Inday TrendingInday Trending
Walang Forever!

Walang Forever!

Ibinaba ni Eula ang bintana ng minamaneho niyang kotse. Bukod kasi sa nakakahilo na ang aircon dahil ilang oras na siyang nasa biyahe ay mas masarap ang simoy ng hangin sa labas. Nasa probinsiya na kasi siya. Papunta siya sa bahay ng kaniyang best friend na si Tina.

Ito ang unang beses niyang makakarating sa probinsiya ng babae. Inimbitahan siya dahil fiesta raw sa kanila. Wala rin naman siyang gagawin at naaprubahan na ang leave niya sa trabaho kaya heto siya ngayon, makiki-fiesta sa probinsiya ng kaniyang kaibigan.

Nagkakilala sila ni Tina sa opisina at mula noon ay ‘di na mapaghiwalay pa ang dalawa. Alam nito ang kuwento ng kaniyang buhay mula sa paghihiwalay ng kaniyang mga magulang hanggang sa ilang beses niyang pag-iyak dahil sa pang-iiwan sa kaniya ng mga naging boyfriend niya.

Hindi rin lingid sa kaalaman ni Tina na nawalan na siya ng paniniwala sa pag-ibig. Para sa kaniya ay isa iyong malaking kalokohan. Pangit mang pakinggan pero isa siya sa mga naninindigan sa katagang ‘WALANG FOREVER.’

“Tuloy pa rin ang awit ng buhay ko. Magbago man ang hugis ng puso mo. Handa na kong hamunin ang ating mundo. Pagkat tuloy pa rin,” pagkanta ni Eula habang sinasabayan niya ang musika sa radyo ng kaniyang sasakyan.

Isinara niya ang radyo nang mag-ring ang kaniyang cell phone. Tumatawag si Tina. “Yes?” sagot niya.

“Ang tagal mo, girl. Beki ka ng taon. Nakadaan na sa tapat ng bahay namin ang karakol pero wala ka pa rin. Bilisan mo na! Nasaan ka na?” tanong ni Tina. “Hindi ko alam kung nasaan na ako basta maraming damuhan sa paligid at sariwa ang hangin. Siguro malapit na ko,” tatawa-tawang wika ni Eula.

“Fine. Tawagan mo ko kapag nasa plaza ka na at sasabihin ko sa’yo ang direksiyon papunta sa bahay namin. Kahit na kailan ka talaga! Nagpapaganda pa kasi. Balak yatang mangbingwit ng binata sa probinsiya,” biro ni Tina.

“Hindi, ah. Nagpapaganda ako para sa sarili ko. Tatanda na akong dalaga, noh. Ayoko na sa mga lalaki, ayoko na sa pag-ibig. Perwisyo lang ang mga ‘yan,” napapailing na sabi ni Eula.

“Grabe ka naman…” May sasabihin pa sana si Tina pero sumabat agad si Eula. “Hep! Alam mo na iyon. Sige na. Malapit na yata ako sa plaza.”

Tinapos na ni Eula ang tawag at ilang minuto pa ang nakalipas ay nasa plaza na nga siya. Sinabi ni Tina ang direksiyon papunta sa bahay nila at maayos naman siyang nakarating sa bahay nito.

Nakakatuwa kasi tipikal na lumang bahay ng Pilipino ang tirahan ng kaniyang best friend. Ayon kay Tina ay pag-aari raw iyon ng lolo at lola niya.

Ugali na rin daw ni Tina na dito magbakasyon kapag may bakanteng oras. Malayo sa stress na hatid ng buhay sa Maynila.

Abala sila sa pagkukuwentuhan nang biglang magtipon-tipon ang mga kamag-anak ni Tina.

Nakita ni Eula na inakay ng isang tiyuhin ng kaniyang kaibigan ang dalawang matanda. Ang lolo at lola ni Tina. Umupo ang lola ng kaniyang kaibigan sa bangko na may sandalang unan habang ang lolo naman nito kahit na hirap na hirap ay lumuhod.

“Anong ginagawa niya?” bulong ni Eula kay Tina. “Nagpo-propose,” kibit-balikat na sagot ng kaibigan.

Namangha si Eula habang pinapanood niya ang mga nangyayari.

“Eufrocina, Frecing ko. Nagmamakaawa ako ngayon sa harap mo. Pakasalan mo ako ulit. Mahal na mahal kita at handa akong patunayan iyon hanggang sa huli kong hininga,” madamdaming sabi ng lolo ni Tina.

Halatang nagulat ang lola ni Tina pero ilang sandali lang ay ngumiti ito at tumango. “Oo. Oo, magpapakasal ako sa’yo, Lorenzo.”

Pagkarinig noon ay nagliwanag ang mata ng lolo ni Tina. Inalalayan ito ng kaniyang anak na muling tumayo. Agad nitong niyakap ang kaniyang asawa at hinalikan ito sa noo.

Hindi naman namalayan ni Eula na nakangiti na pala siya.

Kinabukasan ay naging abala sila Eula at Tina na mag-ikot sa bayan. Bandang alas sais ng hapon nang nagmamadaling nagyaya si Tina na umuwi.

“Huy, ang aga pa. Menor de edad ka ba?” biro ni Eula. “Basta. Minsan lang ako nandito sa probinsiya kaya dapat ay lagi akong present sa mga mahahalagang pangyayari sa aking pamilya. Kailangan ako nina lolo at lola,” sagot ng kaibigan.

Wala namang nagawa si Eula. Sumama na lang siya sa kaniyang best friend.

Ganoon na lang ang pagkagulat niya nang pagpasok nila ng bahay ay pareho ng eksena kahapon ang kanilang nadatnan.

Nakaluhod ang lolo ni Tina habang hawak niya ang kamay ng kaniyang asawa. “Eufrocina, Frecing ko. Nagmamakaawa ako ngayon sa harap mo. Pakasalan mo ako ulit. Mahal na mahal kita at handa akong patunayan iyon hanggang sa huli kong hininga,” sabi ulit ng matanda.

Mas nakakawindang para kay Eula ang eksena kasi parehong-pareho ang reaksiyon ng lola ng kaniyang kaibigan kahapon sa reaksiyon nito ngayon sa tanong ng kaniyang asawa. Nagulat, sandaling nag-isip, nanlaki ang mata na parang may naalala tapos ay umiiyak na tumango. Muli din itong niyakap ng kaniyang asawa at hinalikan sa noo.

Minasdan ni Eula ang paligid. Ang mga anak ng dalawang matanda ay umiiyak din. Pati ang best friend niya ay nanggigilid ang luha sa mga mata.

May toyo ba ang pamilya ni Tina?

Nang humupa na ang palakpakan at nagmemeryenda na sila sa tabi ng bintana ay ‘di niya maiwasang tanungin ang kaibigan.

“Puwede bang malaman kung bukas ba ay magpo-propose ulit ang lolo mo?” Biro lang dapat iyon pero nagulat siya nang tumango si Tina. “Oo, pati sa susunod na araw. Araw-araw siyang magpo-propose sa lola ko,” seryosong sabi nito.

Hindi nakaimik si Eula. Si Tina naman ay napangiti.

“Walang topak ang pamilya ko,” natatawang sabi ni Tina na para bang nabasa nito kung ano ang tumatakbo sa isipan ng kaniyang kaibigan.

“Hindi ko pala nabanggit sa’yo na may sakit ang lola ko. Ulyanin na siya. Wala na siyang naaalala. Lahat kami ay hindi niya matandaan. Maging ang lolo ko. Noong una ay wasak na wasak ang puso ng lolo ko pero hindi siya sumuko. Araw-araw ay pinagtiyatiyagaan niyang magpakilala sa lola ko. Kunwari nakikipagkaibigan siya tapos liligawan niya. Tapos ayun. Pagdating ng dapit-hapon ay magpo-propose siya ng kasal tulad ng ginawa niya noong kabataan nila,” paliwanag ni Tina.

“Parang milagro naman na kahit na sandali lang ay bumabalik ang alaala ng lola ko. Natatandaan niya si lolo bigla at tinatanggap niya ang alok nitong kasal. Sulit na ang lahat ng paghihirap ni lolo sa buong maghapon,” pagpapatuloy ng kaibigan.

“Alam kong hindi ka naniniwala sa pag-ibig at hindi naman kita masisisi dahil hindi naging maganda ang iyong karanasan pero sana ay sapat ng patunay ang mga lolo at lola ko para maniwala kang may nakalaang tao talaga para sa atin. Hindi mo pa lang siguro natatagpuan ang taong nakalaan para sa iyo,” saad ni Tina.

Tulala si Tina. Puno ng paghanga ang kaniyang puso. Paghanga sa lolo ng kaniyang kaibigan na kahit na masakit ang pinagdaraanan nito ay araw-araw pa rin nitong ipinapaalala sa kaniyang asawa ang kanilang pagmamahalan.

Nagbago ang pananaw ni Tina sa pag-ibig at nagkaroon siya ng pag-asa. Napagtanto niya na hindi naman pala lahat ng relasyon ay nauuwi sa wala.

Malapad ang ngiti ni Tina nung bumalik siya sa Maynila.

Parang itinadhana naman na ilang araw matapos niyang bumisita sa probinsiya ng kaniyang kaibigan ay nakilala niya si Robert. Mabait ang binata, responsable at may respeto. Mabilis na nahulog ang loob niya rito at ngayon nga ay mag-asawa na sila.

Huwag susuko sa pag-ibig kahit ilang beses ka nang nasaktan. Inihahanda lang tayo ng Panginoon para kapag dumating na ang taong nakalaan talaga para sa atin ay buo na tayo. Ganoon naman kadalasan.

Advertisement