Ninakawan ng Kasambahay ang Amo Para Makapagyabang sa Kanilang Probinsya; Halos Pagsakluban Siya ng Langit nang Mabuking ang Kasinungalingan Niya
Kinikilig na isinara ni Lia ang kanyang laptop, katatapos lamang ng videocall niya sa mister na nasa Amerika. Dalawang buwan pa lamang na naroon ang lalaki ay parang taon na itong nawala, miss na miss niya na kasi ang asawa. Bagong kasal lamang ang dalawa at wala pang anak pero kinailangan ng lalaki na mangibang bansa para sa isang business trip, labag man sa loob ng dalawa ay alam naman nilang para iyon sa kinabukasan nila.
Para naman hindi malungkot si Lia ay isinuggest ni James, ang mister niya, na kumuha siya ng kasambahay. Ayaw rin kasi ng lalaki na mahirapan pa ang misis niya sa mga gawain. Si Marivic ang kanyang nakuha, isang malayong kamag-anak nila mula sa Tarlac, ngayon niya lamang nakilala ang babae pero malaki na ang tiwala niya rito dahil hindi naman siguro siya lolokohin ng kanyang ka-dugo. Malaking tulong rin kay Marivic ang trabahong ibinigay ni Lia, ito pa nga ang nagbigay ng pamasahe niya upang lumuwas sa Maynila.
“Vic, naisip ko lang, gusto mo bang mag-aral?” sabi ni Lia isang gabing naghahapunan sila. Kailanman ay hindi niya tinratong katulong ang babae, sabay silang kumakain at minsan pa nga ay si Lia pa ang naghuhugas ng pinggan para makapahinga naman si Marivic.
“Ayoko, okay na ako sa ganito,” kampanteng sabi ni Marivic, halos magkasing edad lang sila ni Lia at lingid sa kaalaman ng babae ay malaki ang inggit niya rito. Paano kasi, mayaman ito at gwapo ang asawa. Sa totoo lang ay kinilig siya nang ngitian siya ng mister nito isang beses na ipinakilala siya ng babae sa videocall. Dapat ganito rin siya, buhay Donya. Iyon ang target niya, ayaw niyang mag-aral.
Nakaisip tuloy siya ng plano, di hamak namang mas sexy siya kaysa kay Lia. Madali niyang maaakit ang asawa nito, tama! Instant yaman. Konting landi at madidispatsa niya na ang babae tapos ay siya na ang bagong reyna ng tahanang ito.
Nang sumapit ang araw ng pagdating ni James sa Pilipinas ay nagprisinta pa siya kay Lia na samahan na itong sunduin ang lalaki sa airport.
“Nag-arkila naman ako ng sasakyan kaya kung marami kang gagawin ay hindi naman kita inoobliga na sumama,” sabi ni Lia sa kanya.
“Hindi, ayos lang talaga,” bihis na bihis na si Marivic, talaga namang sinadya niyang magsuot ng maiksi para mapansin agad ang kanyang legs.
Malayo pa lamang ay natanaw na nila si James, agad nitong niyakap at hinalikan ang misis nang makita ang babae. Nginitian naman siya nito at tinapik ang balikat niya, ganoon na lang ang kilig ni Marivic nang pag-uwi sa bahay ay pati siya, may pasalubong.
Mamahaling chocolate at damit, naisip niya na agad na baka nagpapapansin sa kanya si James. Mabilis lumipas ang mga araw, kung tutuusin ay hindi na kailangan ng mag asawa ng kasambahay dahil wala pa naman silang anak pero ayaw naman ni Lia na mawalan ng hanapbuhay si Marivic kaya pinabayaan niya na itong manatili sa kanila.
Samantalang si Marivic, todo ang post sa social media, bidang-bida siya sa mga friends niya sa Tarlac dahil ang gaganda ng kanyang mga litrato. Kuha sa beach, sa hotel, at kung saan-saan pang sosyal na lugar. Kahit ang totoo ay sabit lamang siya sa date ng mag-asawa. Sa kagustuhan niya ring makapagyabang ay nagnanakaw siya ng damit ni Lia at ipinapadala iyon sa mga kaibigan sa probinsya, di naman nahahalata ni Lia dahil masyado itong abala sa pag-aasikaso sa asawa, bukod doon, marami naman itong damit.
“Sa’yo na ang mga damit na pinadala ko. Marami yan, paghatian nyo nalang nina Eunice. Alam mo ang boring ng mga kasama ko rito sa bahay. Nakikitira lang sa akin itong cousin ko eh, kasama ang mister niya. At ang hot issue nga, parang may gusto sa akin yung lalaki kasi todo pa-cute. Di ko naman masisi, ang boring ng misis nya at talbug na talbog talaga sakin sis,” sabi niya sa bestfriend niya habang ka-tawagan ito sa telepono.
“Talaga? Grabe, ang galing mo talaga sis. Thank you ha, ang gaganda ng mga damit, isusuot namin ito pag dumating ka para makita mo na bagay sa amin. Sinamahan mo rin pala ng accessories? Ang big time mo na!” manghang sabi ni Lea, ang bestfriend niya.
“Masyadong marami yan dito, hindi ko rin nagagamit. Sa isang araw magba-bakasyon ako dyan. P-pero, baka mag-commute lang ako ha? Mahirap kasing magdala ng sasakyan,” sabi niya. Syempre, wala naman siyang maihaharap na kotse sa mga ito.
Nang magpaalam si Marivic kinagabihan ay agad naman siyang pinayagan ni Lia, binigyan pa nga siya nito ng pocket money at pamasahe. Pero ganoon nalang ang pandidilat ng mata niya nang kinabukasan ay nakita niyang naka-empake rin ang mag asawa, katabi ng maleta niya ang maleta ng mga ito.
“S-saan kayo pupunta?” tanong niya sa dalawa.
“Ihahatid ka na namin Vic,” mabait na sabi ni James.
“Hindi na! Ayos lang ako, may pamasahe na kayong ibinigay diba po?” natatarantang sabi ni Marivic.
“Ano ka ba Vic, magbabakasyon na rin kami ni James doon. Kahit saang hotel nalang kami mag-stay, wag kang mag-alala hindi ka namin guguluhin. Ihahatid ka lang talaga namin,” nakangiti rin si Lia.
Walang nagawa si Marivic, bagamat buong byahe ay balisa siya. Bale ba ay nag-aabang ang mga kaibigan niya, alam kasi ng mga ito na ngayon ang dating niya. Gusto niya ring sisihin ang kanyang ina dahil ibinigay nito kina Lia ang eksaktong address ng bahay nila kaya doon siya mismo ihahatid ng mag asawa.
Pagdating sa tapat ng bahay nila ay nakahinga nang maluwag ang babae dahil walang tao roon, dali-dali siyang bumaba ng kotse at nagpaalam sa mag-asawa. Makalipas ang ilang sandali ay nagsilabasan ang mga kaibigan niya, nagtatago pala ang mga ito sa bakod nilang gumamela.
“Surprise!” nangunguna si Lea, suot-suot nito ang bestida ni Lia na ipinadala niya. Ang laki naman ng ngiti ni Marivic, ang dami kasing naroon para salubungin siya.
“Aba, at yayamanin na talaga ang kaibigan namin, de kotse pa!” sabi ng isa.
“Ganoon talaga, iyon yung sinasabi kong asawa ng cousin ko na may gusto sa akin kasi losyang ang misis niya, si Lia,” sabi niya na sinundan pa ng tawa.
“Vic, thank you pala sa mga ipinadala mong damit ha, bagay sa amin. Hindi mo na ba talaga ginagamit ang mga ito? Sayang, ang mamahal siguro!”
“Hindi na, marami nga akong ganyan so naisip kong i-share sa inyo,” kung anu ano pa ang sinabi ni Marivic, kesyo ang pinsan niya raw ay madalas nanghihingi sa kanya ng pera, kesyo inaakit siya ng asawa nito. Lingid sa kanyang kaalaman ay nasa likod niya na ang dalawa.
“Vic..” mahinang tawag ni Lia, narinig nito lahat ng pinagsasabi niya umpisa palang.
Paglingon ni Marivic ay nanlaki ang mata niya, bitbit ni James ang kanyang maleta na sa pagmamadali niya ay naiwan niya sa sasakyan kaya siya binalikan ng dalawa. Naluluha si Lia, hindi niya akalaing ganoon pala si Marivic. Samantalang si James, sa sobrang awa sa asawa ay nag-init ang ulo, tiim bagang nitong inilapit ang maleta sa babae at doon ay bumunot ng ilang libo sa bulsa.
Tahimik namang nakamasid lang ang naguguluhang mga kaibigan ni Marivic.
“Vic, o. Ito na ang huling sweldo mo bilang kasambahay namin, sa inyo na ang mga damit ng misis ko.” sabi ni James at inakay na si Lia palayo sa lugar na iyon. Napuno ng bulung-bulungan ang lugar na lalo pang pinatindi nang dumating ang nanay ni Marivic mula sa palengke, may dala pa itong bayong.
“Marivic! Aba uuwi ka pala. Sasakyan ba nina Lia iyon? Ay ang bait talaga ng mag-asawang amo mo ano, pinayagan ka pang magbakasyon,” sabi nito.
Patakbong pumasok sa loob ng bahay nila ang babae. Magsisi man siya ay di na niya maibabalik ang kanyang kahihiyan. Masyado siyang naging mayabang at ambisyosa.
Hindi lang trabaho ang nawala sa kanya, pinakawalan niya rin ang isang mabuting kaibigan sa katauhan ni Lia.