Inday TrendingInday Trending
Minaliit ng Lalaki ang Anak ng Kumpare Niyang Nagtatrabaho sa Singapore, Supalpal Siya nang Makilala ang Binata

Minaliit ng Lalaki ang Anak ng Kumpare Niyang Nagtatrabaho sa Singapore, Supalpal Siya nang Makilala ang Binata

Wala pang isang taon na nasa abroad ang anak ni Jess, lumipad ito patungong Singapore para mag-trabaho. Ang alam niya ay isa itong office staff sa isang opisina roon.

“Pareng Teroy, iyong anak kong si Jovit ay mataas na ang posisyon sa abroad. Palibhasa kasi eh nakapag-aral iyon,” mahanging sabi niya. Wala pa man ding nararating ang anak at nakatikim lang ng kaunting ginhawa ay yumabang na ang lalaki.

“Oo nga, hindi ba’t nagkasalubong tayo noong ihatid mo siya sa airport. Saan nga ulit siyang bansa?” tanong naman ng kumpare niya, kabaligtaran niya ay walang kahangin-hangin sa katawan si Teroy.

“Sa Singapore. Sosyal roon, walang kalat sa kalsada. Di tulad rito sa atin na maya’t maya ay may batang nakahubad na tumatae sa daan.”

“Ba! Akalain mo, naroon rin ang anak ko eh! Yung panganay ko, si Aldo!” nakangiting sabi nito.

“Ano ang trabaho roon? Katulong? Kasi diba hindi naman nakatapos ang anak mo? Maski na magtagal iyon doon pare, hanggang kasambahay lang siguro. Pwede pala iyon ano? Maski na lalaki ay kasambahay,” umiiling-iling na sabi niya, walang pakialam kung sumama man ang loob ng kumpare niya.

Hindi na naman kumibo si Teroy, sanay na siya kay Jess.

Isang hapon ay kausap ni Jess ang anak niya sa pamamagitan ng videocall.

“Tay, pinayagan akong umuwi ng boss ko ng isang linggo. Ang swerte ko, napakabait nila rito,” sabi ni Jovit.

“Ba! Ayos iyan! Bilhan mo kami ng nanay mo ng maraming pasalubong dyan ha. Siguruhin mong nakakahon lahat para kapag ipinadala mo rito eh makita ng mga kapitbahay nating patay gutom,” malakas pa ang pagkakasabi noon ni Jess.

“Hoy, wag ka ngang ganyang magsalita. Mamaya may makarinig sa iyo nakakahiya.” saway ng misis niya.

“Maano naman? Totoo naman. Basta nak ha, iyong bilin ko. Excited na kami ng nanay mo,”

Mula ng pag uusap na iyon ay ipinagkalat na ni Jess ang pag-uwi ng kanyang anak. Sinasadya niyang inggitin ang mga kapitbahay, palibhasa kasi ang anak ng mga ito ay imposibleng makarating sa ibang bansa maliban nalang kung mangangamuhan tulad ng anak ng pareng Teroy niya. Mga walang pinag-aralan.

Mabilis lumipas ang mga araw at sumapit na ang pag-uwi ni Jovit. Taas noo si Jess habang nakakapit sa braso ng anak niya, naglalakad sila sa barangay pauwi sa kanilang bahay. Kasusundo lamang nila sa binata pero hindi kasya ang nirentahan nilang van dahil makipot ang daan sa lugar nila, kaya nilakad nalang nila ang paliko.

Ipinarangya niyang mabuti ang anak, dahil isang linggo lang ito sa Pilipinas ay talagang sinulit nila ang oras na kasama ito. Palagi silang kumakain sa labas, buong pamilya.

“Isuot mo itong gintong kwintas mo nak,” utos ni Jess kay Jovit, manonood sila ngayon ng singing contest sa barangay. Malapit na kasi ang fiesta sa lugar nila.

“Hindi na kailangan iyan, ikaw talagang lalaki ka. Imbes na masayang manonood ang anak mo ay aalalahanin pang baka mahablot ang kwintas. Mitsa pa ng buhay iyan eh,” saway muli ng misis niya.

“Wag mong intindihin ang nanay mo. Sige na isuot mo na para makita ng mga kapitbahay na nakakaangat na tayo,”

Walang nagawa ang binata dahil isinuot na ng ama ang kwintas sa leeg niya.

Pagdating doon ay hindi pa nagsisimula ang contest, hinihintay pa raw ang barangay captain nilang judge. Nagkaroon ng oras na maka-kwentuhan ni Jess ang mga kapitbahay na nanonood rin.

“Pareng Teroy! Ba! Nanonood ka rin pala. Ito na si Jovit ko o, umuwi na,” taas noong sabi niya. Sinadya niyang lakasan ang boses para pagtinginan sila.

“Ayos yan pare. Pareho pala tayo, umuwi na rin si Aldo ko eh bakasyon rin.Nasaan naba iyon, bumili ng maiinom namin,” sabi nito na luminga-linga pa.

“So paano pare? Dapat hindi mo na pinabibili ang anak mo, alam mo namang maliit ang sahod ng nangangamuhan eh. Buti sana kung tulad nitong si Jovit ko na mataas ang posisyon sa Singapore. Sige ka, baka pagbalik niyan sa ibang bansa eh wala nang pocket money iyan.” mayabang na kantsaw niya.

Ilang sandali pa ay bumalik na ang anak ni Teroy, ipinakilala ito sa kanila ng lalaki.

Kinamayan niya ang binata, di niya pinalagpas ang pagkakataon na maliitin ito at iangat ang anak niya.

“Aldo, ito si Jovit ko. Pareho kayong nasa Singapore pero magkaiba kayo. Nakapag-aral kasi ito eh, baka di kayo magkikita kasi taga-opisina ito at nangangamuhan ka naman,” nakangiti niyang nilingon ang anak pero medyo nagtaka siya dahil tila namutla ito.

“Jovit?” tanong niya.

“T-tay..” sabi nito, titig na titig kay Aldo.

“Kamayan mo si Aldo, anak iyan ng kumpare ko. Nangangamuhan lang doon.”

Pero nalaglag ang panga ni Jess nang marinig ang kasunod na sinabi ni Jovit.

“Tay, siya ang boss ko!”

“H-ha..Paanong..” napahiya sya dahil pinagtitinginan sila ng mga tao, sobrang supalpal sa kanya iyon.

Wala siyang mukhang maiharap sa mga tao kaya naglakad siya palayo. Ang minaliit niyang binata pala ang amo ng anak niya, ito ang tinutukoy ni Jovit na mabait. Kaya pala mabuti ang loob ay kapwa Pinoy rin, hindi nga nakapag aral pero matalino naman, masipag at ma-tyaga kaya nagbunga iyon.

Mula noon ay natuto na si Jess, sumumpa siyang maski na gaano pa kataas ang marating nila sa buhay ay hinding hindi na siya magyayabang para hindi na siya muli pang mapahiya.

Advertisement