Inday TrendingInday Trending
Pabuya Para sa Bayaning Bata

Pabuya Para sa Bayaning Bata

Gabi na nang lumabas sa kaniyang opisina si Mr. Park, isang negosyanteng Korean National na naninirahan dito sa Pilipinas kasama ang kaniyang Pinay na asawa at ang nag-iisang anak na babae. Marami kasi siyang pinag-aralang papeles tungkol sa kanilang negosyo. Kaya naman minabuti niya nang mag-overtime ngayon sa opisina.

Likas na mabuti si Mr. Park, kaya naman nanaig ang awa niya sa kaniyang problemadong driver, dahil isinugod daw sa ospital ang anak nito. Kaya naman nagpasiya siyang pauuwiin na ito at suweldohan nang mas maaga. Ngayon ay kailangan niyang mag-drive pauwi. Ayos lang naman, dahil less hassle na kapag ganitong oras ka inabutan ng biyahe. Wala na kasing masiyadong mahabang traffic.

“My goodness!” anas ni Mr. Park nang masiraan siya nang hindi inaasahan sa gitna pa man din ng isang madilim na daan. Wala nang gaanong sasakyang dumaraan doon, dahil hating gabi na kaya wala rin siyang mahingian ng tulong.

“Boss, mukhang kailangan nʼyo yata ng tulong?” tanong ng isang lalaking may kalakihan ang katawan na bigla na lang lumapit kay Mr. Park.

“Oo sana, kuya. Nasiraan kasi ako, e,” sagot naman ni Mr. Park. Labing tatlong taon na siyang naninirahan sa Pinas, kaya naman ganoon na siya katatas managalog. Iyon nga lang, hindi maiaalis na may accent pa rin ang pagsasalita niya.

“Gusto nʼyo bang tingnan ko? Mekaniko kasi ako, e,” nakangisi pang dagdag ng lalaki.

Nagdududa man ay pumayag na lang din si Mr. Park dahil nahihiya naman siyang tanggihan ang tulong na alok nito.

Sasandali pa lamang na nakakatalikod si Mr. Park, nang bigla siyang hatakin ng lalaking may kalakihan ang katawan. Pagkatapos ay mabilis nitong naitutok sa kaniyang tagiliran ang isang matalas na bagay na hindi naman na nagawang tingnan ni Mr. Park dahil mabilis siyang binalot ng takot.

“Holdap ʼto. Akin na wallet at mga alahas mo,” bulong ng lalaki sa mismong tainga ni Mr. Park. Langhap na langhap tuloy ng kawawang estudyante ang mabahong singaw ng bibig nito.

Samantala, nang gabing iyon ay bumangon ang onse anyos na batang si Vilma mula sa pagkakahimbing sa ilalim ng tulay na kanilang tinutulugan kasama ang kaniyang pamilya. Nagutom kasi siya at naisipan niyang maghalungkat ng pagkain sa mga basurahan sa kalsada, dahil paniguradong may mga nagtapon na naman ng pagkain ngayong araw.

Nasa ganoong akto si Vilma nang mapansin niya ang isang lalaking may hawak na patalim habang nakatutok iyon sa isa pang lalaking mukhang balak nitong saktan!

“Holdaper siguro ʼto!” bulalas ni Vilma sa kaniyang isipan. Sa buong buhay niya kasi ay naging matagal siyang tambay ng lansangan kaya naman alam na alam niya na ang ganitong gawain ng mga tao. Naawa si Vilma sa kalagayan ng taong pinupuntirya ng kawatang ito. Naalala ni Vilma ang istasyon ng pulisya na malapit lang naman sa lugar na iyon kaya naman nagpasiya siya…

Kinuha ni Vilma ang tirador sa kaniyang bulsa at tinirador ang mukha ng lalaking holdaper!

“Aray!” Agad itong napahiyaw at pagkadakaʼy bumaling sa kaniyang direksyon. “Loko kang bata ka, ah!”

Kumaripas nang takbo si Vilma papunta sa pulisya nang hindi namamalayan ng holdaper habang hinahabol siya nito. Dahil doon, mabilis na nahuli ang kawatan at madali siyang nakalaboso!

Hindi alam ni Mr. Park kung papaano niyang pasasalamatan ang batang tumulong sa kaniya sa tiyak na kapahanakan. Agad niyang inalam ang buhay ni Vilma at napag-alaman niyang sa ilalim lamang ito ng tulay nakatira!

Gamit ang kaniyang yaman ay mabilis niyang naikuha ng sapat na laki ng bahay si Vilma at ang pamilya nito bilang kaniyang pabuya sa batang bayaning ito. Bukod pa roon ay pinangakuan niya rin ito ng isang full scholarship mula highschool hanggang kolehiyo!

“Maraming-maraming salamat po, Mr. Park sa malaking tulong na naibigay ninyo sa aming pamilya!” ang umiiyak na pasasalamat noon ng ina ni Vilma kat Mr. Park.

“Walang anuman iyon, misis. Sa katunayan nga ay ako pa ang dapat na humingi sa iyo ng pasasalamat dahil iniligtas ako ng anak mo.”

Napuno ng masisiyang pag-uusap ang paligid nina Mr. Park at ng pamilya ni Vilma. Tanda ng isang masaya at matatag na samahan.

Ang pagtulong ay walang pinipiling oras, lugar o pagkakataon. Anumang oras, kalamidad o problema ay kayang harapin basta manatili lang sa paggawa ng kabutihan. Darating ang panahon, masusuklian din ang lahat nang iyan.

Advertisement