niya kasama ang mga sakim niyang pinsang hilaw.
“Tao po!” tawag ni Anita sa labas ng gate sa nasabing adres nang marating niya ito.
“Sino po sila?” tanong naman ng dalagitang sumalubong sa kaniya.
“Dito ba nakatira si Roselia?”
“Ay, opo. Bakit po ninyo hinahanap si tita?”
“P-pakisabi, nandito si Anita. Iyong anak nina Nelia at Louie.” Biglang kumabog nang malakas ang kaniyang dibdib matapos tumalikod ng dalagita. Maya-maya lamang ay may akay-akay na itong matanda palabas ng naturang bahay.
“A-anita, anak ko!” bungad ng uugod-ugod nang si Roselia nang makita ang anak na si Anita pagkatapos ng dalawampuʼt isang taon. Niyakap nito si Anita at pinaunlakang pumasok sa kaniyang bahay.
Gustong-gusto nang sumabog sa galit ni Anita para sa ina dahil matagal na niya itong kinikimkim. Ngunit minabuti niyang manahimik muna at hayaan itong magsalita. Sa totoo lang ay nagtatakansiya sa ikinikilos nito. Ang ini-expect kasing mangyari ni Anita ay ipagtatabuyan siya ng ina dahil ayaw na ayaw raw nito sa kaniya, ayon sa kaniyang Nanay Nelia.
“Anak, ang tagal-tagal kong hinintay na makita ka at mahawakan. Ang tagal kitang hinanap sa kung saan-saan, kaya lang ay itinago ka na sa akin nina Ate Nelia at Kuya Louie. Nagtatrabaho ako sa kanila noon bilang kasambahay, nang iwanan kita saglit para puntahan ang iyong lola nang mga oras na iyon ay malapit nang malagutan ng hininga. Kaya lang pagbalik ko galing sa pagluluksa ay wala na sila at isinama ka.”
Nabigla si Anita sa naging eksplenasyon ng kaniyang tunay na inang si Roselia dahil ibang-iba iyon sa sinabi ng kaniyang Nanay Nelia. Gusto sana niyang magduda kung hindi lamang niya nakikita ang sinseridad sa mga mata ng ina at ang pagkasabik nitong makita siya. Buong buhay niya ay nagalit siya sa taong wala naman palang ibang ginawa kundi ang mahalin siya, at gusto niyang pagalitan ang sarili dahil doon.
Agad na napayapos si Anita sa inang napag-alaman niyang may iniinda nang malubhang sakit.
Nakasama ni Anita ang kaniyang ina sa mga huling sandali nito sa mundo. Mga sandaling kulang man ay punong-puno ng pagmamahal na hindi kailan man nagmaliw, kahit pa hindi sila nagkita nang mahabang panahon. Maaga mang nagkawalay ang mag-na ay masaya ang bawat sandaling naging magkasama sila. Si Anita ay minahal din ng kaniyang mga tunay na kaanak nang mawala si Aling Roselia at kailan man ay hindi na siya muling nag-isa.
Gaano man katagal mawalay sa ina ang kaniyang anak, mananatili ang pagmamahal nito sa kaniyang puso at dadalhin niya iyon hanggang sa kabilang buhay.