Inday TrendingInday Trending
Mas Paborito ng Magulang ang Panganay Nilang Anak, Napansin Lamang Nila ang Bunso nang Isang Trahedya ang Naganap

Mas Paborito ng Magulang ang Panganay Nilang Anak, Napansin Lamang Nila ang Bunso nang Isang Trahedya ang Naganap

Para sa eighteenth birthday ni Cassy ay isang bagong sasakyan ang niregalo sa kaniya ng kaniyang mga magulang. Iyan ay dahil patuloy niyang binibigyan ng karangalan ang kaniyang mga magulang. Siya ang nagbibigay ningning sa kanilang mga mata.

“Pinayagan ka ba ng mga magulang mo?” Malungkot na iling ang tanging sagot ni Cammy sa matalik niyang kaibigan.

Si Cammy ang nakababatang kapatid ni Cassy. Kaarawan na niya sa susunod na linggo. Nagpaalam siya sa kaniyang mga magulang kung maaari ba siyang magkaroon ng isang simpleng birthday party. Balak niyang imbitahin ang sampu niyang kaibigan sa araw na iyon. Pero tinanggihan siya ng mga ito. Ipagdiriwang daw nila ang pagkapanalo ni Cassy sa isang nationwide quiz bee sa Palawan. At tulad nang nakagawian ay hindi na naman kasama si Cammy sa selebrasyon. Mag-isa niyang ipagdiriwang ang kaniyang kaarawan.

Hindi naman masamang kapatid si Cassy. Sa katunayan ay siya ang palaging nilalapitan ni Cammy pag hindi niya maintindihan ang kaniyang mga aralin. Hindi rin niya pinagmamaltratuhan ang nakababatang niyang kapatid kaya walang dahilan si Cammy para magalit sa kaniya. Pero ang lantarang pagkiling ng kaniyang mga magulang sa nakakatandang kapatid ang nagiging hadlang na maging malapit sila sa isa’t-isa.

Araw ng graduation ni Cammy. Sa unang pagkakataon ay gagawaran siya ng medalya, Complete Attendance Award. Hindi man ito kasing gara nang natatanggap ni Cassy pero maituturing pa rin itong isang karangalan. Inaasahan ni Cammy na ang kaniyang mga magulang ang magsasabit ng medalya sa kaniya pero hindi sila dumating. Nadatnan ni Cammy ang imbitasyon ng kaniyang mga magulang na selyado pa sa ibabaw ng lamesita sa loob ng kanilang kwarto.

Makalipas ang ilang taon.

“Cammy, pinag-takeout ka namin ng pagkain. Niyaya kami ni Cassy na kumain sa labas dahil may maganda daw siyang ibabalita. Magkakapamangkin ka na!” Masayang pahayag ng ina ni Cammy bago siya nito niyakap ng mahigpit. Hindi nito napansin ang mga malulungkot na mata ng kaniyang anak.

Maganda na ang posisyon ni Cammy sa kaniyang trabaho nung nagdesisyon siyang mag-resign. Mabuti na lang at mabait ang kaniyang boss. Imbes na mag-resign ay pinayagan siya nitong magtrabaho mula sa bahay. Masipag at maaasahan si Cammy sa trabaho at ayaw niyang mabawasan ng asset ang kompanya.

Nasangkot sa isang aksidente ang mga magulang ni Cammy. Napinsala ang kanilang mga binti. Matatagalan pa bago sila makalakad muli. Bagama’t may tampo si Cammy sa kaniyang mga magulang ay nagpresinta siyang maging tagapangalaga ng mga ito. Magulang pa rin niya ang mga ito at mahal na mahal niya ang mga ito. Hindi nga siya ang paboritong anak pero hindi rin naman siya pinabayaan ng mga ito. Hindi rin sila maaalagaan ni Cassy dahil maliliit pa ang mga anak nito.

Simula nung kinasal si Cassy ay bihira na lang niya binibisita ang kaniyang mga magulang. Mas naging madalang ito nung magkaanak na siya. Sa telepono at social media na lang niya kinakamusta ang mga ito, mga tatlo hanggang limang beses sa loob ng isang taon. Ipinaubaya na niya sa kaniyang kapatid ang pag-aaruga sa kanilang mga magulang. Nagpapadala na lang siya ng pera buwan-buwan bilang tulong sa kaniyang kapatid.

Nung nakabalik si Cammy mula sa banko para withdraw-hin ang pinadalang pera ng kapatid ay nadatnan niyang umiiyak ang kaniyang mga magulang sa sala habang tinitignan nila ang mga photo albums ng pamilya. Malungkot siyang tinignan ng mga ito bago pinalapit sa kanilang tabi. Naguguluhan man si Cammy sa nangyayari ay sumunod na lamang siya sa mga ito at tinanggap ang mahigpit nilang mga yakap.

“Patawad. Dalawa ang anak namin pero napabayaan namin ang isa. Ang daming nangyari sa iyo pero hindi kami naging bahagi nito. Iilan lang ang mga kuha mo na kasama kami. Pero panay kuha nung maliit na bata ka pa lang. Wala kaming kaalam-alam tungkol sa buhay mo. Maski birthday pictures wala din. Puro pictures lang na kasama namin ang ate mo.” Patuloy sa pag-iyak ang ina ni Cammy.

“Maaari mo bang ikwento sa amin ang mga nangyari sa iyo? Alam kong huli na ang lahat pero gusto pa rin naming malaman.” Pagmamakaawa ng ama ni Cammy habang pinupunasan niya ang luha ng kaniyang anak.

Hindi na pinalampas ng mga magulang ni Cammy ang pagkakataong maging bahagi ng kaniyang buhay. Araw-araw ay palagi nilang tinatanong ang anak kung ano ang mga pinagkakaabalahan nito. Bumili rin sila ng maraming photo albums na pupunuin nila ng maraming alaala kasama ang kanilang bunsong anak.

Advertisement