Daddy, Mahal Ka Raw ni Mommy

Maagang kinuha ng langit ang asawa ni Jeffrey na si Amalia. Habang ipinanganganak nito noon ang kanilang anak na pinangalanan niyang Geo ay nagkaroon ng komplikasyon kay Amalia na naging dahilan para maaga itong bawian ng buhay.

Simula noon ay ibinuhos na ni Jeffrey sa kaniyang kaisa-isang anak ang buo niyang pagmamahal, pag-aalaga at suporta. Hindi na naisip pang muling mag-asawa ni Jeffrey, dahil para sa kaniya ay walang ibang babaeng makapapantay rito.

Cook si Jeffrey sa isang restaurant kaya naman kahit papaano ay maganda ang buhay na naibibigay niya sa anak. Ganoon pa man ay palagi niyang pinangangaralan ito kung papaanong makuntento sa kung ano lang ang kaya niyang ibigay upang hindi ito lumaking sutil at walang takot. Ang isang bagay lang na hindi kayang ibigay nang lubusan ni Jeffrey sa anak ay ang kagustuhan nitong palagi nilang pagkuwentuhan si Amalia.

“Daddy, pʼwede po bang ikuwento nʼyo sa akin si mommy?” minsan ay hiling ni Geo kay Jeffrey.

“A-anak, huwag na si mommy. Iba na lang pagkuwentuhan natin. Kasi nalulungkot si daddy kapag naaalala ang mommy mo, e,” pakiusap naman ni Jeffrey sa anak. Ayaw na ayaw kasi ni Jeffrey na masiyadong alalahanin ang pagkawala ni Amalia. Kahit kasi matagal nang panahon ang lumipas mula nang mawala ito ay grabeng sakit pa rin ang kaniyang nararamdaman kapag ito ay naaalala niya.

“Sige po, papa. Pʼwede po bang turuan nʼyo na lang akong magbasa?” iyon na lang ang palaging isinasagot ni Geo sa tuwing tatanggihan niya ang bata. Lumaki kasi itong napakamasunurin at maintindihin kahit sa edad pa lang nitong maglilimang taon.

Dumating ang panahong hindi na kailan man nagtanong si Geo tungkol sa kaniyang ina. Ngunit malaki ang pagtataka ni Jeffrey dahil madalas niyang marinig ang anak na ikinukuwento ang ina nito sa mga kalaro. Bukod pa roon, karamihan sa mga ikinukuwento nito ay tama. Iyong iba ngaʼy silang dalawa lamang ni Amalia ang nakakaalam.

“Anak, paano mo nalalaman ʼyong mga kwento namin ni mommy mo?” naitanong ni Jeffrey sa anak nang hindi na niya matiis ang kyuryosidad.

Advertisement

“Kinuwento po sa akin ʼyon ni mommy, daddy,” ang nakangiti namang sagot ni Geo sa kaniya.

Kinilabutan si Jeffrey sa narinig sa anak noong una kaya naman hindi na niya sinundan pa ang kaniyang tanong. Tumagal pa ang ganoong gawain ni Geo, hanggang sa halos araw-araw ay may sinasabi na ang bata tungkol sa kaniyang ina.

“Daddy, mahal ka raw ni mommy,” nasabi ni Geo sa kaniya na lalong nakadagdag sa kilabot na naramdaman ni Jeffrey. Sa isip-isip niya ay baka minumulto na siya ng kaniyang misis dahil ayaw niya itong banggitin sa anak. Kahit naman kasi sabihing mahal na mahal niya si Amalia ay hindi kayang ikaila ng kahit sino na wala na ito sa mundo.

“Anak, paano ba sinasabi sa ʼyo ng mommy mo ang mga ʼyan? Nakakausap mo ba siya? Napapanaginipan mo ba ang mommy mo?” sunod-sunod ang naging tanong ni Jeffrey sa anak na si Geo.

“Hindi po, daddy. Nababasa ko lang po ʼyon sa mga sulat ni mommy para sa akin. Hindi mo po ba nakita daddy, may iniwan pong mga diary si mommy. Mga sulat niya po sa akin noʼng nasa tummy nʼya pa lang po ako,” sagot naman ng anak.

Biglang nangilid ang luha ni Jeffrey sa narinig. Kaya pala palaging nagpapaturo sa kaniya ang anak na magbasa.

“A-anak, pʼwede mo bang ipahiram sa akin ang mga sulat sa’yo ni mommy?” nanginginig ang tinig na pakiusap ni Jeffrey sa anak.

“Oo naman po, daddy!”

Advertisement

Kumaripas nang takbo ang bata papunta sa kaniyang kwarto at kinuha ang mga notebooks na nakalagay pala sa lalagyan ng laruan ni Geo.

Tila muling nanariwa sa puso ni Jeffrey ang mga ala-ala nila ni Amalia, sa pamamagitan ng kaniyang anak. Bumuhos ang kaniyang masaganang luha. Ganoon pa man, mas lalong naintindihan ni Jeffrey kung papaanong magmahal ang isang ina. Mula sa mga sulat nito para sa anak na noon ay hindi pa nito nailuluwal ay mararamdaman kung gaano ito kasabik na makita si Geo.

“Di ba, daddy, sabi ko sa ʼyo, e. Love tayo ni mommy,” ang nakangiting sabi pa ni Geo kay Jeffrey habang patuloy siya sa pagbabasa ng mga sulat ni Amalia.

Simula noon ay ipinangako ni Jeffrey sa anak na hindi na siya kailanman maduduwag na alalahanin at ibahagi sa anak ang mga kailangan nitong malaman tungkol sa ina.