Parating Paespesyal at Late ang Dalagang Ito, Kaya Naman Isang Leksyon ang Magbabago sa Kaniyang Pag-uugali
Nasa ikalawang taon na ng kolehiyo si Ana at siya ang nangunguna sa kanilang klase, ubod ng talino ng dalaga ngunit katulad ng marami ay hindi rin ito perpekto dahil parati itong late at paespesyal sa grupo.
“Anak! Gising na! Sabi mo sa akin kagabi 7 am ang usapan niyo ng mga kaklase mo at gagawa kayo ngayon ng thesis diba? Bangon na anak! Alasingko na at kikilos ka pa!!!” sigaw ni Aling Jessa ang nanay ng dalaga.
“Ma, maaga pa! Mamaya na akong 7 kikilos para pagdumating ako doon ay kumpleto na sila. Hindi rin naman magsisimula yung mga iyon ng wala ako!” saad ng babae.
“Anak! Masamang ugali yan!” baling ng ina.
“Ma, ang tawag diyan ay filipino time! Hindi rin naman magsisidating yung mga iyon ng maaga at ayokong nag-iintay! Utak ko lang rin naman ang gagamitin mamaya kaya kailangan matulog pa ako! Aantayin ako ng mga iyon!” sagot pang muli ni Ana sa kaniyang ina.
Hindi na matandaan ng dalaga kung kelan pa niya natutunan ang ganoong uri ng ugali ngunit simula noong nagsunod sunod ang pagiging top one niya sa klase ay naging mainipin siya at mainit ang ulo. Gusto niyang laging nahuhuli sa mga ganap nila sa eskwelahan at kung maari pa nga ay yung inaantay muna siya bago magsimula ang programa o kung ano pa man.
Alas siyete na gumising ang dalaga at tsaka pa lamang ito kumilos papunta sa eskwelahan para katagpuin ang kaniyang mga kagrupo sa thesis.
“Nasaan kana Ana? 8 am na, wala parin tayong nasisimulan,” mensahe sa kaniya ng kaklase.
“Byahe na ako guys, sobrang traffic lang talaga!” sagot naman niya dito kahit ang totoo pa nga nito ay naglalakad palang siya palabas ng bahay.
Halos 10 na ng umaga nakarating si Ana sa eskwelahan at dalawang oras nalamang ang meron sila para makapag-usap at plano sa kanilang gagawing takda.
“Sorry guys! Sorry talaga! Akin na, ako na ang gagawa,” wika ni Ana sa mga kagrupo sabay labas ng kaniyang laptop at nagsimulang magtrabaho.
“Ana, ito oh nahanap namin kanina habang wala ka pa, baka makatulong,” sambit ni Lovely ang kaklase ng dalaga.
Saglit na tinignan ito ni Ana saka tinapon. Bukod sa pagiging late ng dalaga ay kina-iinisan rin siya sa kaniyang kayabangan paminsan-minsan. Halos hindi ito tumatangap ng ideya na galing sa ibang tao at kung minsan pa ay iinsultuhin lamang niya ang opinyon ng mga ito.
Hangang sa isang araw, hindi na nakatiis pa ang mga kaklase ng dalaga at sila na ang nagturo ng leksyon dito.
“Diyan na ba kayong lahat?” chat ni Ana sa mga kagrupo sa messenger.
“Oo dito na kami, ikaw na lang ang hinihintay,” reply naman ng isa.
“Sige, lapit na ako,” chat muli nito kahit ang totoo ay pasakay palamang ng jeep si Ana papunta sa eskwelahan at pagkalipas ng isang oras ay siya nakarating.
Nakita niyang nakaupo sa isang sulok ng library ang mga kagrupo at agad niya g nilapitan ito, katulad ng dati ay agad niyang kinuha ang trabaho ng mga kagrupo.
“Hindi na kailangan Ana, baka lang kasi hindi pa malinaw sayo. Iniiwan ka na naman! Ayaw ka na naming kagrupo!” wika ni Evelyn.
“Sawang-sawa na kami sa pagiging late mo at sa magmamanipula mo sa bawat isa sa amin, may utak kami at may pakiramdam. Marunong kaming masaktan,” dagdag pa ni Lovely kay Ana.
“Oh? Okay! Magsosolo na lang ako! Hindi ko naman talaga kayo kailangan e, bye!” mataray na sagot ni Ana sa mga kagrupo at agad siyang pumunta sa propesor para magbagao ng listahan sa kanilang thesis project.
“Prof, solo na lang po ako ha, tutal kayang-kaya ko naman mag-isa at isa pa iniwan ako ng mga kagrupo ko dahil hindi na nila matiis pa na maramdamang sobrang bobo nila, like hello? Kasalanan ko bang mas matalino ako sa kanila?” saad ni Ana kay Sir Edgar.
“Nakarating sa akin ang problema ng mga kagrupo mo at ang buong klase, akala nga inggit lang ang meron sila pero sa narinig ko mukhang totoo ng lahat ng sinasabi ng nakararami,” baling sa kaniya ng guro.
“Alam mong group thesis iyan kaya hindi ko tatanggapin ang solo. Kung hindi mo kayang bumalik sa mga kagrupo mo ay humanap ka ng ibang kaklase na tatanggap sayo,” dagdag pa ng lalaki.
“Pero kaya ko naman mag-isa, kahit dalawang thesis pa, sir!” wikang muli ni Ana.
“Alam mo hindi ko ginawa ang thesis para malaman kung sino ng mas matalino, ginawa ko iyon para matutunan niyong makisama sa ibang tao. Dahil pagkatapos niyong mag-aral, hindi talino ang magpapatagal sayo sa tuktok, kundi ang pakikisama mo sa mga taong nakapaligid sayo. Kung hindi mo kayang sumunod sa panuntunan ko pwede kang magdrop Miss Ana,” sagot ng propesor saka umalis.
Galit na galit si Ana sa sinabi ng guro, kaya agad siyang humanap ng kaklaseng makikigrupo sa kaniya. Sa huli, wala ng gusto pang makisama sa kaniya dahil daw sa sama ng kaniyang ugali.
Bumalik siya sa kaniyang dating grupo na umiiyak,
“Guys, paano niyo ba akong tatanggaping muli?” tanong ni Ana.
“Simple lang naman, ituring mo kaming tao at pantay-pantay lang tayo. Dumating ka sa tamang oras dahil hindi mo alam ang mga sakripisyo sa likod ng oras na sinayang mo,” saad ni Lovely.
“Magbabago na ako, patawarin niyo ako,” sambit ng dalaga.
Ngayon ay sabay-sabay silang nakapagtapos ng pag-aaral. Simula noon ay naging masinop na sa oras si Ana at natutunan niyang makinig sa opinyon ng iba at respetuhin ito.
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.