Madalas Magsalita Mag-isa ang Bata; Napaiyak ang Ina nang Sabihin ng Anak Kung Sino ang Kausap Nito
Nagtatrabaho sa isang call center si Ginalyn, paiba-iba ang kanyang schedule, kadalasan ay panggabi kaya naman madalas na hindi niya nakakasama ang nag-iisang anak na si Kyle. Mabuti na lamang ay maaasahan niya ang kanyang ina sa pag-aalaga sa apat na taong gulang na bata. Ang mister ni Ginalyn ay nasawi sa isang aksidente habang nasa tiyan niya pa lamang ang bata, kaya mag-isa na lamang siyang kumakayod ngayon para sa anak, pabor din naman iyon sa kanya. Ayaw niya kasing napag-iisa dahil naaalala niya ang kanyang mister, lalo pa at kamukhang-kamukha ito ni Kyle.
“Hindi, next year mag-school na ako sabi ni Mommy. Marunong na nga ako magbilang ng 1 to 10 eh. 1..2…3…4..” sabi ng bata habang naglalaro ng kanyang kotse.
Napangiti naman si Ginalyn nang marinig ang anak, natutuwa siya dahil sobra ang imagination ng kanyang anak. Mahilig itong magsalita na para bang may kausap, kahit ang totoo ay palagi lamang itong mag-isang naglalaro. Hindi siya nababahala, baka sabik lang kasi sa kalaro si Kyle.
“Kyle, after 5 minutes sleeping time na ha anak?” sabi niya rito.
“Sige po mommy,” sabi ng bata, pagtalikod ni Ginalyn ay muli itong nagsalita, “Sleep na raw sabi ni Mommy. Tabi tayo ulit ha? Natutulog ka ba? Ang ganda ng buhok mo, siguro ganyan pag girl. Ako kasi palaging maiksi kasi boy ako.” sabi nito.
Lumipas ang mga buwan na walang pagbabago sa bata, kahit ang lola nito ay napapansin ang madalas na pagsasalita nito.
“Nay, talaga lang hong madaldal si Kyle siguro kasi walang nakikitang ibang bata kaya nag-iimagine na lamang siya na may kalaro.” sabi niya sa nanay niya, kinausap na kasi siya nito tungkol doon dahil nag-aalala na ito sa apo.
“Iyon na nga Ginalyn. Hindi mo ba naisip na baka kailangan naman ng anak mo ng oras? Aba eh kailangan pa bang ibang bata kung pwede namang ikaw na nanay niya ang kalaro niya?”
“Alam nyo namang hindi ko pwedeng umabsent sa trabaho, para rin kay Kyle ito. Sa school niya, gusto kong ibigay ko sa kanya ang lahat nay.” paliwanag niya sa ina.
“Naroon na tayo. Pero gusto ko lang ipaalala sayo Ginalyn na hindi lang ikaw ang nawalan, siya rin. Kaya wag mong ilugmok ang sarili mo sa kalungkutan, alam ko namang nagpapakaabala ka para hindi mo na maalala ang-“
“Nay. Tama na po, okay lang si Kyle.” sabi niya at tumayo na sa hapag, hindi niya na nais pang marinig ang kasunod na sasabihin ng nanay niya. Hanggang ngayon ay di pa rin siya handang pag usapan ang aksidente.
Excited na nag aayos ang mag ina ng gamit sa eskwelahan dahil sa isang linggo ay pasukan na sa kinder, ang saya saya ni Kyle kaya tinabihan niya pa ang kanyang ina habang nagsasalansan ito ng notebook niya.
“Ayun o, kita mo yung notebook ko. Kulay green, mayroon pa akong isa kulay blue rin. Binili namin ni Mommy at Lola sa mall. Pagkabili namin kumain kami ng chicken at french fries. Syempre naman! Pwede kang sumama. Miss mo sila? Miss ka rin siguro nila,” sabi ng bata.
Doon napalingon si Ginalyn, hindi na niya napigil ang sarili kaya nagtanong na siya sa anak.
“Anak sino ba iyang friend mo? Yang car?” sabi niya at inginuso pa ang hawak-hawak nitong laruang kotse.
“Mommy! Toy po ito eh, hindi ito magsasalita.” natatawang sabi ng bata.
“Eh sino pala ang friend mo?”
“Hindi ko siya friend mommy, kapatid ko sya.” inosenteng sabi ng bata habang nilalaro pa ang gulong ng hawak nitong kotse. Hindi nakasagot agad si Ginalyn, sumosobra na nga yata ang pag-iimagine ng kanyang anak.
Nagtuloy naman sa pagsasalita si Kyle, “Ate ko siya mommy. Si Ate Keira, seven years old siya. Kalaro ko sya lagi kasi busy ka raw sa work po para may money tayo.”
“A-anak! Sinabi ba iyan ng lola mo sayo?” malakas ang kaba sa dibdib ni Ginalyn at tinignan niya sa mata ang bata.
Umiling ito, at doon ay muling nagpaliwanag, “Hindi po. Hindi nga rin siya nakikita ni Lola eh. Si Ate Keira, seven years old dati tapos ako 0 years old daw kasi nasa tyan palang ako. Nagda-drive daw si daddy noon kasi magsu-swimming kayo tapos may nakasalubong kayong big bad truck kaya nabangga ang car nyo. Sabi ni Ate hug nya raw ako noon kasi love na love niya ako.”
Tuluyan nang napaluha si Ginalyn. Naalala niyang muli ang aksidente, isine-celebrate nila noon ang ikapitong kaarawan ng kanilang panganay na si Keira, hiling ng bata na mag-swimming sila kaya pinagbigyan nila itong mag-asawa. Hindi nakaiwas ang kanyang mister sa isang truck na nawalan ng preno kaya nabangga sila nito, nasawi si Keira na yakap yakap ang kanyang tiyan na noo’y walong buwan na.. bale ba ay sobrang excited na itong maging ate.
Niyakap niya si Kyle, tama ang kanyang ina- hindi lamang siya ang nawalan. Masyado siyang nagapi ng kalungkutan sa pagkawala ng kanyang mag-ama kaya nang isilang niya si Kyle ay masyado niyang inabala ang sarili sa trabaho upang di na niya maalala pa ang masakit na pangyayari.
Kinabukasan ay isinama niya ang bata sa puntod ng ama at kapatid nito, nagsindi sila ng kandila at nagdasal.
Nakamasid si Ginalyn sa lapida ng kanyang panganay, lumuluha siya habang nakangiti, “Anak, ikaw ang the best Ate in the world..” bulong niya.
Biglang umihip ang hangin at nagulat na lamang si Ginalyn nang biglang sumigaw si Kyle, kumakaway pa ito habang nakatanaw sa malayo, “Bye Ate! I love you too!”
Simula noon ay naglaan na ng oras si Ginalyn para sa anak. Masakit pa rin sa kanya ang mga pangyayari pero kailangan niyang maging malakas para sa kanyang bunso, at kailangang magtuloy ang buhay – iyon ang aral na kinailangan pang ipaalala sa kanya ng kanyang panganay.