Hindi Inaasahan ng Lalaki ang Magiging Biyayang Kapalit ng Pagligtas Niya sa Babaeng Binabastos sa Bar
Punung-puno ang schedule ni Wally, pitong araw sa isang linggo. Tuwing umaga ay janitor siya ng isang malaking kompanya. Pagsapit ng hapon ay gasoline boy naman pagkatapos niyang mananghalian. Paglubog ng araw ay papasok siya sa panggabi na klase. Tuwing Sabado at Linggo ng gabi ay bouncer siya sa isang night club sa Makati.
“Wally, pagkatapos mong linisin yung 3rd floor isunod mo yung conference room, ah.”
Sipag at tiyaga ang puhunan ni Wally para makaahon sa kahirapan. Sapat lang ang sinasahod niya para sa pang-araw-araw na pangangailangan at pagpapagamot sa kaniyang mga magulang. Noong bata pa siya ay matindi ang naging hirap nila sa kaniya dahil sakitin siya noon. Ngayon ay pagkakataon na niyang suklian ang kanilang mga sakripisyo.
Kung siya ang tatanungin ay ayaw niyang tumanggap pa ng labada ang kaniyang ina ngunit malaking tulong din ang pinapasok nitong pera. Hindi na makapagtrabaho ang kaniyang ama dahil paralisado na ang kalahati ng katawan nito matapos nitong ma-stroke.
“Nay, masakit po ba ang likod niyo? Hayaan niyo po at mamasahiin ko.”
“Huwag na, anak, Magpahinga ka na lang. Ayos lang ako.”
Ang isang hindi gusto ni Wally sa kaniyang trabaho sa night club ay palagi siyang nakakakita ng mga binabastos na mga babae. Kung pwede nga lang niyang bugbugin ang mga mapagsamantala at walang respetong mga kalalakihan na ito ay matagal na niyang ginawa pero hindi siya maaaring gumawa ng anumang hakbang hangga’t walang nagrereklamo o walang kaguluhang nagaganap.
“Bastos! Pwede bang layuan mo ako!”
“Ano ba? Bitiwan mo ako! Nasasaktan ako!”
Dinig ni Wally ang malakas ng tili ng isang babae sa parking lot ng night club. Nang marating niya ang pinanggagalingan ng boses ay nakita niyang pilit ipinapasok ng lasing na lalaki ang isang babae sa loob ng kaniyang sasakyan. Tinulungan ni Wally ang babae at inilayo sa sasakyan pero bigla na lang siyang pinaghahabol ng suntok nung lalaki kaya wala siyang nagawa kung hindi bigyan din ito ng isang malakas na suntok. Dahil lasing na ang lalaki ay agad din itong nawalan ng malay.
“Kuya, anong pangalan mo?” Tanong ng babaeng tinulungan ni Wally.
“Wally, Wally Sarmiento.”
Hindi iyon ang huling pagkikita nina Wally at ng dalagang nagngangalang Samantha. Tinamaan ng matindi ang dalaga nung tinulungan siya ni Wally kaya madalas niya itong sadyain sa club para ligawan. Habang lalo niyang nakikilala ang binata ay lalong lumalalim ang paghanga at pag-ibig niya dito kaya’t hindi niya ito tinigilan hangga’t hindi niya nakukuha ang matamis na “oo” ng binata.
Sa huli ay napaibig din ni Samantha si Wally at napakilala na rin siya ng binata sa kaniyang mga magulang bilang kaniyang kasintahan.
Mag-iisang taon ng magkasintahan sina Wally at Samantha nang ipinakilala ng dalaga si Wally sa kaniyang ama.
Ang buong akala ni Wally ay mahirap lang si Samantha dahil simple lang itong manamit at walang kaartehan sa katawan. Sa katunayan ay wala itong reklamo kahit sa Luneta lang sila nagde-date habang kumakain sa turo turo at umiinom ng malamig na gulaman. Ni hindi nga niya nagawang ipasyal ang nobya sa mall o napakain man lang sa Jollibee o McDo. Hindi niya akalain na anak mayaman pala ang kaniyang nobya at ang tatay nito ang may-ari ng kompanya kung saan siya naglilinis tuwing umaga.
“Parang awa nyo na po, hayaan ninyong patunayan ko sa inyo na nararapat ako kay Samantha.” Pagmamakaawa ni Wally sa ama ni Samantha nung sinabihan siya nitong mag-resign sa trabaho.
Masakit man para kay Wally ay tanggap naman niyang hindi siya bagay sa dalaga, ano ang buhay na maibibigay niya rito sa ngayon? Di yata kaya ng puso niya na makitang naghihirap ang kanyang prinsesa. Maliban pa doon ay hindi siya pwedeng mawalan ng trabaho, kaya ang hiling niya ngayon, sana bigyan siya ng ama nito ng pagkakataon na manatili bilang janitor. Magsisikap siya, aahon siya.
“Ano bang pinagsasabi mo? Mahihirapan ka lang kung pagsasabayin mo ang pag-aaral mo bilang iskolar ng kompanya at pagtratrabaho mo bilang regular na empleyado kung hindi ka magre-resign bilang janitor, gasoline boy at bouncer. Isa pa alam ko namang mapagkakatiwalaan ka at hindi mo lolokohin ang anak ko. Regular customer kaya ako sa gasolinahan at night club na pinagtratrabahuan mo. Bilib nga ako sa kasipagan mo, eh.”
Parang tuod si Wally na tango lang nang tango sa bawat ipinaguutos ng tatay ni Samantha. Kung hindi pa siya nito niyakap ng mahigpit ay aakalain niyang nangangarap lang siya. Hindi niya aaksayahin ang tiwala sa kaniya ng kaniyang future byenan sa halip ay lalong siyang magpupursige ng lalo itong bumilib sa kaniya.
“Welcome to the family.” Bati sa kaniya ng ama ni Samantha.