Inday TrendingInday Trending
Nasa Anino Lang Ako ni Ate

Nasa Anino Lang Ako ni Ate

Kakatapos lamang ng kolehiyo ni Ara at kasalukuyang siyang naghahanap ng trabaho.

“Oh my gosh! Kapatid mo ‘yung sikat na model? Hala magkamukha kayo!” saad ng HR na nag-iinterview sa kaniya.

Ngumiti naman siya sabay tango sa babae. Imbes na tanungin siya tungkol sa kaniyang mga nalalaman o anong kayang gawin ay mas napunta ang usapan sa kaniyang kapatid at kanilang pamilya.

“Pang anim ko nang interview ‘to ngayong araw, ni wala man lang nagtanong tungkol sa credentials ko. Ni hindi man lang napansin na matalino ako, bawat anggulo yata ng mukha ko ay sa kapatid ko na lang lagi ikukumpara,” pahayag ni Ara sa telepono habang kausap ang kaniyang matalik na kaibigan.

“Ikaw naman! Akala mo kung makapagreklamo ay bagong-bago sa’yo ang ganiyang reaksyon ng mga tao. Ano bang bago kung si ate mo ang nakikita nila, ganoon naman na noon pa ‘di ba? Kaya, imbes na kagalitan mo ‘yan ay ipagdasal mo na lang na tanggapin ka dahil sa kapatid mo,” sagot naman sa kaniya ni Isabell, ang matalik na kaibigan ng dalaga.

“Ayun na nga, hindi ba maalis sa’kin ang imaheng ‘yun? Hindi naman mukha ko ang dinala ko sa opisina nila kung ‘di ‘yung resume ko,” malungkot na wika ni Ara.

“Pero, sige na nga. Good news, tanggap ako sa lahat ng pinagpasahan ko,” dagdag na rebelasyon nito.

“O, e ‘di ikaw na! Kita mo na, sabi ko naman sa’yo may dalang swerte ang pagkakaroon ng maimpluwensyang kapatid,” banat naman kaagad ng kaniyang kaibigan. Ngumiti na lamang ni Ara sabay baba ng telepono.

Isa sa mga sikat na modelo ang kapatid ni Ara at sikat din ang babae sa Youtube world kaya naman kilalang-kilala na rin si Ara bilang kapatid niya ang babae. Hindi man niya gusto ang ganitong klase ng atensyon ay wala siyang magawa dahil magkamukhang-magkamukha sila ng kaniyang ate.

Lumaki siya na halos bawat galaw at pagkatao niya ay nasa likod siya ng kaniyang ate. Kaya naman ngayon na magtratrabaho na siya’y hiling naman ni Ara na makilala siya sa sarili niyang galing.

“Ate, may trabaho na ako. Salamat sa’yo,” bati ni Ara sa kaniyang ate nang makauwi ito sa kanila.

“O, bakit salamat sa’kin? Wala naman akong ginagawa o kinakausap,” sagot naman kaagad ni Darah, ang kapatid ng babae.

“Hindi ko na kasi kailangan pang ipakilala ang sarili ko, mukha ko pa lang kilala na nila ako. Hindi nga lang bilang ako, kung ‘di bilang kapatid mo,” pahayag ng babae.

“Kaya ayon, tanggap ako sa lahat,” dadag pa ni Ara sabay dabog nito sa kaniyang kapatid.

“Masama ba ang loob mo?” tanong ni Darah sa kaniya.

“Oo, ewan ko ba! Para kasing buong buhay ko na lang ay nabuhay ako sa anino mo. Parang sa tuwing titingnan ako ng mga tao ay hindi si Ara ang nakikita nila kung ‘di ikaw. Sana pala hindi na lang ako nag-aral kasi hindi ko naman na kailangan ng credentials dahil mukha ko pa lang ay uubra na sa mga tao. “Uy, kapatid mo ‘yung sikat na model!” sasabihin sa’kin. Tapos ako naman ‘tong si tango at ngiti,” baling ni Ara sa kapatid.

“Katulad ngayong araw, parang wala man lang nagtanong tungkol sa mga kaya kong gawin o ano ba ‘yung mga letcheng nakalagay sa resume ko. Mas tinanong pa nila kung ano beauty secrets natin, ang ganda raw natin. Ano na raw kasunod mong project!” dagdag pa nito.

“Hindi ko alam na ganyan lang ang tingin mo sa sarili mo. Alam mo bang proud na proud ako sa’yo? Palagi kitang pinagmamalaki sa mga katrabaho ko, kakilala ko na ‘Alam niyo ba ‘yung kapatid ko nakapagtapos na. Cum laude pa!” siwalat ni Darah sa kaniya.

“Pinagmamalaki ko sa lahat na mabuti na lang at hindi ka nagaya sa’kin. Kasi akala ko noon ayos na na maganda ako, na kikita ako sa itsura ko, na mabubuhay ako ng pagmomodelo at kung ano-ano. Nabubuhay naman ako, pero alam mo kung ano ang masakit na katotohanan? Ang kagandahan ko, ang kabataan ko, ang makinis kong mukha, ang ganda ko… Lahat ito, mawawala rin.”

“Lahat ng ito ay hiram lang sa edad ko, kasi kapag lomobo ka, kapag kumulubot ka ng kaunti ay mabubura ka na sa industriya. Pero ikaw? ‘Yang utak mo, ‘yang tinapos mo at ‘yang talino’t talento mo ay hindi ‘yan mananakaw sa’yo. Sana nakikita mo ‘yun, Ara,” malungkot na pahayag ni Darah sa kaniya.

“Kung maibabalik ko lang ang oras, kung may pagkakataon lang akong balikan ang nakaraan ay mas pipiliin ko ang mag-aral. Kaya ikaw, gamitin mo ‘yun para ipakilala ang sarili mo. Hindi ka nakatali sa’kin o sa anino ko dahil may sarili kang kredibilidad. Ikaw lang ang makakatulong sa sarili mo, hindi ako at hindi ang dinidikta ng ibang tao. ‘Wag sana ganyan kaliit ang tingin mo sa sarili mo, dahil sobrang hanga ako sa’yo, Ara,” sabi ng kaniyang kapatid. Doon na bumagsak ang mga luha ni Darah, tila nahimasmasan naman si Ara sa kaniyang narinig.

“Sorry, ate,” wika nito sabay yakap sa kapatid.

“Huwag kang mabubuhay sa sinasabi ng ibang tao. Bata ka pa, magsisimula pa lang ang totoong karera mo sa buhay kaya hindi pa huli ang lahat. Kaya ka natanggap hindi dahil kapatid kita, kung ‘di dahil magaling ka at nakikita nila ‘yun sa’yo,” bulong ni Darah sa kaniya sabay halik sa noo nito.

Tumango lamang si Ara at naiyak na lamang din sa narinig niya sa kaniyang ate. Ngayon mas nahimasmasan siya na hindi pala ang kapatid niya ang problema kung ‘di ang kaniyang kumpyansa sa sarili. Sinunod niya ang kaniyang kapatid at mas ginalingan pa sa trabaho. Hindi nagtagal ay napromote agad ito. Hindi bilang kapatid ni Darah kung ‘di bilang isa sa pinakamagaling at pinakamasipag sa kanilang opisina.

Advertisement