Tumatanggap ng Suhol na Pagkain ang Teacher Kapalit ng Mataas na Grades, Anak Niya Mismo ang Magsasampal sa Kanya ng Katotohanan
Matagal nang guro si Sheila sa grade 4, buti nalang ay hindi ganoon kahigpit ang eskwelahang pinapasukan niya dahil maari niyang bitbitin ang anak niyang apat na taong gulang, si Sharmaine. Wala kasing magbabantay sa bata sa kanilang bahay, nasa abroad ang asawa niya.
“Good morning Ma’am! Ganda niyo naman po ngayon,” sabi ni Joy, isa sa mga nanay ng estudyante niya. Ito ang presidente ng kanilang PTA, kilala ang babae na sipsip.
“Thank you,” nakangiting sagot ni Sheila.
“Ay ma’am, muntik kong makalimutan. For you po,” sabi nito at iniabot sa kanya ang isang kahong cake.
“Naku misis, hindi ko naman birthday. Hindi rin teacher’s day. Ano ba ito?”
“Pasasalamat ko lang po dahil iniingatan nyo si Jerrylyn ko sa klase, ang bait bait nyo pong teacher sabi ng anak ko. Ang galing galing pa. Bibihira ang ganyan kaya sobrang naa-appreciate ko po kayo,” pambobola nito.
Lalo namang lumaki ang ngiti ni Sheila, kahit pa hindi lingid sa kaalaman niyang sumisipsip ang babae. Maano naman? Nakikinabang naman rin siya.
Hindi iyon ang huling pagkakataon na binigyan siya nito, nasundan pa iyon ng kung anu-ano. Minsan meryenda, chocolate, candy na lahat ay ibinibigay niya sa kanyang anak na tahimik lang na nakamasid. Tuwang-tuwa pa nga siya nang abutan siya ni Joy ng isang mamahaling ballpen. Sa tantya niya ay nasa dalawang libo ang isa noon, parang nakita niya sa isang bookstore.
“Naku ma’am, ang galing naman. Top 1 pa rin si Jerrylyn ko! Sabi ko na nga ba, tututukan nyo siyang mabuti,” magiliw na sabi sa kanya ni Joy noong ilabas na niya ang top 10 sa klase.
Ang totoo niyan, 3rd honor lang dapat ang anak nito. Pero dahil nabaon na siya sa utang na loob at nage-enjoy naman siya, inilagay niya na bilang 1st honor ang bata.
Ang daming magulang na sumama ang loob sa kanya matapos ang graduation, ano naman ang pakialam niya? Maibibigay ba ng mga ito ang naibibigay ni Joy? Kung sa sahod lang siya aasa, makakabili ba siya ng mga ganoong pagkain?
Mabilis na lumipas ang dalawang buwan at pasukan na muli. Sobra ang excitement ni Sheila dahil papasok na rin sa kinder si Sharmaine. Talagang nagpaalam pa siya sa principal na male-late siya dahil ihahatid niya ang anak sa unang araw nito.
Ang kanyang ina naman na kauuwi lang galing probinsya ang mag-aasikaso rito kapag naging regular na ang klase at kailangan niya na ring tutukan ang trabaho niya.
“Anak, galingan mo ha!Yan, ang ganda ganda. Kamukha ng mommy,” masiglang sabi niya nang matapos talian ang buhok ni Sharmaine.
Inakay niya na ito patungo sa eskwelahan at nakangiting nanood habang nagpapakilala ang mga estudyante sa unahan.
Inexpect ni Sheila na mangunguna sa klase ang anak niya dahil dati pa naman ay tinuturuan niya na rin ito. Pero nang magtagal ay may napansin siya, tila nabawasan na ang kagustuhan ng bata na mag-aral.
“Ayan, mas gustong manood ng TV. Kahit na anong kumbinsi ko ay ayaw gawin ang assignment niya. Puro mamaya, pag naman hinintay ko ay inaantok na rin,” sabi ng lola nito.
Tinignan ni Sheila ang anak na titig na titig sa TV.
“Sharmaine, can we talk anak?”
“Okay mommy,” tumalima naman ang bata at humarap sa kanya. Nang patayin niya ang TV ay pumalahaw ito ng iyak.
“Hey, may assignment ka pa kasi. Bakit inuuna mo yan? Sabi pa ng lola mo hindi ka raw kumain ng meryenda.”
“Favorite TV show ko po yun! Bakit mo pinatay po?!” nagmamaktol na sabi nito.
“Ay Sharmaine, may assignment ka pa nga kasi! Go na, get your pencil. Tapusin na muna natin saka ka manood ng TV. Dalian mo para maabutan mo pa ang palabas,” utos niya. Pero napatigil siya sa sunod na isinagot ng bata.
“Bakit po ba kasi? Bakit po need ng assignment, nakakapagod lang po yan! Bigyan mo nalang si Ma’am ko ng foods or chocolate or candy para honor ako mommy! Diba ganoon naman ang teacher, bibigyan ng something para mataas ang grade. Diba ganoon ka naman po?”
Hindi niya magawang sumagot sa bata, hindi rin siya maaaring magsinungaling dahil saksi ito sa lahat ng mga ginawa niya. Natauhan si Sheila, sobra ang kanyang naging pagkakamali.
Nakalimutan niya ang totoong layunin ng isang guro, ang makapaghatid ng kaalaman at gumabay sa mga estudyante.
Itinama niya ang maling iniisip ni Sharmaine hindi lang sa pamamagitan ng pagsasabi rito, kundi pagpapakita na rin ng tama. Mula noon ay naging matapat na siya sa kanyang tungkulin, di na rin siya tumatanggap ng kahit na ano mula sa mga nanay.
Naging patas na ang kanyang desisyon at lalo siyang minahal ng mga estudyante.