Inday TrendingInday Trending
Mommy at Daddy, Paminta Po Ako

Mommy at Daddy, Paminta Po Ako

Mabigat ang dibdib ni Henry nang sinimulan niyang i-dial ulit ang numero ni Eugene. Ilang beses na siyang tumatawag ngunit hindi nito sinasagot. Siguro ay nakulitan na rin ito sa kaniya kaya sa bandang huli ay wala na itong nagawa kung ‘di ang sagutin ang kaniyang tawag.

“Hello?” asik ng binata sa kabilang linya.

“Eugene, naman. Please talk to me,” nagsusumamong sabi niya rito.

Narinig niyang bumuntong-hininga ito. “About what?”

“About us,” sagot ni Henry.

Tumawa nang pagak si Eugene. “As if naman mayroong ‘us.’ Ni hindi mo nga ako maipakilala sa pamilya mo. Pagod na akong magtago, Henry. Ayusin mo muna ang sarili mo. Harapin mo muna ang takot mo bago ka pumasok sa isang relasyon. Nandadamay ka lang, eh.”

“Huwag namang ganiyan. Hindi ko kaya nang wala ka, Eugene. Bakit biglaan naman? Magsabi ka ng totoo. May iba ka na ba? Nakatagal ka naman ng one year na walang karekla-reklamo. Tapos ngayon ay magiging issue ang pagtatago natin…” Hindi natapos ni Henry ang kaniyang sasabihin.

“Okay, fine! May iba na. Oo, may iba na akong mahal. Masaya ka na ba sa narinig mo? Hindi niya ako tinatago. Ipinagmamalaki niya ako at kaya niyang ipagsigawan sa buong mundo kung gaano niya ako kamahal,” pagtatapat ni Eugene.

Hindi na nakapagsalita pa si Henry. Daig niya pa ang sin*ksak ng sampung beses. Hindi niya na nga namalayan na ibinaba na ni Eugene ang tawag.

Oo, isa siyang paminta. Ang damit at asta niya ay tigasin, lalaking-lalaki. Pero ang totoo ay mayroon siyang pusong babae.

Si Eugene ay katrabaho niya at ito ang kauna-unahang lalaki na nagpatibok ng kaniyang puso.

Noon kasi bagama’t alam na niyang malambot siya ay iniiwasan niyang umibig sa kapwa niya lalaki dahil natatakot siya na baka malaman ng kaniyang pamilya ang tunay niyang katauhan at itakwil siya ng mga ito.

Pero nang makilala niya ang binata ay nilamon niya ang lahat ng kaniyang agam-agam. Iyon nga lang ay ‘di niya pa rin maipagtapat sa kaniyang pamilya ang tungkol sa relasyon nila ni Eugene.

Napakahirap naman kasi. Siya ang panganay at ang nag-iisang anak na lalaki sa tatlong magkakapatid. Henry Jr. pa nga siya ng kaniyang ama na isang magiting na sundalo. Alam niya kung gaano siya ipinagmamalaki nito sa iba. Na tigasin nga raw siya at magiging isang mabuting haligi ng tahanan pagdating ng panahon.

“O, kuya, okay ka lang?” natatawang tanong ng kapatid ni Henry na si Helga.

Pinilit ni Henry na ngumiti. Kinusot niya rin ang kaniyang mga mata. “Oo. Napuwing kasi ako. Bw*sit kasi itong charger ko. Nahulog sa ilalim ng kama ko,” imbento niya.

Kumunot ang noo ni Helga. Tila hindi siya kumbinsido sa sinabi ng kaniyang kapatid. “Asus, brokenhearted ka lang yata, eh! Chicks ang dahilan, noh? Uy, ang kuya ko may jowa na. Ipakilala mo naman siya sa amin!” kantiyaw nito.

Mapait na ngiti lamang ang isinagot ng binata. “Ang kulit mo. Napuwing nga.”

“Sige. Sabi mo, eh. Halika na. Kakain na raw sabi ni mommy,” paanyaya ni Helga bago ito lumabas sa kwarto ng kaniyang kapatid.

Sinulyapan muna ni Henry ang kaniyang sarili sa salamin bago siya sumunod kay Helga.

Masayang kumakain ang pamilya ni Henry. Sige sa pagbibiro ang daddy niya na hindi puwedeng magpaligaw ang mga kapatid niyang babae dahil baka maunahan pa siyang mag-asawa ng mga ito. Siyempre dapat raw ay siya ang unang makapagbigay sa kanila ng apo.

Walang kaalam-alam ang pamilya ni Henry na labis na nagdurugo ang kaniyang puso. Sinisisi niya ang kaniyang sarili. Bakit ba kasi ipinanganak siyang ganito? Puwede namang ganap na lalaki na lang siya, ‘di ba? Para masaya na ang pamilya niya. Hindi na siya mahihirapang magtago. Maibibigay niya pa ang apo na hinahangad ng kaniyang mga magulang. Pero wala, eh. Pinagtripan siya ng tadhana.

Malungkot na bumalik sa kaniyang kwarto si Henry. Pakiramdam niya ay manhid na siya at wala nang patutunguhan pa ang kaniyang buhay. Isa siyang malaking kabiguan. Iyak siya nang iyak sa tapat ng salamin nang mahagip ng kaniyang mata ang blade na ginagamit niyang pang-ahit sa kaniyang bigote.

Nangangatog ang kaniyang kamay nang dinampot niya iyon habang humahagulgol siya ng iyak. Itinapat niya ang talim nito sa kaniyang pulso at idiniin niya ito sa kaniyang balat.

“Sorry po, mommy at daddy. Sorry, Eugene,” bulong ni Henry bago niya tuluyang hiniwa ang kaniyang braso.

Nanlaki ang kaniyang mga mata nang magsimula nang tumulo ang dugo mula sa kaniyang braso. Pagkatapos ay naramdaman niya ang hapdi mula sa hiwa na kaniyang ginawa. Unti-unting dumilim ang paningin ni Henry.

Pakiramdam ni Henry ay nananaginip siya. May naririnig kasi siyang nag-uusap sa kaniyang paligid. Dahan-dahan niyang idinilat ang kaniyang mga mata. Medyo nasilaw pa siya sa liwanag na nagmumula sa kisame.

“Ito na ba ang langit? Teka. Bakit sa langit ako napunta kung nagpakam*tay ako? Hindi ba dapat sa impiyerno? Bakit hindi mainit?” naguguluhang tanong ni Henry sa kaniyang isip.

Bumungad kay Henry ang nag-aalalang mukha ng kaniyang mga kapatid. Nasa tabi ng hinihigaan niyang kama ang kaniyang amang walang imik na nakatitig sa kaniya habang ang kaniyang ina ay walang tigil sa pag-iyak.

Sinubukan niyang igalaw ang kaniyang braso pero kumirot iyon. Nang sulyapan niya ang kaniyang braso ay nakita niyang may benda ito.

Hindi pala siya nat*gok. Ibig sabihin totoo ang lahat. Totoong buhay siya.

“Nak, bakit mo naman ginawa iyon? Bakit mo ‘yon ginawa?” hindi napigilang maitanong ng ina ni Henry.

Pagkarinig ni Henry sa tanong ng kaniyang ina ay bigla na lamang siyang napahagulgol ng iyak. “Patawarin po ninyo ako,” nangangatog na sabi niya.

Naisip ni Henry na ito na ang tamang pagkakataon para ipagtapat niya ang lahat. ‘Di naman siguro siya sasapakin ng kaniyang ama dahil may sugat pa siya at nakahiga pa sa kama.

“Patawarin po ninyo ako. Hindi ko na kasi alam ang gagawin ko. Hirap na hirap na akong magtago. Ayokong maging sanhi ng inyong kabiguan, ng kahihiyan mo, daddy,” panimula ng binata.

“Hindi kasi kita mabibigyan ng apo dahil ayoko sa babae. Hindi… Daddy, hindi po ako katulad ng iniisip niyo. Lalaki po ang gusto ko. Daddy, beki po ako,” hilam sa luhang sabi ni Henry.

Lumapit ang kaniyang ina at dalawang kapatid. Niyakap siya ng mga ito.

Ang kaniyang ama ay tahimik pa rin. Pinipigil nito ang pagtulo ng kaniyang luha. Alam ng binata na galit sa kaniya ang kaniyang ama.

Nang humupa na ang iyakan ay tsaka lang tumayo ang ama ni Henry. Lumapit ito sa binata.

“Kaya ka ba nagl*slas ay dahil natatakot ka na baka hindi kita matanggap?” matigas na tanong ng ama ni Henry. Hinawakan nito ang dalawang pisngi ng binata.

Tumango si Henry. “Patawarin mo ako, daddy. Akala ko po kasi iyon na lang ang tanging solusyon sa problema ko. Napakaduwag ko.”

Nagulat si Henry nang ngumiti ng mapakla ang kaniyang ama. Hinawakan ng kaniyang ama ang kamay ng kaniyang ina at tila nagkaunawaan ang dalawa.

Nagsimulang magkuwento ang ama ni Henry. “Alam mo ba na ang pakiramdam ko noon ay wala ng direksiyon ang aking buhay? Lasenggo ako noon. May ilang bisyo rin ako. Galit sa akin ang mga magulang ko. Naisip ko noon na tapusin na lang ang aking buhay. Tulad mo may hawak din akong blade at nang akmang hihiwain ko na ang braso ko ay nakarinig ako ng ilang katok sa pinto ng maliit kong apartment.”

“Naasar pa nga ako noon kasi naudlot ang pagwawakas ko sana sa aking paghihirap. Pagbukas ko ng pinto ay bumungad sa akin ang girlfriend ko noon, ang mommy mo. Sabi niya buntis daw siya. Pinalayas siya sa kanila,” kuwento ng ama ng binata.

Gulat na gulat si Henry sa kaniyang narinig.

Nagpatuloy sa pagsasalita ang kaniyang ama. “Lutang ako noon nung pinapasok ko siya sa loob ng aking apartment. Napasulyap ako sa sinapupunan niya. Ako? Nakagawa ako ng tao? Hindi pa rin ako naniniwala nung sumama ako nung nagpa-checkup siya. Pero nung narinig ko ang tibok ng puso mo, anak, doon sumampal sa akin ang katotohanan na isa na nga akong ama. May buhay nang nakadepende sa akin kaya ‘di ako puwedeng sumuko.”

“Ikaw, anak. Ikaw ang nagligtas sa akin noong araw na iyon. At ipinangako ko sa sarili ko na habang buhay akong magpapasalamat sa’yo. Mamahalin kita, tatanggapin kita kahit na ano ka pa, anak,” madamdaming pahayag ng ama ni Henry.

Tila may malaking tinik na nabunot sa dibdib ni Henry. Mahigpit silang nagyakapan ng kaniyang ama. Napakagaan ng kaniyang pakiramdam sa kaalamang tanggap siya ng kaniyang pamilya.

Bagama’t hindi siya binalikan ni Eugene pakiramdam ni Henry ay kompleto na ang kaniyang pagkatao dahil napaliligiran siya ng mga taong tunay na nagmamahal sa kaniya.

Kadalasan ang akala natin ay ‘di tayo mauunawaan ng iba kaya mas pinipili na lang nating itago at kimkimin ang ating mga nararamdaman. Pero alam niyo ba na ang pinakamagandang solusyon ay ang magsabi ng ating mga saloobin sa ating pamilya? Dahil palaging talo ang ano mang panghuhusga sa iyo ng iba kung ang sandata mo ay pag-ibig at ang iyong pamilya.

Advertisement