Binungangaan ng Matapobreng Babae ang Katulong ng Kapitbahay; Hindi Pala Basta-Basta ang Binangga Niya
Matagal nang nakatira si Brenda sa kanilang subdivision pero sa halip na dumami ang kaibigan ay kaaway ang naiipon niya. Masyado kasing matapobre ang babae, palibhasa ay nasa abroad ang kanyang asawa. Pinipili niya ang nais niyang kaibiganin at ang mga hindi makapasa sa standards niya ay chinichismis niya na lamang. Agad na napasilip si Brenda sa bintana niya nang mapansin niya ang isang truck na tumigil sa katabing bahay.
Malaki ang bahay na iyon, sa totoo lang ay matagal nang ibinebenta pero walang makabili dahil mahal. Maging siya man ay nag ambisyong bilhin iyon upang doon na tumira at itong kasalukuyan nilang tinitirhan ay gagawin na lamang paupahan, pero di pa sapat ang ipon nila ng kanyang mister. Tumaas ang kanyang kilay, mukhang big time ang bago niyang kapitbahay.
Nakita niyang bumaba roon ang isang babae kasunod ng mga lalaking taga-bitbit ng mga appliances. Aba, at talagang mamahalin ang tatak ng mga kagamitan sa bahay! Napangisi si Brenda, madadagdagan ang mga friends niya. Maya-maya ay may bumabang matandang babae, simple lang ang suot nito. Ah, baka katulong, sa isip isip niya.
Ang taray talaga, may kasambahay pa! Kinagabihan ay nagluto ng kare-kare si Brenda, syempre ay kailangan niyang magpa-impress sa kapitbahay. Iimbitahan niya itong maging sponsor sa kanilang project sa subdivision, siya kasi ang presidente ng home owners association. Pasilip-silip pa siya sa gate ng mga ito, pinipilit aninagin ang mga nasa loob.
“Ano ho iyon?” napapitlag pa si Brenda nang biglang sumulpot ang matandang babaeng nakita niya kanina, nagdidilig pala ito ng mga halaman.
“Ay kikay mo! Ano ka ba naman manang, nasan si ano.. yung babaeng nakatira rito?” sabi niya at tinitigan pa ito mula ulo hanggang paa. Bakit naman kaya kukuha nalang ng katulong ay matanda pa? Wala nang masyadong pakinabang, baka utusan pa lang na maglaba ay sumakit na ang likod nito.
“Ah, si Angie. Teka lang,” sabi nito at tumalikod na. Maya-maya pa ay lumabas na ang mas batang babae, takang-taka pa ito nang makita siya.
“Ano pong kailangan nila?” magalang na sabi nito.
“Hi neighbor! Welcome dito sa subdivision natin. Kare-kare, pa-welcome ko. Ako si Brenda, president ng home owners, ang samahan ng mga nakatira rito. May project kasi kami next month, baka gusto ninyong sumali,” sabi niya at iniabot na rito ang mainit-init pang ulam.
“Ay naku, thank you po. Tungkol dyan sa sinasabi nyong project, itatanong ko muna ho ah? Hindi ho kasi ako makasagot sa mga ganyan,” sabi nito.
Ah, baka itatanong pa sa mister. May mga babae talagang ganito, bawat kilos ay ikinokonsulta pa sa asawa.”Bakit itatanong pa? Ikaw talaga, parang friends na rin tayong lahat doon. Dito lang din naman sa loob ng subdivision yung mga activities natin kasi alam mo na, bawal ang outsiders. Balitaan mo ko ha?” sabi niya at di na hinintay pa ang sagot ni Angie.
Mula noon ay araw araw na siya kung magbigay ng ulam sa kapitbahay, buti nalang at si Angie na ang nagbubukas ng gate. Pag naman nasasalubong niya ang matanda ay iniirapan niya ito kahit nakangiti ito sa kanya, wala lang, nakakainis lang ang mukha. At saka alam niya namang nagfi-feeling close lang sa kanya ang katulong para may makubra. Sus, lumang style na iyon.
Isang araw ay nanghahaba ang leeg ni Brenda kasisilip sa bahay nina Angie, mukha kasing may kasiyahan. May mga dumating na bisita ito kanina na pawang mga naka-kotse, ang so-sosyal ng suot at may mga dalang bagahe. Parang galing abroad, baka mga kapatid ito ng babae. Di na siya nakatiis kaya pumunta na siya sa tapat ng gate ng mga ito, marahil ay busy si Angie dahil ang matanda na naman ang sumalubong sa kanya.
“Si Angie?” tanong niya rito.
“Naghuhugas ng pinggan ineng, pasok ka,” anyaya nito sa kanya.
“May question lang ako sayo manang, bakit si Angie ang naghuhugas ng pinggan? Hindi ba dapat ikaw? I mean, sayang ang pinapasahod sayo ng amo mo kung tutunganga ka lang. Dahil ba old kana? Kung yan ang dahilan mo edi sana hindi ka pumasok sa ganyang trabaho. At pwede ba tigilan mo na ang pakikipag-usap sa akin, di ako nakikipag-friends sa mahirap. Yung amo mo, yun ang kakapitan ko kasi mayaman siya-not like you. At kung susubukan mong magsumbong go, tignan natin yung maniniwala sya sayo. Baka matanggalan ka pa ng trabaho, mas may credibility ako.” nakangisi niyang sabi.
Hindi pa man nakakasagot ang matanda ay lumabas na ang mga bisita mula sa loob dahil narinig nila ang usapan, lahat ito ay nakakunot ang noo. Maya-maya pa ay nasa likod na ng mga ito si Angie kaya nag iba ang timpla ni Brenda, bigla siyang bumait.
“Angie, sinermunan ko lang itong maid mo kasi pinagtatrabaho ka sa bahay. Syempre ayaw ko naman na may kaibigan akong naaagrabyado kaya I’m doing you a favor na,” nakangiting wika niya.
“What is this woman saying? Bakit niya sinasabing maid si Mom? Angie, ano to?” sabi ng isang sosyal na babae. Naguluhan naman si Brenda sa mga pangyayari, nanlaki ang mata niya nang linawin ni Angie ang lahat.
“Ate, hindi po katulong si Madam. Ako po ang katulong, amo ko sya. Hindi ko po alam na iniisip nyo palang ako ang may-ari ng bahay. Hindi lang talaga pala-ayos si Madam..ayan po sila lahat, mga amo ko. Anak po sila ni Madam Lily..” sabi nito sa kanya, tila tinatantya ang kanyang reaksyon.
Hindi naman nakasagot si Brenda, tulala lang harap ng mga taong nakatingin sa kanya. Hindi niya alam na pensyonada ang matanda at ang lahat ng mga anak nito ay malaki na ang sahod sa Amerika kaya nasa bahay na lamang ito. Muling nagsalita si Angie, “Ate Brenda, tungkol po pala doon sa imbitasyon nyo, si Madam Lily nalang po ang tanungin nyo-“
Sa sobrang pagkapahiya ay tumakbo nalang si Brenda papasok sa loob ng bahay niya. Napangiti nalang ang ilang kapitbahay na nakasaksi sa pangyayari. Palibhasa ay walang kaibigan si Brenda kaya walang nakapagsabi sa kanya na hindi katulong ang matanda.
Sa wakas, nakahanap rin ang babae ng kanyang katapat.