Sinaktan ng Binata ang Batang Puso ng Babae, Paglipas ng Panahon ay Naisipan Niyang Balikan Ito, May Pag Asa pa Kaya Siya?
Nag-iisang anak lamang si Jewel, plain house wife ang kanyang mommy habang seaman naman ang daddy niya. Dahil doon ay maginhawa ang buhay ng dalaga, kahit na anong pangangailangan niya ay malayang naibibigay ng kanyang mga magulang. Gayunpaman, hindi lumaking spoiled ang dalagita, marunong siyang tumulong sa gawaing bahay. Siya ang naghuhugas ng pinggan kapag walang pasok at kadalasan pa ay siya ang nagluluto.
Hindi rin masyadong halata na 13 years old pa lamang siya dahil mahubog na ang kanyang katawan, kaya naman grabe ang pag-iingat ng kanyang mga magulang sa dalagita. Maaari naman itong tumanggap ng manliligaw sa bahay, ang katwiran ng mga magulang niya ay kaysa sa labas siya ligawan. Pero tuwing may dadalaw namang binata, ang pakiusap ng mga magulang niya ay maghintay muna, umabot lamang siya sa tamang edad na 18 ay papayagan na siya ng mga ito.
“Ate Dinia, ilang timba po?” sabi ng boses ng isang binatilyo, agad namang inayos ni Jewel ang buhok sa harap ng salamin nang marinig iyon. Dali-dali siyang lumabas sa salas upang silayan ang lalaki..
Si Arkin.
Matagal na niyang crush ito, noong una ay alam niyang paghanga lamang ang nararamdaman niya rito pero nang tumagal ay lalong lumalala iyon. Mas matanda ito ng apat na taon sa kanya- 17 years old na ang lalaki. Medyo nagulat pa ito nang makita siya, tapos ay ngumiti.
“Uy, kumusta?” magiliw nitong sabi sa kanya.
Namula naman ang pisngi ni Jewel, “A-ayos lang..ikaw?” nahihiya niyang sabi.
“Ayos lang din, nabanggit ba ng mama mo kung ilang timba?” tanong nito. Kabaligtaran kasi ni Jewel, mahirap lang ang buhay nina Arkin. Nakatira ito sa squatter’s area malapit sa subdivision nila at bilang pagtulong sa magulang ay nag-iigib ito sa mga may kaya kapag wala itong pasok sa eskwela. Ang alam niya, scholar ang lalaki kaya walang binabayarang matrikula, pero sadyang nais pa rin nitong makapag-abot kahit kaunting pera kaya heto ito, nagpapakahirap.
“T-tatlo raw,” sabi niya.
“Sige, salamat.” sabi ng binatilyo at tumalikod na, bitbit ang tatlong timba ng tubig. Medyo napanguso naman si Jewel dahil nakaramdam siya ng pagkadismaya, sana, mapansin din siya nito bilang dalaga. Kung kausapin kasi siya nito ay para itong nakikipag usap sa isang bata, hindi na siya bata!
Naging madalas ang kanilang pagkikita dahil tuwing magpapaigib ang mommy ni Jewel ay nakaabang na siya para magpa-cute sa binatilyo, nahuhuli niya namang nakatingin rin ito sa kanya, minsan nga ay nangingiti pa pero mabilis naman itong iiwas kapag napansin nang nakatingin siya.
Isang hapon, naisipan ng dalagita na mag-bike sa labas ng subdivision. Nanghahaba ang leeg niya kakasilip kung daraan ba si Arkin kaya di niya napansin ang isang asong tumatawid, napakahol ang aso nang magulungan niya ang buntot nito. Buti na lang ay hindi siya kinagat, sumemplang nga lang ang kanyang bike at nasugatan siya. Medyo namutla pa ang dalaga nang makitang may dugo ang kanyang tuhod.
“Ayan kasi, bakit ba nandito ka ha, Prinsesa?”
Napalingon si Jewel at napakalakas ng tibok ng kanyang puso nang makita niya ang nag aalalang si Arkin. Inalalayan siya nitong makatayo at nang hindi siya makalakad nang maayos ay nagpasya ang binatilyo na ipasan na lamang siya.
“Nay, penge nga hong betadine,” sabi nito sa matandang babae, nakangiti ang ale sa kanya. Halatang mabait ito pati na ang mga kapatid ni Arkin na unang kita pa lamang sa kanya ay nais nang makipaglaro.
Nilagyan ni Arkin ng betadine ang kanyang sugat, “Aray ko, gusto lang naman kitang makita..” di niya napigilang sabihin. Gulat na napatingin sa kanya ang binatilyo, teka, pinipigil ba nito ang mga ngiti?
Kring! Kring!
Nagising si Jewel sa tunog ng kanyang alarm clock, hay, ilang beses niya kayang mapapanaginipan ang pangyayaring iyon? Iba siguro talaga ang tama ng first love. Walong taon na ang nakalipas, 21 years old na siya ngayon. Nagkaroon na siya ng dalawang boyfriend pero di nagtagal ang mga iyon, palagi niya kasing naikukumpara kay Arkin. Ewan niya ba, hindi naman niya naging boyfriend si Arkin pero parang mas minahal niya pa ito kaysa sa dalawang nakarelasyon.
Kahit iniwan siya nito noon, kahit sinaktan siya.. kahit harap harapang ipinamukha sa kanya na hinding hindi siya nito magugustuhan. Tandang tanda niya pa, tumakas siya noon sa bahay nila para lamang kitain ang lalaki. Malakas ang ulan na sinuong niya, iyon pala ay ipagtatabuyan lang siya nito.
“May girlfriend na ako, sa tingin mo ba talaga magugustuhan kita? Ayoko sa isip bata, ka-edad ko ang girlfriend ko kaya nagkakaintindihan kami,” wala siyang nagawa noon kundi tumakbo nang tumakbo habang umiiyak. Pag uwi nga sa bahay nila ay nilagnat siya. Ilang linggo siyang tulala at hindi makausap. Hindi niya masabing naka-move on na siya kay Arkin dahil mula noon ay di niya na nakita pa ang lalaki. Siguro ay nasanay na lang ang puso niya na tiisin ang sakit.
Hay, puro siya drama. Tumayo na siya dahil may importante siyang meeting ngayong araw. Pagkatapos ng trabaho ay may pupuntahan pa siyang blind date, pagbibigyan niya lang ang mommy niya na matagal nang nangungulit sa inirereto nitong lalaki sa kanya.
Mabilis lumipas ang oras sumapit ang uwian sa trabaho. Nag-text ang mommy niya na susunduin na lamang daw siya ng driver ng kanyang ka-date at wag na siyang mag taxi pa, ni hindi niya alam ang restaurant kung saan sila magkikita. Hindi safe ang ganito pero dahil nanay niya naman ang nagsabi ay napanatag siya, alam niyang hindi magde-desisyon ang mommy niya ng ikapapahamak niya.
Ang gara ng kotse na pumarada sa tapat ng building na pinagtatrabahuhan ni Jewel, pinagbuksan pa siya ng driver ng pinto. Tinanong niya ito kung saan sila pupunta pero ngumiti lang ang matandang lalaki.
Medyo napakunot ang noo ni Jewel dahil pauwi ang tinatahak nilang daan, “Eh manong, pinagtitripan ninyo yata ako. Pauwi sa amin ito eh?” tanong niya rito pero hindi ito ulit sumagot.
Na-wow mali yata siya ng mommy niya. Tatawa tawa si Jewel nang bumaba sa tapat ng gate nila, hindi pa nakakapasok ay nagsalita na siya, “Mommy pinagloloko mo ko, sabi mo may date eh pinasundo mo lang ako e-“
Hindi na niya natapos ang sasabihin nang makilala niya ang lalaking nakaupo sa salas nila. Bagong ahit ang bigote nito,at ang bangu bango tignan. Lumaki rin ang katawan nito at mas lalo itong tumangkad, si Arkin. Pero taliwas sa nakasanayan niya, hindi na maruruming T shirt ang suot nito- naka polo ang lalaki at maganda ang sapatos, halatang may kaya na sa buhay.
“Mabuti naman at safe kayong nakarating ni manong,” sabi nito, buong buo ang boses.
Hindi siya makapagsalita at hindi niya namalayan na naroon na pala ang mommy niya, “Jewel, blind date mo. Si Arkin, driver niya iyong sumundo sa iyo, kaya nga tiwala na ako.” nakangiting sabi nito.
“Ano to, joke?” sabi niya. Di niya maiwasang magtaray, sa totoo lang- galit siya. At bakit hindi? Matapos siyang ipahiya nito noon at itratong parang basura, haharap ito sa kanya ngayon? Bakit? Dahil ba mayaman na ito, feeling nito, pwede na siyang paglaruan ulit?
“Pakinggan mo muna siya anak,” sabi ng kanyang ina at bumalik na sa kusina. Promise, kung wala lang ang nanay niya ay nasapak niya na si Arkin. Ang lalo pa niyang ikinaiinis ay ang pagtibok ng puso niyang pasaway, tila sabik na sabik sa lalaki.
“Noong una kitang makita, nagandahan ako agad sayo. Pero sabi ko hindi, parang kuya mo na ako eh. Ang bata bata mo pa, pero para kang libag- hindi ka maalis sa sistema ko. At sino ba naman ako, isang pobre, para makatiis sa prinsesang tulad mo? Hindi ko napigilan, napalapit ang loob ko..minahal kita. Pero kasabay ng pag ibig ko sayo ay ang takot, anong buhay ang naghihintay sa atin? Ano ang maibibigay ko sayo? Nadagdagan pa iyon nang kung anu-ano na ang ginagawa mo para sa akin, pinupuntahan mo ako sa bahay.. maniwala ka, Diyos ko po, gustung gusto iyon ng puso ko. Pero hindi iyon ang tama para sayo, at ikaw ang pinakamahalaga sa lahat kaya kahit na mahirap ay kinailangan kong magdesisyon,” sabi nito.
Grabe ang puso ni Jewel, ang lakas lakas ng tibok. “P-pero sabi mo..may girlfriend ka na ka-edad mo, at bagay kayo..at ako ay isip bata.”
“Dahil wala na akong maisip na dahilan para palayuin ka. Kung sasabihin ko sayo ang totoo ay lalapit ka pa rin at alam ko sa sarili ko na hindi kita matitiis. Nasaktan din ako Jewel, pero ginamit ko iyon para maging inspirasyon ko na umunlad sa buhay. Ikaw ang pinaghuhugutan ko ng lakas ng loob. Sabi ko sa sarili ko, balang araw, maliligawan rin kita ng pormal dahil iyon ang nararapat sa’yo..ang hiling ko lang ngayon..sana bigyan mo ako ng chance?” sabi ng lalaki.
Nakasimangot si Jewel dahil pinipigil niya ang luha pero napangiti rin naman siya at tumango.
Tinupad ni Arkin ang pangako niya, niligawan niya ang dalaga at kalaunan ay sinagot rin naman siya nito. Ngayon ay abala na ang dalawa sa pag aasikaso sa kanilang nalalapit na kasal.
First love never dies, ‘ika nga.