Inday TrendingInday Trending
Hindi Hadlang ang Kapansanan

Hindi Hadlang ang Kapansanan

Isinilang si Leya na maliit ang isang paa. Malambot iyon at nakabaluktot. Nang siya ay tumuntong sa edad na anim na taon ay ipinasuri siya ng kaniyang mga magulang sa mga mahuhusay na doktor sa lungsod maging sa ibang bansa.

Lumaki siya sa marangyang buhay kaya kahit magastos ang pagpapakonsulta sa labas ng bansa ay nagagawa pa rin ng kaniyang ama at ina na parehong mga propesyonal.

Ngunit nagulat sila sa naging resulta ng konsultasyon dahil ayon sa mga doktor na pinagtanungan nila ay wala na raw remedyo ang kaniyang kalagayan. Habang buhay ng magiging lumpo si Leya.

Dahil doon ay sobrang nalungkot ang mga magulang niya.

“Baka naman may iba pang solusyon? Maaari pa natin siyang ipatingin sa iba pang doktor sa Europa,” wika ni Alela, ang ina ni Leya.

“Inilapit na natin siya sa mga magagaling na doktor sa Asya at maging sa Amerika kung saan mas malawak ang kaalaman ng mga manggagamot ngunit iisa lang ang sinasabi nila. Wala ng pag-asa pang makalakad ang ating anak,” sagot ni Dimitri, ang ama ni Leya.

Nang sumapit ang ika-sampung taon ni Leya ay mas lalong naging mapanghusga sa kaniya ang mundo. Sa eskuwelahan kung saan siya pumapasok at nag-aaral ay lagi siyang tinutukso ng kaniyang mga kaklase. Maging sa simpleng paglalaro niya sa labas ng kanilang bahay ay tampulan din siya ng tukso ng mga batang kapitbahay.

“O, nandiyan na si pilantod! Padaanin ninyo!” tukso ng mga pilyong bata kay Leya.

“Hoy, Leya, habulin mo nga kami! Kapag nahabol mo kami ay isasali ka namin sa laro,” sigaw naman ng isa pang bata.

Sa kabila ng lahat ay hindi napipikon si Leya sa mga panunukso sa kaniya. Hindi siya umiiyak sa mga masasakit na salitang ipinupukol sa kaniya. Lumaki siyang matapang at matatag. Pinalaki kasi siya ng kaniyang ina na madasalin. Mayroon siyang malaking pananalig sa Diyos kaya naman nagawa niyang tanggapin ang kaniyang kalagayan ng maluwag sa loob niya.

“Leya, tinukso ka na naman nung mga bata, noh? Iyan talagang mga batang iyan walang magawang mabuti,” inis na sabi ng kaniyang ina nang makita siya nitong pauwi na sa kanilang bahay galing sa eskuwelahan gamit ang kaniyang wheelchair.

Mag-isa lang kasing pumapasok sa eskuwelahan at umuuwi sa bahay si Leya dahil ayaw niyang magpasama sa kaniyang mga magulang at kasambahay. Kahit na mayroon silang kotse ay mas gusto ni Leya na pumapasok gamit ang kaniyang wheelchair dahil kahit sa ganoong paraan ay gusto niyang maging normal ang buhay niya.

“Hayaan niyo na po sila, mama. Magsasawa rin silang tuksuhin ako,” sagot niya sa ina.

Habang nagdadalaga ay nahihilig naman si Leya sa musika. Nakakatugtog siya ng iba’t ibang instrumento. Marami ang humahanga sa taglay niyang galing sa pagtugtog.

“Wow, Leya, napakahusay mong tumugtog ng biyolin. Maging ang piyano at lira ay kaya mo ring tugtugin. Ikaw na talaga ang biniyayaan ng talento pagdating sa musika,” masayang sabi ng pinsan niyang si Rosana.

“Nakahiligan ko lang, pinsan. Masaya kasi ako kapag tumutugtog ako,” sagot niya rito.

“Naku, anak, nararamdaman ko na mas magtatagumpay ka sa larangan ng musika kung ipapasok ka namin ng papa mo sa eskuwelahan kung saan mas malilinang ang iyong kakayahan at talento,” sabi ng kaniyang ina.

“Talaga po, mama? Salamat po! Matagal ko na pong hilig ang pagtugtog ng mga instrumento kaya natutuwa po ako na pinapayagan niyo akong mag-aral ng tungkol sa musika,” tugon ni Leya.

Upang lalo pa siyang maging mahusay ay pinag-aral siya ng kaniyang mga magulang sa isang kilalang unibersidad na nagtuturo ng musika.

Doon ay natuklasan ni Leya na bagama’t mayroon siyang kapansanan ay sobra naman ang kaniyang talento sa larangang kaniyang pinili. Maraming mga guro sa musika ang humanga sa kaniya. Lahat ay gusto siyang maging estudyante.

“Napakahusay ng inyong anak. Isa siyang henyo sa larangan ng musika. Halos lahat ng instrumento ay kaya niyang tugtugin. Malayo ang mararating niya,” puri ng isa sa mga guro ni Leya kay Alela.

Makalipas ang ilang taon ay naging matagumpay nga si Leya. Isa na siyang kilalang piyanista. Nakarating na siya sa iba’t ibang bansa gaya ng Amerika, Italya at Pransya. Sa mga nasabing bansa siya tumutugtog at labis siyang hinahangaan ng mga tao roon dahil sa husay niya sa pagtugtog.

Naanyayahan din siyang tumugtog sa kaarawan ng pangulo ng Amerika at doon ay tinayuan at pinalakpakan siya ng mga kilalang tao sa lipunan dahil sa angkin niyang talento.

“Ipinagmamalaki ka namin ng iyong papa, anak!” masayang bati ng kaniyang ina.

“Napakasuwerte namin dahil mayroon kaming anak na kagaya mo,” sabad naman ng kaniyang ama.

“Marami pong salamat sa pagmamahal at suporta, mama, papa. Buo na po ako ngayon dahil alam kong may mga kaya rin pala akong gawin kahit ganito ang aking kalagayan,” masayang sabi ni Leya.

Hindi talaga hadlang ang kapansanan upang magtagumpay sa buhay. Gaya ni Leya. Habang buhay man siyang hindi makakalakad ay habang buhay naman na tatatak sa isip ng mga tao ang kaniyang hindi matatawaran na talento sa musika.

Advertisement