Inday TrendingInday Trending
Itinigil ng Babae ang Paghahabol sa Lalaking Gusto Niya nang Malamang Mahirap Lang Ito; Hindi Niya Akalaing Mas Malala Pa Pala ang Kababagsakan Niya

Itinigil ng Babae ang Paghahabol sa Lalaking Gusto Niya nang Malamang Mahirap Lang Ito; Hindi Niya Akalaing Mas Malala Pa Pala ang Kababagsakan Niya

Si Margaux at Denise, dalawang kababaihan na may gusto sa iisang lalaki. Si Reece, ang lalaking kinababaliwan ng dalawang babae. Pero hindi tulad ng ibang kababaihan na nauuwi sa bangayan, siraan, sabunutan at pisikalan ang pag-aagawan nila sa atensyon ng lalaki, sa pagitan nilang dalawa, all is fair in love and war. Kaniya-kaniyang istilo, kaniya-kaniyang pamamaraan, matira matibay.

“Reece, balita ko bumagsak ka sa pagsusulit kanina. Gusto mo bang turuan kita?” Alok ni Margaux sa binata.

“Sa bahay na namin kayo mag-tutorial. Nang maipagluto ko si Reece ng special carbonara ko.” Singit ni Denise sa usapan ng dalawa.

Ang nagustuhan ni Margaux sa binata ay ang likas nitong kabaitan at pagiging magpagpakumbaba. Katangian na bihirang makita sa mga kalalakihan maliban na lang kung ikaw ang nililigawan nito o pakitang tao lang ang mga ito. Nagmula sa middle-class na pamilya si Margaux at isa siyang dalagang Pilipina. Pasimple siya kung magparamdam kay Reece. Hindi mo aakalaing ang kabaitang pinapakita ng dalaga ay dahil hinahangaan niya ito.

Mayaman, gwapo at sikat. Iyan naman ang naka-agaw ng pansin ni Denise. Katulad ni Margaux, nanggaling din siya sa middle-class na pamilya pero liberal siyang mag-isip. Sa isang tingin pa lang ay alam na kung sino ang napupusuan niyang lalaki. Isa lamang ang kaniyang bukang-bibig, ang pangalang Reece. Hindi na importante kung wala siyang nararamdaman sa binata basta magiging pabor sa kaniya kung siya ang magiging nobya nito.

Bago dumiretso ang tatlo sa bahay ni Denise ay nakiusap si Reece kung maaaring dumaan muna sila sa ospital.

“Tay, malapit ka na bang lumabas? Miss ka na ng anak mo. Wala nang bumabatok sa akin pag may ginawa akong kalokohan.” Bati ni Reece sa matandang lalaking naka-confine sa ospital.

“Ikaw talagang bata ka. Tigilan mo na nga ako sa mga biro mo.”

Ang tinatawag ni Reece na tatay ay hindi makikitaan ng kasyosalan sa katawan. Mukha itong mahirap pa sa daga. Ang buong akala ni Denise ay nagmula si Reece sa mayamang pamilya dahil palagi itong inihahatid ng isang magarang sasakyan. Ang akala niya ay drayber niya ang matandang lalaki. Iyon pala ay tatay ito ng binata. Malamang ay mabait ang amo ng tatay niya kaya pumapayag itong isabay niya ang anak tuwing ihahatid niya ang amo sa opisina.

Nawalan ng interes si Denise kay Reece. Kung noon ay siya ang habol nang habol sa binata, ngayon at todo iwas na siya dito. Pag niyayaya siya ng dalawa ng gumimik ay tinatanggihan niya ang mga ito at nagdadahilan na lamang.

Sa bandang huli ay lalong napalapit sina Reece at Margaux sa isa’t-isa habang si Denise naman ay may bago nang hinahabol na lalaki. Si Teddy, ang bagong lipat na estudyante.

“Denise, kaarawan ko sa Biyernes. Huwag kang mawawala, ah.” Paanyaya ni Reece kay Denise.

Hindi sa maliit na bahay ginanap ang kaarawan ni Reece kung hindi sa isang mansion na may malaking swimming pool. Ang nakahandang pagkain ay nagmula sa isang high-class na restaurant. Ilan sa mga imbitado ay mga kilalang mang-aawit at artista. Kahit saan ilingon ni Denise ang kaniyang mga mata ay puro mamahalin ang kaniyang nakikita. Nagkalat ang mga waiters sa paligid na walang tigil sa pagsisilbi sa mga bisita.

Isang tanong ang naglalaro sa isipan ni Denise, “Kung mahirap lang si Reece, bakit ganito ka-engrande ang kaniyang kaarawan?”

Nagawi ang mga mata niya sa mahabang mesa na puno ng malalaking regalo. Napabuntong-hininga siya habang ipinapatong ang maliit niyang regalo kay Reece.

Sa di kalayuan ay nakita ni Denise ang kaniyang nobyong si Teddy kausap ang ibang mga bisita. Walang nabanggit si Teddy na kilala niya si Reece. Sana ay sabay na lang silang pumunta ng sa ganoon ay hindi na siya nahirapan pang mamasahe. Pinuntahan niya si Teddy at nakisali sa usapan.

“Bakit hindi mo sinabi na si Denise pala ang nobya mo?” Bungad ni Reece nang lumapit ito sa kanilang kinauupuan kasama si Margaux, ang kaniyang nobya.

Nauwi sa mahabang kamustahan ang pag-uusap ng apat na magkakaibigan nang may naisipang itanong si Denise.

“Matagal na ba kayong magkakilala ni Teddy? Paano kayo nagkakilala?”

“Anak si Teddy ng dati naming drayber. Yung dinalaw natin sa ospital noon. Si Teddy na ang pumalit sa kaniya nung nagretiro na ito.” Paliwanag ni Reece sa kaibigan.

Itinigil ni Denise ang paghahabol kay Reece sa pag-aakalang anak lang ito ng isang drayber. Hindi niya inakalang mas malala pa ang kaniyang kababagsakan. Ang maging nobya ng drayber ng pamilya ng lalaking hinahabol niya noon. Pero ano pa ba ang magagawa niya kung hindi tanggapin ang maling pananaw niya sa pag-ibig. Lalo ngayong mahal na mahal na niya ang drayber niyang nobyo.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

Advertisement