Hinabol at Ginulpi ng Lalaki ang Nagnakaw ng Side Mirror Niya, Maling Tao Pala ang Kanyang Sinaktan
Medyo naiinis si Mark dahil kung kailang dis oras ng gabi ay saka pa naghanap ng saging ang misis niya, di naman siya makatanggi dahil naglilihi ito. Ayaw niyang pasamain ang loob ng babae dahil tiyak na hindi iyon maganda para sa kanilang anak na nasa sinapupunan nito. Kanina pa siya ikot nang ikot pero wala talagang nagtitinda, alas onse na ng gabi! Sino naman ang baliw na magtitinda ng saging? At senyorita pa ang gusto.
May pasok pa siya mamayang alas siyete ng umaga kaya sobra na ang sakit ng ulo ng lalaki isipin pa lamang ang puyat na kahaharapin niya, mukha kasing malayo pa siya sa katotohanan. Tuloy lang siya sa pagda-drive nang kanyang sasakyan nang mamataan ang isang convenience store, sinubukan niyang dumiretso pero walang parking doon dahil maliit ang space. Kaya naman umikot ikot pa siya konti sa lugar upang maghanap kung saan pwedeng iwan ang sasakyan, sana ay swertehin siya. Nakakita siya ng isang bakanteng lote, kaya lang ay medyo madilim doon.
Bahala na, sa isip isip niya. Basta makabili ng saging na senyorita at makauwi na. Sana, mayroon sa convenience store, kadalasan kasi ay puro lakatan lang ang naroon. Wala namang mawawala kung susubukan niya. Bumaba na siya ng sasakyan at naglakad na patungo sa tindahan, may kalayuan rin ang lugar kung saan siya nag park kaya medyo nagtagal siya.
Pagdating niya sa convenience store ay nalaglag ang balikat niya nang makitang walang senyoritang saging, puro lakatan nga. Bumili na rin siya, baka pwede namang pakiusapan niya ang misis na ito nalang muna at bukas na siya maghahanap. Hindi pa siya nakakalapit sa kanyang sasakyan nang matanaw niyang may tila gumagalaw sa gilid nito.
“Huy!” sigaw niya rito. Agad tumakbo ang kawatan na sinusubukan palang buksan ang kanyang bintana upang nakawan siya, hindi ito nagtagumpay roon, pero natangay nito ang kanyang side mirror.
Medyo madilim ang lugar kaya di niya naaninag ang itsura ng magnanakaw. Inilagay niya lang ang saging sa loob at dali dali siyang tumakbo para habulin ito. Dala na rin siguro ng pinagsama samang pagod at puyat ay uminit ang ulo niya, malilintikan talaga ito sa kanya pag naabutan niya.
Natanaw niya itong lumiko sa isang kanto kaya doon din siya nagtungo, hingal na hingal pa si Mark at akala niya ay di niya na naabutan nang matanaw niya ang isang lalaki na bitbit ang side mirror niya, pero pasalubong ito sa kanya ng takbo.
“Aba, mukhang lalaban,” bulong niya sa sarili. Lumingon siya sa paligid, walang tao roon bukod sa natapong basket ng mga balut, siguro ay tumakbo ang magbabalut dahil sa takot. Payat ang lalaki at maliit lang ang katawan kaya lumakas ang loob ni Mark, kayang kaya niya ang ulupong na ito.
Sinalubong niya ang lalaki at agad na sinuntok, mahirap na, baka may bitbit itong patalim at unahan pa siya. Napahiga ito kaya nakakuha siya ng pagkakataon na umibabaw at paulanan ito ng suntok sa mukha, galit na galit si Mark, “Hayop ka! tarantadong to, side mirror lang pinatos mo pa! Papakulong kita gago!” sabi niya. Tumayo si Mark nang makita niyang halos di na makatayo ang lalaki pero ganoon na lamang ang panlalaki ng mga mata niya nang mapansin niyang duguan ang tagiliran nito, may saksak ang lalaki. At sigurado siyang di siya ang gumawa noon.
Dahil sa konsensya ay di niya maiwan ang kawatan sa kalsada kaya isinugod niya ito sa ospital. Iniwan niya lamang ito roon at dumiretso na siya sa police station upang humingi ng kopya ng CCTV sa lugar kung sakaling mayroon man, mahirap na dahil baka siya ang pagbintangan sa saksak. Kasama niya pa ang misis niya habang nire-review ang pangyayari.
Ganoon na lamang ang pagkabog ng dibdib ni Mark nang mapanood ang CCTV. Iba ang lalaking nagnakaw sa kanyang side mirror, habang tumatakbo ito palayo ay nasalubong nito ang magbabalut na marahil ay sanay na sa ginagawa ng mga ito at alam na nagnanakaw na naman ito. Pinilit ng magbabalut na harangin ito dahilan upang matapon ang paninda ng lalaki sa kalsada, nakuha ng magbabalut ang kanyang side mirror pero nasaksak rin ito ng kawatan bago tumakbo palayo. Ang sinuntok ni Mark ay ang pobreng magbabalut at hindi ang magnanakaw!
“Diyos ko po!” sabi ni Mark. Agad silang bumalik ng kanyang misis sa ospital, nagamot na ang sugat ng magbabalut bagamat namamaga pa rin ang mukha nito. Nakaupo sa tabi ng kama nito ang isang buntis na babae, siguro ay nasa pitong buwan na ang tyan nito at wala itong tigil sa pag iyak.
“Pare, patawarin mo ako.” bungad niya rito.
Kahit na nahihirapan ay tumango lang ang lalaking nakahiga, “Wag mo lang sana akong ipakulong, wala akong ninanakaw pare. Pareho tayong tatay na naghahanap buhay lang, malapit nang manganak ang misis ko, hindi ako pwedeng mawala sa tabi nya..” sabi nito at sinulyapan pa ang tiyan ng misis.
Lalo namang nahabag si Mark. Nang gabing iyon ay naiinis siya dahil kailangan niya pang lumabas dahil sa paglilihi ng misis niya, samantalang ito ay willing na nagtitinda ng balut sa hating gabi para sa magiging mag ina nito- tapos ay nabugbog niya pa.
Para makabawi ay si Mark ang sumagot sa lahat ng gastusin sa ospital, inabutan niya rin ito ng pera para sa panganganak ng asawa nito.
Alam ni Mark na paglabas ng kanyang anak ay may mahalaga siyang aral na maituturo rito, huwag agad manghusga sa kapwa.